Sino si Ka Wilson Baldonaza?

Printer-friendly versionPrinter-friendly versionSend to friendSend to friendPDF versionPDF version

Ipinanganak si Wilson Fronda Baldonaza noong Agosto 26, 1953 sa Victoria, Tarlac. Pangalawa siya sa limang magkakapatid. Nag-aral siya sa Victoria Elementary School at Victoria High School kung saan nagtapos siya nang may karangalan noong 1970.

Pumunta siyang Maynila para mag-aral ng kolehiyo, sa University of the East (UE). Bachelor of Science in Civil Engineering ang kurso niya. Dahil sa kahirapan, gayunman, hindi niya nagawang makatapos sa pag-aaral. 

Pagkamulat
Kolehiyo pa lang si Ka Wilson noong una siyang maging aktibista, sa University of the East. Naging kasapi siya ng Samahan ng Demokratikong Kabataan, organisasyon ng mga kabataang aktibista noon, at naging aktibo sa mga pagkilos laban sa dikaturang Marcos noong maagang bahagi ng dekada ’70. Nang magdeklara si Marcos ng Batas Militar noong Setyembre 21, 1972 at nagsara ang mga paaralan, bumalik si Ka Wilson sa kanilang probinsya sa Tarlac para doon mag-organisa.

Nang bahagyang humupa ang pampulitikang ligalig, bumalik siya sa Maynila noong 1975 upang maghanap ng trabaho para matustusan ang pagpapatuloy ng kanyang pag-aaral. Una siyang naging manggagawa nang mamasukan siyang security guard sa Manila Domestic Airport noong 1975.

Noong 1977, nagtrabaho naman siya sa Mabuhay Textile Mills sa Valenzuela bilang manggagawa sa Quality Control. Muli siyang nag-aral sa UE, ngunit tumigil din matapos ang ilang taon dahil naapektuhan ang kanyang kalusugan ng hirap ng pagsasabay ng pag-aaral at pagtatrabaho.

Kasama si Ka Wilson sa pagkakatatag ng unyon ng mga manggagawa sa Mabuhay Textile noong 1980. Dito siya nahubog bilang progresibong manggagawa sa mga pulong, pag-aaral, welga, rali, at iba pang pampulitikang gawain na aktibo niyang tinanganan.

Lider-unyonista at manggagawang guro
Nahalal na pangalawang pangulo ng unyon si Ka Wilson noong 1985 nang mapilitang mag-underground ang pangulo nito dahil sa panghaharas ng diktatura, at noong ang dating pangalawang pangulo nila ang pumalit sa pangulo. Agad din siyang nahirang na pangulo ng unyon nang maging full-time na lider ng isang bahagi ng isang pederasyon ang kanilang pangulo.

Noong 1986, pinamunuan ni Ka Wilson ang welga ng mga manggagawa laban sa paglabag ng kumpanya sa mga kasunduan sa kanilang Collective Bargaining Agreement o CBA. Anim na buwan nilang ipinagtanggol ang welga laban sa sari-saring panghaharas ng manedsment at mga pulis.

Matapos nito, nag-organisa rin si Ka Wilson sa iba’t iba pang pagawaan sa kanilang lugar. Sumaklaw sa iba’t iba pang sektor ang pamumuno niya nang maglingkod siya bilang pangkalahatang kalihim ng balangay sa Valenzuela ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan noong 1987 hanggang 1990.

Noong 1991, naging instruktor siya ng mga kurso para sa Tunay na Unyonismo sa Ecumenical Institute for Labor Education and Research o EILER, isang institusyong maka-manggagawa na sinusuportahan ng mga taong simbahan. Kalauna’y nanguna siya sa paglulunsad ng ebalwasyon ng iba’t ibang proyekto ng institusyon.

Taong 2000 nang maging bahagi siya ng Kilusang Mayo Uno, pambansang sentrong unyon, bilang organisador ng Association of Nationalist and Genuine Labor Organizations o ANGLO, isa sa mga pederasyon ng KMU. Nahalal siyang pangulo nito noong 2002, at namuno pagpapalakas, pagpapalawak at pagpapataas ng antas ng pagkilos ng mga lokal na unyon.

Proletaryong pamumuno sa loob at labas ng bansa
Nahirang siyang pangkalahatang kalihim ng KMU sa ika-9 na Kongreso nito nong Abril 2007. Namuno siya sa pambansang mga laban ng kilusang paggawa, sa paggana ng iba’t ibang departamento ng pambansang sentrong unyon, at sa paglawak at pagpapatatag sa iba’t ibang unyon at pederasyon ng KMU.

Bilang lider-manggagawa, masinsin si Ka Wilson sa mga detalye ng gawain – sa mga plano, pahayag at datos, halimbawa. Masigasig siya sa pagtangan sa gawain, dahilan para tawagin siyang “workaholic” ng mga nakasama niya. Hindi siya nagpapigil sa karamdaman para tuluy-tuloy na maglingkod sa mga manggagawa at mamamayan.

Masipag siyang mag-aral at magturo. Natatandaan siya ng marami bilang taong alam ang mga huling pangyayari sa iba’t ibang bansa sa mundo. Minsan na rin siyang naglibot sa Australia at Europa para ipaliwanag ang kalagayan ng kilusang paggawa sa Pilipinas, partikular ang panunupil dito ng rehimeng US-Arroyo.

Sa huling mga taon ng buhay niya, isa si Ka Wilson sa mga namuno para komprehensibong pag-aralan ang mga atake sa kilusang paggawa sa bansa. Marami ang nahawa sa kanyang optimismo sa hinaharap. Tiwala siyang dumanas man ng matitinding atake ang kilusang paggawa, susulong ito sa hinaharap at mapapasakamay ng mga manggagawa at mamamayan ang kinabukasan ng bansa.  ###