Statement: Tuloy ang laban sa Luisita!

Sa Nobyembre 16, limang taon na ang masaker sa Hacienda Luisita sa Tarlac na pumatay sa pitong magsasaka at manggagawang bukid. Kahit limang taon na ang nakakaraan, bakas pa rin ang dugo at dahas sa mahigit 6,000 ektaryang taniman ng tubo. May kampo pa rin ang militar sa loob ng tanimang pag-aari ng mga Cojuangco – palatandaan ng pagpapaulan ng bala sa mga welgistang naggiit ng dagdag-sahod at pamamahagi ng lupa dahil P9.50 lang ang naiuuwi nila araw-araw. Matapos ang masaker, sunud-sunod pa ang naging pagpaslang sa mga lider-magbubukid. Wala pa ring katarungan para sa mga martir ng uring anakpawis. Ngayon, nagbabanta uli ang pagpapalayas sa mahigit 900 pamilyang nagbungkal sa lupang nagpayaman sa mga Cojuangco.

Subalit hindi nabuwag ng dahas ang paglaban ng mga manggagawa at magsasaka ng Hacienda Luisita. Nananatiling buhay ang pakikibaka para sa tunay na repormang agraryo, nakakabuhay na sahod, disenteng trabaho at karapatan. Ang laban sa Hacienda Luisita ay laban ng buong sambayanan para sa katarungang panlipunan - para tuldukan ang matinding pangangamkam ng lupa sa bansa,  para igiit  ang disenteng trabaho at nakakabuhay na sahod sa maraming pagawaan. Ang pagkamit ng hustisya para sa mga biktima ng masaker ay pagkamit din ng katarungan para sa lahat ng biktima ng pasistang estado sa ilalim ng rehimeng US-Arroyo.

Napapanahon ang paggunita sa ikalimang taon ng masaker para ipaalala sa sambayanan at buong daigdig ang sabwatan ng mga panginoong maylupa at ng estado sa pagbusabos sa uring anakpawis. Sa makasaysayang araw ng Nob. 16, pagpugayan natin ang mga martir ng Hacienda Luisita at ituloy natin ang  makatarungang paglaban nila sa pamamagitan ng pagsusulong sa ating mga panawagan:

Katarungan para sa mga biktima ng masaker! Kailangang panagutin ang mga maysala sa pagpaslang sa mga welgista at mga tagasuporta ng welga bago pa man matapos ang termino ng pangunahing teroristang Gloria. Partikular na dapat panagutin ang mga opisyal militar na nag-utos ng pagbaril sa hanay ng mga welgista, si dating Hen. Hermogenes Esperon na pinuno ng militar noon, si dating Sec. Patricia Sto. Tomas ng DOLE na siyang nag-utos ng pagdadala ng militar sa welga, at si Gloria Macapagal-Arroyo mismo na siyang punong kumander ng militar noong panahong ito.

Lupa para sa mga magsasaka!   May pakulo ang pamilya Cojuangco ngayon na “enlistment” ng mga magsasakang benepisyaryo umano ng repormang agraryo, subalit taktika lang ito para isa-isa nang palayasin ang mga magsasaka sa lupa. Tanging ang agarang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka ang makatarungang tugon sa ilang dekada nang paglaban sa Luisita.

Ibasura ang Assumption of Jurisdiction! Ibasura ang Herrera Law! Ang Assumption of Jurisdiction ang kapangyarihan ng Kalihim ng DOLE na gawin ang anumang gusto nito sa isang kumpanyang pinagwewelgahan, tampok ang pagpapadala ng militar at pulisya sa welga. Sa AJ sa Hacienda Luisita, agarang dumamba ang trak-trak na militar sa mapayapang protesta ng mga manggagawa bilang tugon sa sitsit ng pamilya Cojuangco. Kailangang ibasura na ang AJ, na napapaloob sa Herrera Law, na kasalukuyang bersyon ng Labor Code, na pumaslang at dumahas na sa maraming makatarungang welga. ###

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>
  • Potentially problem-causing HTML tags are filtered.

More information about formatting options