Work stoppage sa libing ni Ka Bel, hiniling ng KMU bilang akmang pagpupugay ng mga manggagawa sa dakilang lider-manggagawa
NANAWAGAN ang militanteng Kilusang Mayo Uno (KMU) ngayong araw sa lahat ng manggagawa sa buong bansa na pansamantalang tumigil sa trabaho o mag-work stoppage sa Mayo 28, Miyerkules, sa araw ng libing ni KMU Chairman Emeritus Crispin “Ka Bel” Beltran, bilang pagkilala at pagsaludo sa naiambag niya sa pagsulong ng kilusang paggawa sa bansa.
Ang panawagang work stoppage ay bahagi ng itinakdang “Pambansang Araw ng Pagluluksa kay Ka Bel at Protesta laban sa rehimeng US-Macapagal-Arroyo” sa Mayo 28.
“Nananawagan ako sa lahat ng mga manggagawa sa buong bansa, hindi lamang sa mga kaanib ng KMU, na lumiban sa pagpasok o tumigil sa trabaho kahit ilang oras lamang sa araw ng libing ni Ka Bel sa Mayo 28. Hinihiling naming bilang pagkilala kay Ka Bel ay maihatid natin siya sa kanyang huling hantungan sa Angel of Meadows Memorial and Nature Park sa Pulong Yantok, Angat, Bulacan,” sabi ni Elmer ‘Ka Bong’ Labog, Tagapangulo ng KMU.
Inirehistro rin ni Labog na bilang pagpupugay kay Ka Bel, nagsimula na ang pagsasabit ng streamers ng mga manggagawa sa kani-kanilang pagawaan o pabrika at sa opisina ng mga pederasyon, pagsusuot ng armband na may kulay pula at itim na simbolo ng ”pagluluksa at patuloy na paglaban,” at mga luksang-parangal sa iba’t ibang bansa. Ilan lang sa mga panawagan sa mga streamers at plackards ang ”Crispin ’Ka Bel’ Beltran, Bayani ng Uring Manggagawa!, Ka Bel, Dakilang Lider-Manggagawa!, Ka Bel, Tuloy ang Laban!, Ka Bel, Tuloy ang Laban para sa P125 Dagdag Sahod!”.
Mamayang hapon, Marso 24, magsasagawa rin ng programa ng pagpaparangal at pagpapatuloy ng laban ni Ka Bel ang mga manggagawa sa Cordillera sa People’s Park sa Baguio City. Nagpaabot na rin sila ng intensyong magpapadala ng contingent sa Kamaynilaan upang sumama sa libing ng dakilang lider-manggagawa.
Ipinaabot din ni Labog na dahil naging drayber at lider-tsuper din si Ka Bel, magsasabit din ng streamers at plackards ang mga miyembro ng Pinag-isang Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide o PISTON, sa mga pondohan o terminal ng jeep.
Idinagdag pa ni Labog na dahil hindi lahat ay makakadalo sa libing ni Ka Bel sa Bulacan, hinihikayat niyang magtipon sa mga plaza o liwasan ang mga manggagawa at iba pang sektor upang magsagawa ng programa para kay Ka Bel.
”Bilang dakilang lider-manggagawa at magiting na bayani ng sambayanan na naglingkod sa atin nang mahigit 53 taon, tama lamang na ibigay natin ang ating pinakamataas na pagpupugay at pasasalamat sa kaniyang mga nagawa. Lalo na’t walang imbot siyang nagsilbi at nakipamuhay sa mga mahihirap at namatay din bilang maralita na hindi karaniwan sa mga naging kongresista o pulitiko ng bansa,” giit ni Labog.
Ipinaliwanag din ni Labog na Araw ng Protesta ang libing ni Ka Bel dahil nais nilang singilin ang panggigipit ng gubyernong Macapagal-Arroyo kay Cong. Beltran sa ilegal nitong pag-aresto at 15 buwan ng ilegal na pagdedetine sa kanya sa pamamagitan ng gawa-gawang kaso ng rebelyon.
Nais din irehistro ng KMU na ang malubhang kahirapan, matataas na presyo ng bilihin at serbisyo, garapalang korupsyon sa pamahalaan, pang-aabuso sa kapangyarihan, pamamaslang at iba pang problema na buong tapang na nilabanan ni Ka Bel ay umiiral pa rin. ”Tuloy ang laban ni Ka Bel.
Tuloy ang panawagan ng sambayanang mapatalsik kaagad ang pahirap, korap, mandaraya, tuta ng imperyalistang US at pasistang si Gloria Macapagal-Arroyo na nagpahirap at nagmalupit kay Ka Bel kahit na siya’y inosente sa ibinibintang na krimen sa kanya at kahit na siya’y 73 taong gulang na noon, matanda na at dapat igalang at ingatan,” sabi ni Labog. ###
