Pagpupugay kay Arman Albarillo, Bayani ng Sambayanang Pilipino
Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng buong pamunuan at kasapian ng Kilusang Mayo Uno kay Kasamang Arman Albarillo. Kaalinsabay, ipinapaabot namin ang taos-pusong pakikiramay sa kanyang pamilya, mga kaibigan at kasama. Ang kanyang buhay at pakikibaka ay halimbawang dapat tularan, at tiyak na tutularan, ng masang manggagawa at mamamayan.
Kinikilala namin si Ka Arman bilang makailang-ulit na biktima ng paglabag ng karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng US-Arroyo. Sa halip na matakot at mapaatras sa pakikibaka, lalo siyang tumapang at sumuong sa pambansa-demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba.
Kinikilala namin si Ka Arman bilang mahusay na aktibista at lider-aktibista na ubos-kayang naglingkod sa masang manggagawa, magsasaka at maralita ng Timog Katagalugan. Mula sa uring magsasaka pero naging manggagawa at nanatiling maralita sa kanyang buong buhay, marubdob ang kanyang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng masa para sa tunay na pagbabago.
Kinikilala namin si Ka Arman bilang rebolusyonaryo. Buo ang kanyang panindigan na papasahol ang kalagayan ng masang sambayanan sa ilalim ng naghaharing sistema, na anumang reporma ay kapos at panandalian, at ang kailangan ay pagbabagsak ng imperyalismo at mga naghaharing uri sa lipunan. Namatay siyang kasapi ng New People’s Army, hukbong rebolusyonaryo sa bansa.
Ang buhay at pakikibaka ni Ka Arman ay larawan ng buhay at pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Minana niya ang daantaong pyudal na pagsasamantala sa uring magsasaka at kapitalistang pagsasamantala sa uring manggagawa. Dinanas niya ang pasismo ng Estado laban sa mga nagsusulong ng tunay na pagbabago. Sinuong niya ang ligal at depensibong pakikibaka sa hayag na kilusang masa.
Papatindi ang nasaksihan niyang pagsasamantala at pambubusabos sa masang sambayanan. Papasahol ang nasaksihan niyang panunupil at pandarahas. Nakita niya ang hangganan ng ligal at depensibong pakikibaka, at ang pangangailangan ng mas militanteng porma. Sa dulo, sumapi siya sa New People’s Army at armadong nakibaka tungo sa pagpapahina sa mga kaaway ng sambayanan.
Malaking kawalan si Ka Arman, at ang kamatayan niya ay singbigat ng Sierra Madre para sa nakikibakang sambayanang Pilipino. Pero lalong sumasahol ang kalagayan ng sambayanan, at lalo namang nagpapakahusay sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ang pambansa-demokratikong kilusan. Tiyak: libu-libo, kung hindi man milyun-milyon, ang Ka Arman na yayabong sa ating hanay!
Ipagtatagumpay namin ang laban, Ka Arman!
Mabuhay si Ka Arman Albarillo, bayani ng sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang nakikibakang sambayanan!
Mabuhay ang pambansa-demokratikong pakikibaka!
Manggagawa at mamamayan, makibaka! Tularan si Ka Arman!

Post new comment