Published on kilusangmayouno.org (http://www.kilusangmayouno.org)

Pambubusabos at panlilinlang sa manggagawa ni PGMA, nagbabadya ng pag-aaklas

By KMU
Created 2008-05-01 19:02

”Ubos na ang pasensya namin.” 

Ito ang pahayag ni KMU Chairperson Elmer ’Ka Bong’ Labog kay Gloria Macapagal-Arroyo sa selebrasyon ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa dahil sa pagbalewala niya sa pangunahing panawagan ng manggagawa para sa kagyat na dagdag sahod. Malawakang protesta ang isinagawa ng KMU at mga kaalyadong organisasyon sa iba’t ibang panig ng bansa. 

”Ang Araw ng Paggawa ay gugunitain sa pinakamataas na militansya ng mga manggagawang na nasa pinakasadlak nang kalagayan ngayon.  

”Dapat seryosohin ni Arroyo ang pagbibigay ng makabuluhang dagdag sahod. Nagkakamali ang gubyerno na kapag nagbigay ito ng mumong umento sa pamamagitan ng regional wage boards at mga huwad na benepisyo ay mapapakalma ang mga manggagawa. 

”Binibigyan namin si Gloria ng matinding babala. Ang krisis na bumibihag sa manggagawa’t mamamayan ngayon ay nagbabadyang tumungo sa pag-aaklas na tatapos sa mapiniil niyang pamamalakad. Maging ang food riots na ibinababala namin noong Marso ay may posibilidad pa ring mangyari dahil walang seryosong hakbang na ginagawa ang gubyernong Arroyo sa krisis ng bigas, pagkain at kabuhayan ng taumbayan,” diin ni Labog.  

Pinakabutas na bulsa

”Lalong napagtitibay ang katwiran para sa P125 dagdag na sahod sa gitna ng sumisirit na presyo ng halos lahat na ng bilihin ngayon.” 

Ngayong taon, tumaas ng 44 % ang presyo ng bigas, 14.3% ang isda, 23 % ang baboy, 20% ang manok at gulay, at 56 % ang mantika mula April 2007 batay mismo sa Department of Trade and Industry.  

Nang maluklok si Arroyo noong 2001, nasa P445.53 ang pambansang average ng living wage ayon sa National Wages of Productivity Commission (NWPC), at ang pambansang average naman ng minimum wage ay P222.42. Kung naibigay ang P125 noon ay kukulangin pa rin ito  ng P98.11 para sa pangangailangan ng isang pamilya. 

Pagkatapos ng pitong taong pagkapit sa puwesto ni Arroyo, ang average living wage na ngayon ay P770. Ngunit ang average minimum wage ay nasa P246.56 lamang. 

Pinaka-pinagdadamutan

Pinasinungalingan din ni Labog ang pahayag ng mga negosyante na hindi umano kakayaning ibigay ang P125 dagdag sahod sapagkat pipigain nito ang kanilang mga kita na magiging sanhi ng ibayo pang pagtaas ng presyo.  

“Imposibleng hindi kaya ng mga kapitalista na ibigay ang P125 dagdag sahod. Mula 1999 hanggang 2006, tumaas ang labor productivity ng 56.3% sa nominal, o 13.1% sa real terms,” ani Labog, na may pagbabatay sa pag-aaral ng IBON think-tank. 

”Lagi ring pinagmamalaki ni Gloria na tumataas ang GDP ng Pilipinas. Ibig sabihin, tumataas ang pangkalahatang produksyon at kita sa bansa, ngunit kanino lang ito napupunta?”

Pinaka-nililinlang

Isa-isa namang tinuligsa ni Labog ang mga pakulong regalo umano ni Arroyo sa mga manggagawa ngayong Mayo Uno. 

Para sa diumanong Livelihood Assistance, na hindi pa binibigyan ng ispesipikong detalye ng Malakanyang, sinabi ni Labog na “Alangan namang hindi ibigay ito. Kalimitan nga ng ibinibigay na dagdag ng wage boards ay adjustment lamang sa COLA.” 

Para sa dagdag na coverage ng Philippine Health Insurance Corp. sa 2,000 manggagawa sa informal sector, “Barya lang ang gagastusin nila dito. Inuudyok pa nito ang pagdami ng mga nasa impormal na sektor, na kasalukuyan nang nangyayari bunsod ng talamak na kontraktwalisasyon at tanggalan.”

Para naman sa Productivity E-Learning, “Sinong makikinabang dito? Paano magko-kompyuter at makakapagpapalaki ba ng kita ang manggagawa, kung hindi na nga niya mapagkasya sa gastusin ang sinasahod?” 

At para sa job fair para sa umano’y 50,000 trabaho, “Ilang bahagdan lang ito sa mahigit 4 milyong walang trabaho at mahigit 5 milyong underemployed sa bansa. At anong klaseng trabaho na nanaman ang inaasahan ng mamamayan dito – panandalian, walang kalidad, at mababa ang sahod?” 

Kapos at huwad na dagdag sahod

Hinggil naman sa matatanggap umanong 10% dagdag na sahod ng mga empleyado ng gobyerno, “Hindi ba’t natural lang ito ayon sa SSL? At malayo ito sa panawagan ng mga kawani sa gobyerno na buwanang P3,000 across-the-board mula pa noong taong 2000.” 

Muli namang kinundena ni Labog ang pagpupumilit na itaas ang sahod sa pamamagitan ng regional wage boards. 

”Dapat buwagin na ang wage boards dahil napatunayan na sa kasaysayan na paraan lamang sila para baratin, hatiin at linlangin ang mga manggagawa, at takasan ang legislated across-the board na pagtataas ng sahod,” sabi ni Labog. 

”Sa Western Visayas halimbawa, inamin na ng regional wage board doon na 80% ng mga kumpanya ang makakalibre o mae-exempt kapag nagdesisyon sila sa pagtataas ng sahod. Maging si NWPC executive director Ciriaco Lagunsad III ay ilang beses nang nagsabing malaking porsiyento ng mga kompanya at pagawaan sa buong Pilipinas ang hindi nagpapatupad ng wage orders mula sa wage boards, ngunit hindi naman napaparusahan.” 

Suporta sa P125

Bumubukas naman ang KMU sa panukalang batas ni Senador Ramon Revilla na pabor sa P125 dagdag na sahod across-the-board ngunit hahatiin ang pagpapatupad nito sa tatlong taon. Pinag-aaralan na ng KMU ang panukalang batas. 

Sa Mababang Kapulungan naman ay pinapanawagan pa rin ng KMU na kagyat nang isabatas ang HB 1722 ni Anakpawis Congressman Crispin Beltran. Dalawang taon ang nakaraan ay nasa 3rd reading na sa Kongreso ang kahalintulad na batas na magbibigay din ng hulugang P125, subalit pinigilan ito sa usaping teknikal ni Cong. Crispin ’Boying’ Remulla. 

Garapal na pangulo

”Ang kapal ng mukha ni Arroyo na baratin ang mga manggagawa, samantalang ang laki na ng ninakaw niya sa amin at sa mamamayan.” Ang 130 milyong dolyar na kickback dapat sa NBN deal ay katumbas na sana ng sahod ng 72,337 minimum wage earners sa loob ng isang taon, o ng 62,346 obrero kung walang COLA. 

Nanawagan ang KMU na ”Wasto pa rin ang people power. Kailangang magtiwala ang sambayanan sa lakas ng kanilang pagkakaisa at paglaban upang mawakasan na ang rehimeng nagpapahirap sa kanila, at maitaguyod ang lipunang magbabandila ng pambansang kalayaan at demokrasya.” ###____________________________________________________________________________________________ 


Source URL:
http://www.kilusangmayouno.org/node/847