Gutom man at kapos sa sahod, tuloy ang protesta at martsa ng manggagawa at taumbayan patungong Mendiola sa Mayo Uno - KMU

Submitted by KMU on Tue, 2008-04-29 13:36. ::

Mayo Uno 2008, bwelo muli ng Kampanyang Talsik kay PGMA.

“ KAPOS  man ang aming mga sahod, gutom dahil sa krisis sa bigas at pagkain at laging may pagbabanta sa buhay, tuloy na tuloy ang aming pagmamartsa patungong Malakanyang sa Mayo Uno.” 

Ito ang ipinahayag ni Elmer ‘Ka Bong’ Labog, Tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU) hinggil sa kanilang plano ngayong darating na Mayo 1. 

Sinabi ni Labog na dahil pambansang usapin ang kahilingan ng dagdag na sahod, ang krisis sa bigas at pagkain, pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo  at ang tuluy-tuloy na pandarahas sa mga manggagawa at taumbayan kung kaya’t dapat lamang na maihapag ito sa tarangkahan ng Malakanyang. Dahil dito,  kung kaya’t igigiit nilang makapagsagawa ng programa sa tulay ng Mendiola, ang pinakamalapit na lugar patungong palasyo.

“ Kung hindi tutugunan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang kagyat na kahilingan ng mga manggagawa at taumbayan para sa P125 dagdag na sahod, pagresolba sa krisis sa bigas at pagkain, pagtigil sa walang patumanggang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at paglala ng kriminalidad dahil sa kagutuman at ang malalang korupsyon sa pamahalaan, mapapadali ang pagpapatalsik sa kanya sa Malakanyang. Ang malawakang demonstrasyon sa buong bansa ng mga obrero at taumbayan sa Mayo Uno ang magsisilbing bwelo muli ng kampanyang pagpapatalsik sa kanya sa poder ng kapangyarihan,” sabi ni Labog. 

Idinagdag ni Labog na dahil hindi lamang isyu ng mga manggagawa ang ipapanawagan at ipaglalaban nila sa Mayo Uno kung kaya’t sasamahan sila ng iba’t ibang grupo at personalidad na lumalaban sa kagutuman, korupsyon, kahirapan at pandarahas sa mga Pilipino. 

Inaasahang lalahok sa programa sa Liwasang Bonifacio ng KMU ang mga organisasyon sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan, mga empleyado ng bangko mula sa Concerned Makati Employees (CoME), Labor Day Committee,  COURAGE, mga manggagawa sa Pelikulang Pilipino sa pamumuno ni Direktor Joel Lamangan, mga miyembro  ng Concerned  Citizens Group sa pangunguna ni Josie Lichauco at iba pa.   

Nagpaabot din kagustuhang makadalo sa selebrasyon ng Pandaigdigang Araw ng Manggagawa sina dating Bise-Presidente Teofisto Guingona, Senador Jinggoy Estrada, Senador Jamby Madrigal, Senador Bong Revilla at iba pa. 

Magkakaroon ng limang converging points o areas ang KMU sa Metro Manila bago tumungo ng Liwasang Bonifacio: UST sa Espana, Maynila, Quirino sa Taft Ave., Plaza Moriones sa Tondo, Blumentritt  at sa Stop N Shop sa Sta. Mesa sa Maynila. 

Magkakaroon ng programa ng KMU sa Liwasang Bonifacio mula 1:00 ng hapon hanggang 3:30 ng hapon bago magmamartsa patungong Mendiola. Pagtuntong sa Mendiola, magsasagawa ang KMU ng programa na inaasahang lalahukan ng People’s Movement Against Poverty (PMAP), Union of  the Masses for Democracy and Justice (UMDJ) at iba pang grupo ng EDSA Tres.  

Tiniyak naman ni Prestoline Suyat, Tagapagsalita ng KMU, na magiging mapayapa ang gaganaping programa ng KMU sa Liwasang Bonifacio at Mendiola kung hindi guguluhin ng mga ahente ng gubyernong Arroyo, pulis at mga militar. 

“ Napakahalaga sa amin ng selebrasyon ng Mayo Uno  at pagsasagawa ng militanteng protesta dahil sa nagaganap na kagutuman at kahirapan kung kaya’t hindi namin hahayaang mapigilan kami ng puwersa ng gubyernong Arroyo na ayaw na ibayong malantad ang nangyayari sa ating bansa. Nag-file na kami ng kaukulang permit at sana’y sundin ang pangako ni Manila Mayor Alfredo Lim na hahayaan niya ang rally sa Mendiola basta’t holiday. Nakipagdialogue na kami kay Acting Manila Mayor Isko Moreno at sana’y hayaan nila kami lalo na’t araw ng mga manggagawa ang Mayo Uno,” sabi ni Suyat.  

Nakatakdang magsagawa rin ng programa at mga kilos-protesta ang mga kaanib ng KMU at kanilang mga tagasuporta sa May 1 sa Laguna, Cavite, Rizal, Bicol, Masbate, Tarlac, Baguio, Cebu, Tacloban, Iloilo, Bacolod, Davao, General Santos, Caraga region, Cagayan de Oro at iba pang lugar. # # #