Praymer sa Pasismo ng Rehimeng Arroyo
Pambungad
Ang kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas sa kasalukuyan ay kinakatangian ng walang habas na paggamit ng panunupil at terorismo ng estado ng isang pangulong isinusuka na ng mamamayan pero desperado pa ring nangungunyapit sa kapangyarihan. Nalublob sa malalang pampulitikang krisis ang rehimen mula Mayo 2005 nang mabulgar ang ginawa nitong pandaraya noong nakaraang halalan. Bagamat napigilan sa kongresong dominado ng mga tauhan at alyado
ni Ginang Arroyo ang mga pagsisikap na alisin siya sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment, ang mga isanampang kasong laban sa kanya – ang pandaraya sa halalan, korapsyon at malawakang paglabag sa mga karapatang pantao – ay nananatili at patuloy na yumayanig sa kanyang administrasyon.
Sa paglala ng kalagayan ay higit na nagiging desperado ang rehimen at higit na nagiging marahas at mabangis sa pagsugpo sa kagustuhan ng malawak na publiko na alisin si Ginang Arroyo sa puwesto at kamtin ang mga kagyat na repormang pang-ekonomya at pampulitika. Pinalalawak at pina-iigting ng mga otoridad ang pag-atake nila sa oposisyon at sa lumalakas na kilusang protesta. Pinatitindi rin nila ang militarisasyon sa kanayunan at nagsasagawa ng malawakang pagpaslang sa mga kalaban ng rehimen sa ngalan ng kontrainsurhensya at ng idinikta’t pinapamunuan ng Estados Unidos na gyera laban sa terorismo. Nalagpasan na ng rehimeng Arroyo ang madugong rekord ng lahat ng nagdaang gobyerno – pati na ang diktadurang Marcos -- sa bilang ng pampulitikang pamamaslang sa di-armadong mamamayan.
Kasabay nito, pinapakitid at lantarang nilalabag ng rehimeng Arroyo ang mga karapatang sibil. Walang pakundangan ito sa pag-uusig sa mga walang-lubay na kritiko ng lahat ng kabuktutan sa gobyerno tulad ng mga progresibong kinatawan ng anakpawis at ng bayan sa Kongreso, ang Batasan 6. Iligal na inaresto at patuloy na nakabilanggo si Ka Bel kahit wala ni anino ng ebidensya laban sa kanya.
Tusong ginagamit ni Ginang Arroyo ang kampanyang kontraterorismo para pahigpitin ang hawak niya sa kapangyarihan na niyayanig ng tumitinding paglaban ng mamamayan. Ito ang dahilan ng tumitinding lantarang pasismo at lumalalang paglabag ng estado sa mga batayang karapatan ng mga Pilipino.
| Attachment | Size |
|---|---|
| PRAYMER sa PASISMO.pdf | 113.95 KB |
| Attachment | Size |
|---|---|
| PRAYMER sa PASISMO.pdf | 113.95 KB |
