Skip to main content

Buong Puso at Todo-Kayod na Pagsuporta sa Anakpawis!

Error

The selected file /home/kmuorg/public_html/tmp/fileORsZyE could not be copied.
for the Anakpawis Partylist National Convention
Lito Ustarez, Executive Vice-President, Kilusang Mayo Uno
SB Gymnasium, Amoranto Stadium, Roces Ave., Quezon City
12 November 2009

(1)

Ilang buwan na ang nakakaraan, ipinagyabang ng rehimeng US-Arroyo na ngayong taon daw ang “pinakamapayapang” taon sa larangan ng paggawa sa kasaysayan ng bansa. Napakakaunti raw ng welga. Patunay raw na mas pinipili ng mga manggagawa ang di-antagonistikong mga paraan ng pagharap sa mga suliranin sa pagawaan. Patunay rin daw na bumubuti ang lagay ng mga manggagawa sa bansa.

Kasinunglingan! Dahil kaming, mga manggagawa sa Kilusang Mayo Uno, ang saksi sa lagay at pakikibaka ng aming sektor, na kaylan man ay hindi bumubuti ang lagay ng mga manggagawa sa ating bansa sa ilalim ng rehimeng US-Arroyo.

Sa panunungkulan ng rehimeng ito, halos ga mumong dagdag ang itinaas  sa aming sahod. Patuloy ang pagliit nito kasabay ng pagtaas ng presyo ng bilihin at iba pang batayang serbisyo. Tuluy-tuloy ang tanggalan sa trabaho, at pagpapaikli ng oras ng paggawa lalo na simula noong pumutok ang pandaigdigang krisis pampinansya at pang-ekonomiya noong Setyembre 2008.

(2)

Kung hindi bumubuti ang lagay ng mga manggagawa sa bansa, bakit hindi nagwewelga ang mga manggagawa para ipaglaban ang kanilang karapatan at interes? Ipinagyayabang ng rehimen, ang patuloy ding pagliit ng mga manggagawang nakapaloob sa mga unyon sa bansa. Kung sumasahol ang lagay ng mga manggagawa, bakit hindi sila nag-uunyon?

Ang sagot, mga kasama at kaibigan, ay ito: Simula pa noong dekada ’80, binabayo na ang kilusang paggawa sa Pilipinas ng napakatindi, sistematiko, at tuluy-tuloy na atake pangunahin ng mga imperyalista, ng mga naghaharing uring burgesya-komprador at panginoong maylupa, at ng estado. Bukod sa pagpapatindi sa pagsasamantala sa mga manggagawa para mapalaki ang tubo, layunin ng atakeng ito na durugin at pawiin ang tunay, palaban at makabayang unyonismo sa bansa.

(3)

Narito ang ilang sangkap ng matinding atakeng ito:

Una, pinalaganap ang kontraktwalisasyon. Barat na nga ang sahod at walang benepisyo, madali pang tanggalin sa trabaho ang mga manggagawang kontraktwal. Ginagawa nitong mahirap para sa mga manggagawa ang mag-unyon. Ang makitang nag-uunyon o napapadikit sa mga nag-uunyon, sisipain agad sa trabaho.

Ikalawa, naglagay ng samu’t saring balakid at patibong sa pag-oorganisa ng mga unyon. Napakarami at napakahirap ng mga rekisito para makapagbuo ng unyon, kaya napakalaki ng oras ng mga kapitalista para durugin ang sama-samang pagkilos ng mga manggagawa.

Ikatlo, dinurog ang mga welga ng mga manggagawa. Sa pamamagitan ng Assumption of Jurisdiction Order ng sekretarya ng Department of Labor and Employment, nagpapadala ang gobyerno ng militar at pulis sa piketlayn para wasakin ang mapayapang welga. Pinakamalinaw na halimbawa nito ang nangyaring masaker sa Hacienda Luisita halos limang taon na ang nakakaraan.

Ikaapat, pinagpapatay ang aming mga miyembro, organisador, lider at alyado. Sa buong bansa, simula 2001, kulang-kulang 100 ang mga manggagawang itinumba ng rehimeng US-Arroyo. Bukod pa rito ang napakaraming iba pa na dumanas ng iba pang porma ng pampulitikang panunupil na humadlang sa kanilang pag-oorganisa sa kilusang paggawa.

Ikalima, itinodo ang opensibang pampropaganda at pang-ideolohiya laban sa sama-samang pagkilos at pag-uunyon ng mga manggagawa. Mula sa pagsasabing lipas na ang sosyalismo hanggang sa paglalarawan sa KMU na parang demonyo at terorista, binubura ng mga imperyalista at naghaharing uri ang pangangailangan ng pakikibaka ng mga manggagawa.

(4)

Sa kabila ng matinding opensibang ito, tinatanaw natin ang muling paglawak at paglakas ng pakikibaka ng uring manggagawa sa ating bansa. Nakapag-ipon na ang kilusang paggawa ng sapat-sapat na karanasan sa pagsalag at pagharap sa mga  atakeng ito. Patuloy na nag-aaral ang ating mga kasapi, organisador at lider kung paano tatanganan ang interes ng uring manggagawa at isusulong ang ating pakikibaka tungo sa bago at mas mataas na antas.

Naglalagom ang kilusang paggawa ng karanasan nito sa nakaraang mga taon. Kasabay ng pag-aaral sa mga bagong opensiba sa kilusang paggawa, binabalikan din ang lagom na mga aral ng pagpupundar at pagpapalakas sa KMU noong kadiliman ng panahon ng batas militar, kung paanong matagumpay na nakapagpunyagi ang kilusang paggawa sa harap ng lantad na pasistang atake ng diktadurang US-Marcos.

Mga kasama, nangangako ang kasalukuyang kasapian at pamunuan ng kilusang paggawa: Babasagin natin ang ngiti sa mukha ng mga imperyalista at mga naghaharing uri, at ibabangon nating muli ang tunay, palaban at makabayang kilusang paggawa sa bansa!

(5)

Sa balangkas ng pagsalag sa atake sa kilusang paggawa, at sa pagbabangon at pagpapalakas nito namin tinitingnan ang halaga ng muling pagtakbo sa darating na halalan ng Anakpawis Partylist. Magpapatuloy ang mga atake sa kilusang paggawa, habang tinataya nating lalong titindi ang mga atakeng kinakaharap ng sambayanang Pilipino. Ibig sabihin, dapat nating patindihin ang paglaban at pakikibaka para sa pagbabagong panlipunan.

Sa pakikibakang ito, mahalagang mapasok at magkamit ng tagumpay sa lahat ng importanteng larangan – katulad ng puwang sa Kongreso sa sistemang party-list. Ipinakita na ng karanasan ng Anakpawis at ng iba pang progresibong party-list sa Kongreso na nakakatulong sila sa pakikibaka ng mga manggagawa at sambayanan sa paglalantad sa kabulukan sa gobyerno, pagtutulak ng tampok na mga reporma, at pagbibigay ng tulong sa mga manggagawa at mamamayan.

Kaya naman ngayong darating na halalan, nangangako ang Kilusang Mayo Uno ng masigasig, buong puso at todo-kayod na pagsuporta sa Anakpawis Partylist. Ibayo nating palakihin ang boto ng Anakpawis! Pahusayin at pag-ibayuhin natin ang pagkakampanya, pagrerekluta ng mga kasapi at pagtatayo ng mga balangay! Para sa mahusay na party-list na katulad ng Anakpawis, hindi sapat ang dalawang kongresista, at kulang pa nga ang tatlo! Ipagtagumpay natin ang ating tatlong nominado!

Tayo ay umaasa na ang National Convention na ito ay maging kumbensyon ng pagkakaisa at pagsulong! Magtatagumpay tayo, mga kasama!

“Kaming mga manggagawa, kami ay anakpawis!”

Comments

Post new comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

Type the characters you see in this picture. (verify using audio)
Type the characters you see in the picture above; if you can't read them, submit the form and a new image will be generated. Not case sensitive.