“ Panahon na ang mga bishops, kasama ang mga pari ang makinig sa sa sermon ng mamamayan. Sa halip na kami ang magtungo sa kanila, panahon na sila naman ang lumubog sa aming hanay at alamin ang aming sentimyento, pananaw at mga paninindigan. Kung dati ang sambayanan ang nakikinig sa kanila, sila naman ang makinig sa amin. At malinaw ang tinig ngayon ng taumbayan, upang manaig ang kabutihan, katotohanan, kapayapaan at katuwiran, dapat nang mapatalsik si Gloria Macapagal-Arroyo sa Malakanyang.”
Ito ang naging reaksyon ni Prestoline Suyat, Tagapagsalita ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa katatapos na pastoral letter na inilabas ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).
Inirehistro ni Suyat na hindi sasapat ang panalangin upang resolbahin ang pampulitikang krisis na nagaganap sa bansa kung hindi makikilahok ang lahat ng taumbayan, kabilang na ang mga taong-simbahan.
” Habang dapat lang igalang ang pananampalataya ng bawat isa, kasama na ang paniniwalang ang panalangin ay napakamakapangyarihang sandata, dapat ding isapraktika ng mga mananampalataya o mga relihiyoso ang lumang kasabihang ” Nasa Diyos ang awa, Nasa Tao ang gawa”. Noon pa man, sinasabi rin ni Gloria at kanyang mga alagad na sila’y maka-Diyos at maka-tao. Ngunit maka-Diyos ba at makatao ang pagsasamantala, pang-aapi at pang-aabuso nila sa bayan lalo na sa pinakamahirap nating kababayan? Panahon na sila’y singiln sa kanilang mga pagkakasala sa sambayanan,” sabi ni Suyat.
Sa kabilang banda, nanawagan naman ang lider-manggagawa na dapat ipagpatuloy nila Bishop Deogracias Iniquez, Bishop AntonioTobias, Bishop Julio Labayen, Bishop Pedro Irigo ng Palawan, Bishop Vicente Navarra ng Bacolod ang wastong ”pagpapastol” sa kanilang mga nasasakupan at pagposisyon para sa ’katotohanan at kabutihan” sa panawagang labanan ang malalang korapsyon sa gobyernong Arroyo at ang pagbibitiw o resignation ni GMA bilang pangulo ng bansa.



