Paigtingin ang mga pakikibaka ng mga manggagawa at mamamayan laban sa imperyalismo at mga reaksyunaryo
Error
Mensahe ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoples' Struggle
1 Mayo 2010
Sa maningning na araw na ito ng mga manggagawa ng daigdig, nakikiisa kami sa International League of Peoples’ Struggle, sa mga manggagawa at mamamayan ng daigdig sa pagdiriwang ng kanilang mga pakikibaka, sakripisyo at tagumpay. Napakahalagang itaas ang bandila ng proletaryong pagkakaisa at pakikibaka laban sa pagsasamantala at pang-aapi ng imperyalismo at lahat ng reaksyunaryo. Muli, pinagtitibay natin ang ating kapasyahang ibagsak ang sistemang monopolyo-kapitalista at palitan ito ng makatarungan, demokratiko, at mapayapang bagong mundo kung saan namamayani ang sosyalismo.
Patuloy ang Pagsahol ng Krisis ng Pandaigdigang Sistemang Kapitalista
Hindi tumitigil ang mga kaaway ng uring manggagawa at inaaping mga mamamayan sa pagpapakita ng kanilang suklam sa masa sa kanilang mga kasinungalingan at pandarahas. Abalang-abala ang mga tagapagsalita ng monopolyong burgesya sa pagproklama ng katapusan ng pandaigdigang krisis pang-ekonomiya at pampinansya, at pagdiriwang sa simula umano ng muling pagbangon. Hindi lang sa hindi totoo ang pahayag na ito kundi senyales pa nga ng mas matinding opensiba sa mga manggagawa at mamamayan ng daigdig.
Nagsasasatsat ang mga burgis na ekonomista tungkol sa tumataas na numero ng GDP, pagsulong ng stock market, pagiging “istable” ng sistemang pampinansya, lumalaking tubo ng mga bangko, at mas masiglang aktibidad pangnegosyo. Ang reyalidad ay artipisyal at panandalian ang umano’y muling pagbangon dahil solong nakasandig ito sa trilyun-trilyong dolyar na ibinigay ng estado sa pinakamalalaking bangko at bumabagsak na mga conglomerates bilang pondong pansaklolo (bailout). Ito ang pinakamalaking sabayang pag-reyd sa mga kabang-bayan ng pinakamayamang saray ng uring kapitalista na gumagamit sa pera para humamig pa ng mas malalaking tubo mula sa pamumuhunang ispekulatibo.
Lugmok pa rin ang lagay ng tunay na ekonomiya, lalo na sa usapin ng lumalawak na kawalang-trabaho at masahol na kondisyon ng pamumuhay ng masang anakpawis. Sampu-sampung milyon ang nawalan ng trabaho o kabuhayan simula 2008 nang pumutok ang pinakamasahol na krisis simula noong Matinding Depresyon ng dekada 1930 sa pinaka-puso ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Milyun-milyon pa ang nanatiling may trabaho pero part-time na lang, mas mababa ang sahod at pwedeng masisante kapag sinabi ng mga bosing. Sa US pa lang, milyun-milyong pamilya na ang nakatakdang mawalan ng bahay sa susunod na taon. Sinusunggaban ng monopolyong burgesya ang malawakang kawalang-trabaho at matinding kawalan ng segurong panlipunan para magbawas ng gastusin, bawiin ang mga benepisyong pinaghirapang kamtin ng mga manggagawa, at magpalaki ng tubo.
Sa mga bansang hindi maunlad, pinakamapaminsala ang epektong panlipunan sa mga ekonomiyang pinakanapasok ng pandaigdigang monopolyo-kapital. Bumagsak ang umano’y ayuda, kita sa eksport, at remitans kasabay ng pagbagsak ng mga ekonomiya ng mga abanteng kapitalistang bansa. Pinapasahol pa ang kronikong depresyong pang-ekonomiya ng maraming krisis na likha ng sistemang monopolyo-kapitalista kabilang ang krisis sa pagkain, tubig at ekolohiya.
Habang humaharap ang masa sa madilim na hinaharap, patuloy namang pinapalaki ng mga manedyer ng oligarkiyang pampinansya – na siyang responsable sa krisis – ang kanilang nadarambong. Nag-uwi ang pinakamalalaking 25 manedyer ng mga hedge funds sa US ng $25.33 bilyon noong 2009 – pinakamataas sa kasaysayan at mas malaki pa sa pinagsamang GDP ng halos 100 bansa. Kanilang “kinita” ang napakalalaking halagang ito hindi sa produksyon kundi sa ispekulasyon lang, partikular sa tamang pagpusta na sasaklolo sa Wall Street ang gobyernong Amerikano sa ilalim ni Obama kahit ano pa ang mangyari.
Malinaw na hindi pinapabayaan ni Obama ang mga tagapagpondo niya. Hindi lang niya ipinagpatuloy ang paghahatid ng trilyun-trilyong dolyar sa sektor pampinansya, hinadlangan pa ng administrasyon niya ang anumang pagtatangkang maglagay ng limitasyon sa nakakamatay na mga operasyon ng kapital sa pinansya, sa kabila ng mga panawagan kahit ng mga ekonomistang may gusto ng reporma. Nililikha niya ang pinakamalaking bula sa porma ng pampublikong pautang at sangkot siya sa paggastos kahit may depisito (deficit spending) na nagdudulot ng paglaki ng tubo ng mga monopolyo pero hindi ng pagdami ng trabaho at pagbangon ng ekonomiya.
Binundat din niya ang military-industrial complex sa pagbibigay ng pinakamalaking pondong pandigma sa kasaysayan ng US simula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kahit iangkop pa sa implasyon. Nagtatayo ng mas maraming base-militar ang US at pinapaunlad nito ang mga pasilidad pang-militar sa buong mundo para tiyakin ang kontrol sa mga estratehikong rekurso (tulad ng langis sa West at Central Asia, at West at Central Africa); paligiran ang mga kapangyarihang potensyal na maging karibal, partikular ang Tsina at Rusya; at umatake o makialam sa mga rehiyon kung saan hinahamon ang mga interes nito (tulad sa Latin America, Pakistan, Iran, at Korea). Bilyun-bilyon din ang ibinabayad nito sa mga kumpanyang monopolyo ng US para suplayan at serbisyuhan ang mga base-militar nito sa ibang bansa at “muling itayo” ang mga imprastrukturang pang-sibilyan na winasak ng pananakop ng US sa Iraq at Afghanistan.
Nagdulot ang kagandahang-loob na ito sa pinakaparasitiko at pinakabrutal na seksyon ng malaking burgesya ng mabilis na paglaki ng pampublikong depisito at utang sa lahat ng mayor na ekonomiya. Tantya ng Bank for International Settlements, ang tumbasan ng utang sa GDP (debt-to-GDP ratio) ng mga bansang Group of 7 ay malamang na lumobo nang 150 hanggang 300 porsyento sa susunod na dekada. Kaya naman naghahanda ang mga ehekutibo ng monopolyong burgesya ng bagong pag-atake sa masang anakpawis sa kani-kanilang bansa at sa mga mamamayan ng Ikatlong Daigdig para makapiga pa ng mas malaking labis na halaga.
Ang administrasyong Obama, halimbawa, ay bumansot sa diskresyunaryong paggastos para sa serbisyong panlipunan, nagsisante sa libu-libong guro at kawani ng gobyerno, at naghahandang magpaliit sa Medicare at Social Security. Nag-uusap ngayon ang mga lider ng Group of 20 tungkol sa “pagpigil sa depisito” at “pagbabalik sa normal na patakaran” sa gitna ng karagatan ng mga walang trabaho at naghihirap na masa. Ang ibig nilang sabihin: pagbawi sa mga hakbanging pampasigla ng ekonomiya, pagtitipid sa badyet, at pagpataw ng mga bagong buwis para palakihin ang pondong pampuno sa pondong pansaklolong ibinigay sa oligarkiya sa pinansya. Nangangahulugan ito ng malawakang tanggalan sa trabaho, partikular sa mga kawani ng gobyerno, at pagbawas sa pang-edukasyon, pangkalusugan, pabahay at iba pang programang panlipunan at pangkawanggawa. Para sa masang anakpawis, ito ang kahulugan ng mga usap-usapan tungkol sa “muling pagbangon.”
Muling umeentra sa eksena ang International Monetary Fund para magpataw ng mapaminsalang mga hakbangin ng pagtitipid at pagkaltas sa sahod hindi lang sa mga bansang Third World sa Asya, Afrika at Latin America na baon sa utang, kundi maging sa Eastern Europe at hindi gaanong abanteng kapitalistang mga bansa tulad ng Greece. Para sa mga bansang nagawang umiwas sa IMF sa pamamagitan ng pagsandig sa pribadong pamilihang pangkapital, naglalabas pa rin ang kapital sa pinansya ng mga kautusan sa pamamagitan ng mga ratings agencies tulad ng Moody’s at Standard and Poor. Ang mga bansang tumatangging magbawas ng depisito sa pinansya sa pamamagitan ng pagkaltas sa mga serbisyong panlipunan, pagpapatupad ng tanggalan sa trabaho at pagpapataw ng mas marami pang regresibong buwis ay pinaparusahan sa pamamagitan ng mas mababang ratings at mas mataas na tantos ng interes.
Sa kabila nito, nananatili ang banta ng malawakang hindi pagbabayad (default) at pagguhong pampinansya sa hinaharap. Ang totoo, hindi maiiwasan ang mga ito dahil ang tugon ng mga naghaharing uri sa krisis – pagpapatindi ng pagsasamantala sa masang anakpawis, labis na akumulasyon ng kapital, paggastos na nakabatay sa utang, at pinansyalisasyon – ay nagpapasahol sa batayang mga kalagayang nagdudulot ng krisis. Mas masahol ang inaasahang epekto ng pagputok ng bula sa pampublikong pautang kaysa sa pagputok ng mga naunang bula.
Habang patuloy sa pagpuri sa maskarang “malayang pamilihan” ng monopolyo-kapitalismo, ang US ay desperado sa pagpapatupad ng patakarang proteksyunista at sa pagsisikap na bawasan ang depisitong eksternal nito sa pamamagitan ng pagbawas sa mga import at mas agresibong pagtutulak ng pag-eeksport. Inilunsad nitong huli ni Obama ang National Export Initiative na naglalayong doblehin ang maeeksport ng US sa loob ng limang taon. Maaasahan kung gayon ang US na lalong maging mas agresibo sa pagbubukas sa mga dayuhang pamilihan, pagtataguyod sa “mga karapatan sa pag-aari” nito sa ibang bansa habang pinapakitid naman ang pagpasok ng import. Siguradong magpapasahol ito sa mga hidwaang pangkalakalan sa pagitan ng US at mga karibal nito sa komersyo at sa inter-imperyalistang ribalan para sa pagdambong sa Ikatlong Daigdig.
Sa harap ng krisis pang-ekonomiya at mga hamon sa paghahari nito, pinapatindi ng US ang militarismo, terorismo ng estado at mga gerang agresyon. Nagaganap ang pinakamalalaking armadong tunggalian at pinakamatitinding instabilidad sa mga rehiyon kung saan pinakamasaklaw ang pakikialam ng US – West, Central at South Asia, at West at Central Africa. Ang mga ito rin ang rehiyon na may pinakamalaking konsentrasyon ng mga estratehikong rekurso, pangunahin ang langis – na ang kontrol ay deklaradong layunin ng patakarang pangmilitar ng US simula noong dekada 1950.
Umabot na ang pagsakop ng US sa Iraq sa ikapitong taon, nang walang matanaw na katapusan, taliwas sa pangako ni Obama na wawakasan ang mga misyong panlaban ng US sa Iraq pagdating ng Agosto 31, 2010. Pinapaigting ng US ang gera nito sa Afghanistan sa pagpapadala ng 30,000 dagdag na tropa at sampu-sampung libong pribadong kontraktor – ginagamit ang bansa bilang laboratoryo ng bagong armas at taktikang panlaban ng US, tulad ng paggamit ng drone attacks. Pumasok ito sa bagong kasunduang pangnukleyar sa India para suportahan ang pagpapaunlad ng militar ng huli at balansehin ang alyansang Pakistan-Tsina.
Patuloy na ginagamit ng US ang alyansang US-Zionista para maghasik ng terorismo sa buong Middle East at sagpangin ang langis at iba pang yamang likas dito. Nagdulot na ang suporta ng US sa agresyong Israeli kontra sa sambayanang Palestino ng pinakamalulubhang krimeng panggera (war crimes) at mga paglabag sa karapatang pantao ng Zionismong Israeli, at ng krisis pang-humanitarian tulad ng nagaganap sa Gaza. Sa Africa, pinatatag ng US ang presensyang militar nito sa pamamagitan ng paglikha ng African Command o Africom. Pinalawak nito ang pagbebenta ng armas at ang pagbibigay ng ayudang pang-militar at pagsasanay sa ilang bansang Aprikano, partikular iyung mayaman sa langis at mineral.
Sinarhan din nitong huli ng US ang kasunduan para gamitin ang pitong base-militar nito sa Colombia sa loob ng 10 taon bilang lunsaran ng pakikialam sa bansa at palawakin ang “kakayahan sa digmaang pang-ekspedisyon” sa buong rehiyon – partikular laban sa mga “gobyernong kontra-US” na tinukoy ng Pentagon tulad ng Venezuela, Cuba at Bolivia. Sa Honduras, gugunitain ang unang anibersaryo ng kudetang suportado ng US na nagtanggal sa halal na pangulong si Manuel Zelaya sa Hunyo 28, 2010 – kasabay ng pagkalat ng mga usap-usapan tungkol sa kudeta sa Ecuador, Paraguay, Venezuela (at posibleng sa ibang bansang tumatanggi sa lalong-nalalantad na Washington Consensus). Puntirya si Hugo Chavez, sa partikular, ng mapanirang propaganda ng midyang mopolyo-kapitalista – na posibleng paghahanda at pagbibigay-katwiran sa destabilisasyon o maging direktang agresyon laban sa Venezuela. Kahit ang huling disaster na pang-humanitarian sa Haiti ay ginagamit ng US para magpalawak ng direktang kontrol na pang-militar sa sambayanang Haitian at sa ekonomiya nila.
Sa buong East Asia, patuloy na ipinapatupad ng US sa Tsina ang patakaran ng pag-engganyo sa ekonomiya at pagbakod sa pulitika’t militar (engagement and containment) at lalo itong nagbibigay ng presyur na pang-ekonomiya at pampulitika. Nagbibigay na rin ito ng papatinding presyur sa Democratic People’s Republic of Korea. Sa Pilipinas, ang patuloy na presensya ng mga tropang Amerikano at kanilang pasilidad pangmilitar at ang patuloy na pagsusuplay ng ayudang pang-militar ay sumusuporta sa malupit na programang kontra-insurhensya ng gobyerno, na tumatarget sa kapwa armado at di-armadong sibilyan, at sumusuhay sa tiwali, pasista at papet na gobyernong Arroyo.
Nagdudulot ang agresyong militar ng US sa buong mundo ng malawakang pagkamatay ng mga sibilyan, pagkawasak ng mahahalagang imprastruktura, pagsalaula sa mga lokal na kultura, pagdambong sa mga likas na yaman, malawakang paglikas at iba pang matitinding paglabag sa karapatang pantao, at paglaganap ng kagutuman at sakit.
Lumalaban ang mga Manggagawa at Mamamayan ng Daigdig
Inuudyukan ng papasahol na kalagayan ng pandaigdigang krisis pang-ekonomiya at pampinansya, at ng pagtindi ng imperyalistang pagdambong at mga gerang agresyon, ang mga manggagawa at mamamayan ng daigdig na maglunsad ng iba’t ibang porma ng pakikibaka.
Hinaharap ng mga manggagawa ng daigdig hindi lang ang mga indibidwal na bosing na kapitalista na humuhuthot ng labis na halaga sa partikular na mga pagawaan. Inaatake ng monopolyong burgesya ang masang anakpawis sa pamamagitan ng paggamit sa buong mapanupil na aparato ng estado sa mga bansang imperyalista at bansang dinodomina ng mga imperyalista. Mulat ang mga manggagawa at mamamayan ng daigdig na hindi lang sila pwedeng makipagtawaran para sa mas mataas na sahod at benepisyo. Gusto nilang agawin ang pampulitikang kapangyarihan sa mga nang-aapi at gamitin ang kapangyarihan ng estado para isulong ang kanilang karapatan at interes.
Sa iba’t ibang bansa, sumisiklab at nagtatawag ng atensyon ng mundo ang mga malawakang protesta, kalakhan laban sa tugon ng mga gobyerno sa krisis. Niyanig nitong huli at pinatigil ang Greece ng welga at iba pang porma ng pagkilos na pagtutol sa plano ng gobyerno na bawasan ang paggastos sa mga serbisyong panlipunan at dagdagan ang mga buwis para makabayad sa utang panlabas at punuan ang lumalaking depisito. Ginamit ang mga traktora ng mga magsasaka para harangan ang mga kalsada; iniwang nakatali sa pier ang mga barko; isinara ang mga ospital, paaralan at iba pang serbisyong panlipunan; at kahit ang mga balita sa midya ay sinuspinde dahil sa pagsama ng daan-daang libo sa mga militanteng protesta. Sumisigaw ng pagtutol ang mga manggagawa at mamamayan ng Greece sa mga hakbangin ng gobyerno na sila ang pagbayarin sa deka-dekadang paglustay sa pondo ng gobyerno para sa pamamatrong pampulitika, katiwalian, at paggastos gamit ang perang inutang.
Sa France, daan-daang libo rin ang sumama sa mga protesta laban sa plano ng rehimeng Sarkozy na baguhin ang pambansang sistema sa pensyon sa pamamagitan ng pagbawas sa pensyon at pagdagdag sa edad ng pagreretiro, bilang pagtatangkang resolbahin ang depisito. Iginiit din ng mga organisador ng mga protesta ang mga panawagan para sa seguridad sa trabaho, mas mahusay na kalagayan sa paggawa, at mas mataas na sahod. Sa lahat ng bansa sa Europa, lalo na sa Portugal, Ireland, Iceland, Greece at Spain, tumitindi ang panlipunang diskuntento dahil sa tumataas na tantos ng kawalang-trabaho, pagka-uk-ok ng mga benepisyong panlipunan, at pagbagsak ng kalagayan ng pamumuhay.
Sa US, naglunsad ang mga manggagawa at migrante ng mga welga at raling protesta. Daan-daang libong estudyante at guro ang nagprotesta sa pagkaltas sa badyet sa edukasyon at pagtataas ng matrikula. Ipinapahayag nila ang galit sa patakaran ng rehimeng Obama na sumaklolo sa mga bangko at malalaking korporasyon at magbuhos ng pera sa gera sa Iraq at Afghanistan sa kapinsalaan ng edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan.
Sa kabila ng pananabotahe ng imperyalismong US, madalas magpahayag ang mga gobyerno ng Cuba, Venezuela, Bolivia at North Korea ng paggigiit ng pambansang soberanya at pagtutol sa mga dikta ng imperyalismo sa kani-kanilang bansa at sa mundo. Idinedeklara ng kanilang mga popular na lider na nagsusulong ang kanilang bansa ng rebolusyon para sa sosyalismo. Nagawa ng kanilang gobyerno na pahinain ang pinakamasasahol na epekto ng kasalukuyang krisis sa mga manggagawa at mamamayan, at itaas pa nga ang kalagayan ng pamumuhay sa kani-kanilang bansa. Pinapakilos nila ngayon ang mga manggagawa at mamamayan para baguhin ang mga sosyo-ekonomikong istruktura. Aktibo ang Cuba, Venezuela at Bolivia sa paghikayat sa mga kapwa nila bansa sa Latin America para pahusayin ang kooperasyong pang-ekonomiya sa rehiyon.
Sa Iraq at Afghanistan, nagdudulot ang armadong paglaban ng mga manggagawa at mamamayan kontra sa direktang kolonyal na pananakop ng US at para sa pambansang paglaya ng matitinding bigwas na pangmilitar at pampulitika sa lakas pangmilitar ng imperyalismong US. Pinatindi lang ng pwersahang pagpapataw ng mga gobyernong papet at suportado ng US sa mga bansang ito ang ngitngit ng mga manggagawa at mamamayan sa imperyalismong US.
Itinutulak ng armadong paglaban sa mga bansang ito ang pagkondena ng mga manggagawa at mamamayang Amerikano sa nagpapatuloy na gerang agresyon ng kanilang gobyerno. Ipinapakita rin nito sa mga manggagawa at mamamayan ng daigdig na pwedeng labanan at ipahiya ang lakas pangmilitar ng US, at dapat ubos-kayang labanan ang direktang pananakop at paghaharing kolonyal nito.
May mga partidong proletaryado sa Asya, Latin America, at Africa na naglulunsad o naghahandang maglunsad ng rebolusyunaryong armadong pakikibaka. Naglulunsad ang mga manggagawa at mamamayan ng Pilipinas, India, Turkey, Congo, Niger Delta, Peru at Colombia ng digmang bayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Nagpupunyagi sila sa harap ng iba’t ibang kampanya ng pagsupil ng mga rehimeng suportado ng imperyalismong US sa balangkas ng umano’y “gera kontra-terorismo.” Sa Pilipinas, nilalayon ng rebolusyunaryong kilusan na magkaroon ng kalitatibong pag-igpaw mula estratehikong depensiba patungong estratehikong pagkakapatas sa loob ng limang taon, sa pamamagitan ng pagsamantala sa tumitinding krisis sa daigdig at bansa at pagtuntong sa mga kalakasan at karanasan sa kasalukuyan.
Sa India at Nepal, patuloy na lumalakas ang mga rebolusyunaryong armadong kilusang pinapamunuan ng mga proletaryong rebolusyunaryong partido, sa suporta ng mga manggagawa at mamamayan sa kanilang bansa. Tuluy-tuloy na lumalakas ang rebolusyunaryong kilusan sa India, at napwersa ang punong ministro nitong sabihing “Natatalo tayo sa pakikidigma sa mga Maoista.” Matapos ibagsak ang monarkiya at magkamit ng malalaking tagumpay sa ligal na militanteng pakikibaka at mga aksyon, naghahanda ngayon ang rebolusyunaryong kilusan sa Nepal sa pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika para ipagtanggol ang pambansang kalayaan at magpanday ng sosyalismo.
Matapos ang dalawang dekada ng pagsasasatsat tungkol sa “katapusan ng kasaysayan,” ipinapahiya ang mga imperyalista at kanilang mga bayarang propagandista ng pagpupunyagi ng karaniwang mga manggagawa at mamamayan sa rebolusyunaryong pakikibaka para kolektibo at militanteng lumikha ng kasaysayan, at magbigay ng katapusan sa atrasado at bulok na sistemang imperyalista.
Nag-aambag ang lahat ng pakikibaka ng mga manggagawa at mamamayan laban sa imperyalismo at mga reaksyunaryo sa tuluy-tuloy na pagsulong tungo sa isang bago at mas mahusay na daigdig ng pambansang kalayaan, demokrasya, kaunlaran, katarungang panlipunan at kapayapaan. Panawagan namin sa mga manggagawa at mamamayan ng daigdig: Patindihin ang pakikibaka laban sa imperyalistang pandarambong at gerang agresyon! Hawanin ang landas patungong sosyalismo! #
Comments
Post new comment