Published on kilusangmayouno.org (http://www.kilusangmayouno.org)

Marahas na gunita

By KMU
Created 2008-08-12 00:33
Biyernes a-trese, tinotoo ni Marcos ang banta ng lagim na kaakibat ng petsang ito. Agosto ng araw na iyon, taong 1982, pinaghuhuli ang may isandaang lider-manggagawa ng KMU, kasama sina Ka Crispin Beltran, Bert Olalia, atbp, sa bintang na sila’y terorista. Tinugis ang mga obrero sa kani-kanilang mga bahay, opisina, at iba pang pinaglalagian, sapilitang ikinulong, ginulpi at tinortyur. Matapos ang ilang araw, bumisita sa US si Marcos, at ipinagmalaki ang katiwasayan ng lagay ng bansa.


Dalawang beses na lumipas ang 13 taon, binabatbat pa rin ng lagim ng kasalukuyang rehimen ang mga manggagawa, sa iba’t ibang bihis at bangis.


Sa pagawaan ng Advan shoes sa Muntinlupa, may 200 kababaihang manggagawa ang mahigit 13 taon nang sekswal na inaabuso ng kanilang may-ari. Nang magpasya silang lumaban at magtayo ng unyon, dumalang ang pang-aabuso. Ngunit tinanggal naman sa trabaho ang may 50 sa kanila, at pinipilit nang ilabas ng may-ari ang mga makina sa pagawaan para isara na umano ang kumpanya at takasan ang mga manggagawa. Sa Far Eastern garments naman sa Las Piñas, gusto na ring alisin ang mga makina sa pagawaan upang maisara na ito ng may-ari, na isang bilyonaryo sa Taiwan, dahil nalulugi na raw siya. Hinarang ito ng strike ng mahigit 200 manggagawa. Sa pagawaan ng PaperTech sa Pasig, mahigit 20 manggagawa naman ang tinanggal dahil nagtayo sila ng unyon, kabilang ang lahat ng upisyal ng unyon, matapos dayain ng management ang boto sa eleksyon para hindi kilalanin ang unyon. Tatlong pabrika lang ito sa Metro Manila na nag-strike mula noong nakaraang buwan.


Sa buong bansa, mula 2001 nang maupo si Gloria sa pwesto, 87 manggagawa na ang tinanggalan hindi lang ng trabaho kundi ng buhay. Noong nakaraang taon, sa naisadokumento pa lang, mahigit 16,400 ang naging biktima ng paglabag ng karapatang pantao. 3,100 ang biktima ng retrenchment, 300 ang tinanggal dahil sa labor dispute. Nasa batas ang karapatan ng lahat ng manggagawa na pumaloob sa unyon, pero 6 porsyento lamang ang unyonisado sa 33 milyong manggagawa sa bansa.


Sa opisina ng DOLE at National Labor Relations Commission, natataningan pabor sa kapitalista ang mga inihahapag na kaso ng manggagawa. Sa mga poster, inginingisi ni Gloria na ramdam ang kaunlaran. Sa ibang bansa, kapulong ang mga kapitalista, ginagarantiyahan niya ang seguridad ng kanilang negosyo sa Pilipinas, hayaan nang itaas nila nang husto ang mga presyo, huwag lang manggulo ang mga manggagawang gumagawa ng yaman nila, at pahintulutan ang P125 dagdag na sahod at iba pang lehitimong kahilingan.


Sumasapit muli ang Agosto a-trese, at gugunitain ng manggagawa ang lagim ng petsa na ito nang walang takot o pag-iimbot. Sa lahat ng nawalang buhay, hanap-buhay, at karapatan – nasa atin ang lahat ng dahilan para lumaban. Kaisa ang malawak na hanay ng mamamayan, sisingilin natin ang bawat paniniil. Buong pwersa, wawakasan natin ang sabwatan ng DOLE, rehimen, kapitalista, at imperyalista!


Ipagtanggol ang trabaho at kabuhayan!

Panunupil sa manggagawa, wakasan!

Patalsikin ang rehimeng US-Arroyo!



Agosto 13 paggunita sa Trade Union Crackdown:

10AM picket sa DOLE



Source URL:
http://www.kilusangmayouno.org/marahas-gunita