Hinikayat ng militanteng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang lahat ng Filipino na bilisan pa ang pagkakasa ng mga aksyong pagpapatalsik sa “pekeng” presidente na si Gloria Macapagal-Arroyo, sa karagdagang dahilan na puro palpak ang mga kautusan nito sa parating na krisis sa bigas. “ Nakakasuya ang madaliang papulong niya sa kanyang Gabinete sa NAIA nang dumating siya mula sa kaniyang biyahe sa Hongkong at utusan ang mga itong tumugon sa padating na krisis sa bigas,” sabi ng tagapangulo ng KMU na si Elmer ’Ka Bong’ Labog.
“Ipinakita nito si GMA na parang di makapaghintay na umaksyon sa padating na krisis sa bigas, pero sa tutoo lang, hindi nakakapanatag sa mga Pilipino ang gayong bangkaroteng showbiz niyang arte,” ani Labog, laluna’t ang mga kautusang inihanay ni GMA sa Gabinete ay lalo lang “magpapalala at di reresolba” sa krisis sa bigas sa pangmatagalan.
Ayon pa sa lider-manggagawa, mas makakapinsala sa ngayon ang lalong pagpapalakas sa liberalisasyon ng kalakalan at ibayong pagsabotahe sa kakayahan ng agrikultura nating kamtin ang katiyakan sa pagkain. Sa halip, ayon sa KMU, ngayon ang panahon para itakwil ang pahamak na liberalisasyon at sama-samang trabahuhin ang produksyon ng sapat na bigas at pagkain sa pamamagitan ng tunay na repormang agraryo.
Tama na ang Boladas
Kailangan natin ang isang gobyerno at presidenteng tunay na inihalal ng mamamayan at tunay na gumagawa para sa kapakanan ng mayorya ng mga Filipino, sabi ng KMU. Ayon kay Labog, “kung gagawin lang ni GMA na mas matinding importer ng bigas at mas malaking mangangalakal at tagapamahagi ng bigas ang NFA, gaya ng sinasabi ng mga kautusan niya sa kanyang Gabinete, wala tayong maaasahang sapat o abot-kayang bigas. Sa halip, lalo lang tayong mapapasandig sa imported at mas mamahaling kanin sa hinaharap.”
Ayon sa KMU, kalakhan ng utos ni GMA sa kanyang Gabinete bilang tugon sa padating na krisis sa bigas ay nakapokus sa pagtiyak na may naibebentang sapat na kantidad ng (paparaming imported) na bigas sa mamamayan. Bagamat ipinag-utos ni GMA sa Gabinete niyang “itulak tumaas ang ani ng bigas,” boladas lang ito kung walang tunay na repormang agraryo, sabi ni Labog.
“Paano kikita ng “sapat” ang Pilipinas para kayaning bayaran ang paparaming imported na bigas at abutin ang kathang-isip ni GMA na ‘good economics’? Ipinakikita ng kasaysayan natin ng tuluy-tuloy na deficits na palagiang hindi tayo kumikita ng sapat mula sa pag-export ng paparaming bilang ng manggagawa, o mula sa foreign investments na nagsasamantala lang sa binusabos na manggagawa rito, o mula sa mga dayuhang korporasyong inaakit nila GMA na pumarito upang limasin ang ating likas yaman kapalit ng barya-barya,” sabi ni Labog.
Iminungkahi ng KMU na bagamat sa panandalian ay kakailanganin ngang mag-import ng bigas, dapat din daw agresibong magsagawa ang gobyerno ng mga hakbangin para mas maraming lupa ang matamnan ng palay sa lalong madaling panahon. “Dapat nagkakandarapa ang gobyerno na bigyan ng tunay at makabuluhang suporta ang mga magbubukid sa pamamagitan ng angkop sa bansang mga binhi, iba pang inputs at kagamitan sa pagsasaka, kinakailangang irigasyon, at mga serbisyo bago at pagkatapos ng anihan. Hindi lang dapat tigilan ang land-use conversion, dapat ding repasuhin ang dating pinayagang mga kaso ng palit-gamit sa lupa.”
Sa madaling salita, wala dapat na mga kaso ng Sumilao, Hacienda Looc o Hacienda Luisita kung may tunay na repormang agraryo ang CARP, ayon sa KMU. Idinagdag pa ni Labog na kung babatay sa ulat ng IRRI na tumataas ang produksyon ng palay kada lupang kasalukuyang natatamnan, ibig sabihi’y kakayanin nating matamo ang sapat sa pangagailangan ng bansang bigas.
“Ngunit hindi ito mangyayari kung may isang pekeng pangulong nanlilibang sa atin sa pagsasabing hindi sapat na bigas ang habol natin, kundi ang mangarap na kumita ng sapat para ipambayad sa bigas na manggagaling sa labas,” ani Labog. Pagwawakas ni Labog, kaduda-duda na rin kung saan mapupunta ang P5 bilyong ipinalalabas ni GMA para umano sa pagkakaroon ng bigas.