Skip to main content

Panagutin si Gloria! Tanggalin si Corona! Noynoy, pahirap sa bayan, labanan!

Error

The selected file /home/kmuorg/public_html/tmp/fileNtoplB could not be copied.

Usap-usapan ngayon ang paglilitis ng Senado para sa impeachment ni Chief Justice Renato Corona. Kung mahahatulan siyang guilty o maysala rito, matatanggal siya sa pwesto. Ano ang dapat na tindig nating mga manggagawa at mamamayan dito?

Dapat lang ma-impeach si Corona. Gusto kasi nating maparusahan si Gloria Macapagal-Arroyo at mga tuta niya para sa mga grabeng krimen nila. Hindi ba’t ang daming krimen ni Gloria? Bukod sa pandaraya sa eleksyon, nariyan ang pagdambong sa kabang-bayan. Hello Garci at NBN-ZTE. Nariyan ang pagdulot ng matinding kagutuman at kahirapan. Nariyan ang laksang paglabag sa mga karapatang-tao – pagpatay, pagdukot, pagtortyur.

Ang problema, tuta rin ni Gloria si Corona. Hadlang ang punong hukom sa pagpapanagot sa dating pangulo. Paano mapapanagot sa batas si Gloria kung kakampi niya ang ultimong magbibigay ng interpretasyon sa batas? Hindi ba’t minadali ni Corona ang paghadlang ng Korte Suprema sa pagbabawal kay Gloria na umalis ng bansa? Halatang-halata: Kung nasunod ang Korte Suprema, nakatakas na sana si Gloria!

Ang totoo, kontra-mamamayan ang Korte Suprema. Kahit sinong ilagay mo diyan, hindi iyan papanig sa bayan. Pero dapat singilin si Corona sa mga kontra-mamamayang desisyon ng Korte. Pinayagan ang pagpataw ng VAT sa mga toll fee, kaya nagmahal. Kay Danding Cojuangco raw talaga ang coco levy funds, kahit galing sa nakaw ni Marcos. Kinampihan si Lucio Tan kontra sa mga flight attendants at stewards ng PAL.

Pero dapat mapagbantay tayo. Ang gusto natin, mapanagot si Gloria. Pero hindi seryoso si Noynoy sa pagpaparusa kay Gloria. Iba ang gusto niya sa pag-impeach kay Corona. Dalawang oras lang ang kinailangan para magsampa ng kaso laban kay Gloria. Pero si Noynoy, inabot ng mahigit 500 araw mula nang maupo sa pwesto! Ang ikinaso pa, pagsabotahe sa eleksyong 2007 – hindi 2004! Napakahina! Bentang-benta rin kay Noynoy ang drama ni Gloria na maysakit. Kaya may special treatment kay Gloria!

Eh ano ang interes ni Noynoy sa pag-impeach kay Corona? Una, Hacienda Luisita. Gusto ni Noynoy na paatrasin ang desisyon ng Korte Suprema na nag-uutos ng pamamahagi ng Luisita sa mga magsasaka. O kaya naman ay palakihin ang kikitain ng pamilya niya kapalit ng lupa. Ikalawa, panlihis ng atensyon. Tumitindi ang kahirapan at kagutuman sa bansa. Nagpapaka-inutil si Noynoy dahil nakikinabang ang boss niyang Kano, mga kapitalista at asyendero. Mukha lang inutil, pero ang totoo’y kasabwat.

Ikatlo, kumpletong kapangyarihan. Gusto ni Noynoy na kontrolin nang todo ang Korte Suprema. Hawak na niya ang Kongreso at Senado. Kapag nahawakan pa niya sa leeg ang Korte Suprema, kakayanin niyang ipatupad kahit ang mga patakarang hindi gusto ng marami. Sa madaling salita, gusto niyang maging katulad ni Gloria noong si Gloria pa ang presidente: makapangyarihan, pwedeng gamitin ang kapangyarihan laban sa bayan.

Kahit totoong hadlang si Corona, hindi siya ang mapagpasya sa pagpaparusa kay Gloria. Ang mapagpasya pa rin ay ang pagpupursige ng gobyerno ni Noynoy. Hindi tama ang buung-buong pagsisi ni Noynoy kay Corona. Ang totoo, ang gusto ni Noynoy, utay-utay at unti-unti ang pagtugis kay Gloria. Siya ang dahilan kung bakit nagtagal ang pagsasampa ng kaso laban kay Gloria, at kung bakit mahihina ang kasong isinasampa.

Huwag nating hayaang magtagumpay si Noynoy sa maiitim niyang balak na gusto niyang ilusot sa pag-impeach kay Corona. Itulak natin ang kagyat na pamamahagi ng lupa ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka. Kahit sa gitna ng impeachment, ipaglaban natin ang ating mga panawagan: Kontrolin ang presyo ng langis. Itigil ang demolisyon. Makabuluhang dagdag-sahod. Ibasura ang kontraktwalisasyon. Itigil ang panunupil sa lumalabang mamamayan. Tutulan natin ang pagkontrol ni Noynoy sa Korte Suprema.

Panagutin si Gloria! Tanggalin si Corona!
Noynoy, kontra-mamamayan, labanan!
Tutulan ang pagkontrol ni Noynoy sa Korte Suprema!
Noynoy at Gloria, walang pinag-iba!
Lupa, sahod, trabaho at karapatan – ipaglaban!
Kontrolin ang presyo ng langis! Itigil ang demolisyon!

Kilusang Mayo Uno
16 Enero 2012

Reference Person: 
Elmer “Bong” Labog, KMU chairperson
Contact information: 
0908-1636597

Comments

#1 Lupa, sahod, trabaho at

Lupa, sahod, trabaho at karapatan – ipaglaban!
Kontrolin ang presyo ng langis! Itigil ang demolisyon!
Makabuluhang dagdag-sahod. Ibasura ang kontraktwalisasyon.

Maganda siguro kung meron ka solusyon ano?

Puro gusto mo lang masunod wala ka naman solusyon.

#2 Maraming salamat sa pagbisita

Maraming salamat sa pagbisita sa aming website at pagbabasa ng mga artikulo.

Hindi po namin maintindihan kung 'solusyon' saan ang tinatanong ninyo. Kung solusyon sa kahirapan at kagutuman sa bansa ang pinatutungkulan ninyo, iyan po mismong mga panawagan na iyan ang mga immediate solutions.

Para po sa long-term solutions: kailangang kumawala ng bansa sa neoliberal policies na idinidikta sa atin. Yan ang economic model na ipinatutupad sa bansa sa napakaraming dekada na, pero hanggang ngayon lugmok pa rin ang Pilipinas. Lalo pang bumagbagsak. Panahon na para maging self-reliant ang Pilipinas at talikuran ang economic model na yan. Implement national industrialization and genuine agrarian reform. Iyan po ang solusyon.

#3 sang-ayon po ako sa sinabi

sang-ayon po ako sa sinabi nyo kailangan po matugunan ng ating gobyerno ang lahat ng sentimyento at hinaing ng bawat kababayan natin at isa pa po lalo po tayo naghihirap hanggang ngaun dahil sa kasikilan ng mga malalaking kompanya na hawak ng mga imperyalismong bansa katulad ng estados unidos at ang bansang hapon at WTO-GATT dapat alisin ang kontrakwalisasyon dahila ko rin po ay isang kaswal na manggagawa ng pantalan dito sa south harbor manila, kami po ay sinisikil sa polisya ng kompanya kami po ay binibigyan ng memo sa kadahilanan na sa aming pagliban samantalang kami po ay no work no pay po ang policy nila kaya po aming ipinaglalaban ang aming karapatan bilang isang manggagawa na alisin ang kontrakwalisasyon
MABUHAY PO KAYO!

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments