Skip to main content

Opening Statement for May 1, 2011

Ngayon natin kailangan ang makabuluhang dagdag-sahod.

Halos isang dekada nang barya-barya lang ang dagdag sa sahod. Pero sa gobyerno ni Aquino – WALA! Di naman daw kasi mataas ang inflation rate. Pero grabeng nagtataasan ang presyo ng mga bilihin, una na ang langis, at abot-langit na ang angal ng sambayanan.

Ngunit si Aquino, ramdam niya ba ito? Pero paano makakaramdam ng hirap ng mamamayan ang punong kinatawan ng mga asendero-komprador, sumasakay sa magara at ubod nang mahal na sports car na Porsche, at napupuyat sa pagiging adik sa computer games. Kung nababahala man siya, iyan ay para agarang ipatupad ang utos ng tunay niyang mga boss – ang malalaking dayuhan at lokal na kapitalista.

Kabi-kabila na ang krisis. Sa loob at labas man ng bansa, manggagawa ang unang pinipiga. Kulang na kulang ang P404 minimum na sahod ngayon sa Metro Manila, at mas mababa pa sa kontraktwal. Gobyerno na mismo ang nagsasabi na ang kailangan ng isang pamilya ay P957 para mairaos ang isang araw.

Ngunit ipinako na ang sahod sa pinakamababa. Hinahayaan namang magkamal ng dambuhalang tubo ang malalaking kapitalista tulad ng mga dayuhang kumpanya ng langis, at mga bilyunaryong Pilipino tulad ng mga Ayala, Cojuangco, Lopez, Tan, Sy, Aboitiz.

Simula 2008 ay P7.50 kada litro na ang overpricing, o patong sa presyo ng langis. Lalo pang bumilis ang pagtaas ng presyo ngayong taon. Nagagawa ng kartel sa langis – Caltex, Shell at Petron – ang gusto nito dahil sila ang may monopolyo sa industriya ng langis at sa bisa ng kasumpa-sumpang Oil Deregulation Law, at dahil hawak din nila sa ilong si Aquino. Ang kita naman ng 20 pinakamayang negosyante sa Pilipinas noong 2010 ay katumbas na ng kinita ng 12 milyong pamilyang Pilipino. Ang pinakamalalaking 1,000 korporasyon sa bansa ay nagkamal na rin ng P3.1 Trilyon sa panahon pa lang ni Gloria.

Isang trilyon ang ibinalik na dagdag na puhunan sa negosyo samantalang kinamal ng mga kapitalista ang dalawang trilyon. Malulugi? Magsasara? Nakakatawa. At si Aquino pa ang naunang nagsabi na huwag na tayong umasa – WALANG DAGDAG SA SAHOD.

Asa ka pa ba na magkukusa ang mga kapitalista? Asa ka pa ba na may mangyayari sa regional wage boards? Ipinagduduldulan na nga sa mga mukha natin na tumahimik na tayo, dahil wala nang mangyayari.

Ngunit huwag naman nila tayong insultuhin nang ganito. Kailanman, hindi tayo mga pulubing humihingi ng mumo o naghihintay ng grasya sa mga naghahari. Anumang tinamong dagdag sa sahod, seguridad sa trabaho, pagpapaigsi ng oras-paggawa at iba pang benepisyo ng uring manggagawa ay naipagwagi sa pakikibaka. Hitik ang kasaysayan ng Mayo Uno sa buhay at sakripisyong ipinuhunan ng hene-henerasyon ng mga manggagawa para ituring silang tao at kilanlin ang dignidad ng lakas-paggawa.

Kaya ito ang masasabi natin kay Aquino. Huwag kang umastang masahol pa kay Gloria, o mauuna kang tamaan ng delubyo sa galit ng mga manggagawa, kasama ng mga mamamayang nagkakaisa at nakikibaka. Hindi ang uring manggagawa ang mapapaatras sa pakikibaka.

Bilang paghahanda sa Mayo Uno, nananawagan tayo sa lahat ng manggagawang Pilipino. Ihanda ang ating mga unyon at mga organisasyon.

Kumatok tayo sa lahat ng mga pabrika at opisina. Sumuyod tayo sa mga komunidad. Ikutin natin ang mga paaralan. Pumunta tayo sa mga tahanan ng masa. Padaluyin natin ang panawagan sa masmidya. Higit sa lahat, makiisa sa iba’t ibang sektor ng mga mamamayan sa kanilang pakikibaka.

At pagdating ng Mayo Uno, angkinin ang mga kalsada! Sa iba’t ibang dako ng kapuluan, iluwal natin ang mga martsa at protesta. Sa Metro Manila, tahakin natin ang mga landas patungong Liwasang Bonifacio at Mendiola, at sa lakas ng pagkakaisa ng mga manggagawa at mamamayan, iparating natin nang buong linaw sa Malakanyang na hindi tayo titigil hangga’t hindi nakakamit ang tagumpay ng ating pakikibaka – sahod man ito, paglaya ng bayan, at paglaya laluna ng buong uring anakpawis mula sa pagsasamantala at pang-aalipin.

Itaas nang P125 ang sahod, across-the-board, nationwide, ngayon na!
P6,000 dagdag sa minimum pay para sa mga kawani ng gobyerno!
Ibasura ang kontraktwalisasyon!
Itigil ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin! Itigil ang overpricing sa langis!
Isulong ang pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa!

Sumama sa pagkilos sa Mayo Uno, 1:00 ng hapon sa Liwasang Bonifacio!

AttachmentSize
opening statement for May 1 2011.pdf194.96 KB

Post new comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.