Malawakang kilos-protesta sa buong Kamaynilaan, ipuputok ng lalong naghihirap at nagugutom na taumbayan sa Agosto 28

Submitted by KMU on Tue, 2008-08-26 13:46. ::

MAHIGIT sa isang dosenang lugar sa buong Kamaynilaan ang kakalampagin ng protesta sa Agosto 28 upang ipinawagan sa gubyernong ang isang malaking bagsak ng rolbak sa presyo ng produktong petrolyo, pagsasabatas ng P125 dagdag na sahod at pagtatanggal ng VAT sa langis at kuryente. 

Ito ang ipinahayag ni Elmer ‘Ka Bong’ Labog, Tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na ang malawakang kilos-protesta sa Agosto 28 ay patungo sa isang pambansang welgang transportasyon sa Setyembre  kung magbibingi-bingihan ang gubyernong Macapagal-Arroyo at mga dambuhalang kumpanya ng langis sa lehitimong panawagan ng taumbayan.  

“ Sa bawat segundo, minuto at oras na hindi ibinababa ang presyo ng mga produktong petrolyo lalo na sa diesel at LPG ay kumikita ng limpak-limpak na tubo ang kartel ng langis at gubyernong Macapagal-Arroyo sa pamamagitan ng buwis. Ngayong napakalaki na ng ibinagsak ng presyo ng krudo sa world market at walang kasabay na pagbaba ito sa presyo sa ating bansa, ibayong pangungulimbat ito sa taumbayan. Hindi barya-baryang rolbak ang kailangan ng taumbayan kundi isang malaking bagsak na rolbak na napakamakatwiran at napapanahon na,” sabi ni Labog. 

Ipinaliwanag ni Labog na kung ang average na presyo ng krudo sa world market  na $114 barrel nitong Mayo 2008  ay nagtulak na maging P44.00  ang presyo ng diesel, mahirap tanggapin na ang halos ganitong presyo sa world market ay may katapat na P55.00 kada litro sa diesel sa ngayon sa ating bansa. 

“ Paano ipapaliwanag ng mga dambuhalang kumpanya ng langis na may mahigit P10 kaibahan ang presyo ng diesel sa ngayon kung halos pareho naman ang presyo ng krudo sa world market noong Mayo kumpara ngayong Agosto? Kung magrorolbak sila, hindi na sapat na 50 sentimo hanggang P1.00 lalo na’t P3.00 kada litro dagdag ang pinakamataas na siningil nila sa atin sa nakaraan . Magiging katanggap-tanggap lang ito kung P5.00 hanggang P8.00 rolbak sa kagyat ang ibibigay nila sa taumbayan,” sabi ni Labog. 

Inirehistro rin ni Labog na itutulak din ng mga kilos-protesta ang kagyat na pagpapasa ng batas para sa P125 dagdag sahod at pagtatanggal ng VAT sa langis at kuryente. 

“ Sa halip na itulak ng gubyernong Macapagal-Arroyo ang mapaminsalang gera sa Mindanao at Cha-cha, ang dapat nitong gawin ay ibuhos ang napakalaking impluwensiya at bigat nito sa Kongreso upang ipasa ang P125 wage bill at pagtanggal ng VAT sa langis at kuryente. Napakataas pa rin ang mga presyo ng bilihin at nakapako pa rin sa napakababang antas ang sahod ng mayorya ng manggagawang Pilipino,”  hirit ni Labog.  
 

Magsisimula ang mga protesta mula 3:00  ng hapon na tatagal hanggang 7:00 ng gabi. Katatangian ito ng pag-iikot sa mga komunidad, pagsasagawa ng mga programa at muling pag-iikot sa komunidad upang manghikayat pa ng marami pang lalahok. 

Ilan lang sa lugar na magkakaroon ng kilos protesta sa Agosto 28 ay ang sumusunod: Welcome, Rotonda, Quezon City, Araneta Ave, Quezon City, Philcoa, Litex-Commonwealth, Stop N Shop, Sta. Mesa, Pedro Gil, Taft, Pinagbuhatan at San Joaquin sa Pasig, Marikina Sports Complex, Novalices-Bayan, Cainta-Junction, Marulas Market, Valenzuela, Pulo, Mamatid, Moriones Tondo, Mariano Alvarez Market, Las Piñas, Alabang. ###