Hinggil sa kampanya ng gobyernong Aquino na i-impeach si Corona
Error
Related posts
- Panagutin si Gloria! Tanggalin si Corona! Noynoy, pahirap sa bayan, labanan!
- Ipinagbubunyi ng mga manggagawa ang maka-magsasakang desisyon ng Korte Suprema sa Hacienda Luisita
- Kontra-magsasaka ang desisyon ng Korte Suprema! Sumama sa protesta sa Hulyo 22!
- Protesta mga magsasaka, sasalubungin ng mga manggagawa at mamamayan
- Ilitaw sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan! Parusahan sina Palparan, Esperon at Arroyo!
Most discussed
(1) Hangad namin ang agarang pagpapanagot kay dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang malulubhang krimen sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino. Sa loob ng mahigit siyam na taon, nilabag niya ang mga karapatang pang-ekonomiya, pampulitika at sibil ng mga manggagawa at mamamayan. Para sa marami, sigurado nang maysala siya sa mga kaso ng pandarambong, pandaraya ng eleksyon at paglabag sa mga karapatang pantao.
(2) Mula nang maging pangulo siya, gayunman, si Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III ang naging hadlang sa pagpapanagot kay Gng. Arroyo. Matapos ang mahigit 500 araw sa pwesto, nabigo ang kanyang gobyerno na magsampa ng kahit isang kaso man lang laban kay Gng. Arroyo at sa mga kasabwat nito. At ang kasong isinampa nito ay ang pagsabotahe pa sa eleksyong 2007 – at hindi man lang sa eleksyong 2004, kung saan malinaw na nalantad na may kasalanan si Gng. Arroyo.
(3) Napwersa lang ang gobyernong Aquino na umaksyon laban kay Gng. Arroyo nang malinaw na ipakita ng huli na plano nitong tumakas sa pagpapanagot sa pamamagitan ng pagpapadestiyero sa ibang bansa. Napwersa lang itong umaksyon bunsod ng takot sa pagkondena ng mga manggagawa at mamamayan kung sakaling mabigo itong papanagutin si Gng. Arroyo para sa mga krimen ng huli. Natakot din itong mawalan ng sisisihin kapag kailangan nitong pataasin ang popularidad nito.
(4) Bumanat lang si Pang. Aquino sa Korte Suprema, at kay Chief Justice Renato Corona sa partikular, nang iniutos ng mataas na korte ang pamamahagi ng lupain ng Hacienda Luisita sa mga magbubukid. Duda kami sa kagustuhan ni Pang. Aquino na papanagutin si Gng. Arroyo, batay na rin sa rekord ng gobyerno niya sa isyu, pero sigurado kaming layunin ni Pang. Aquino na panatilihin ang Hacienda Luisita sa pagmamay-ari ng pamilyang Cojuangco-Aquino.
(5) Bagamat maraming kulang at butas sa desisyon ng Korte Suprema hinggil sa Hacienda Luisita, tagumpay ito ng mga magsasaka at manggagawang bukid. Makikita sa kampanya ng rehimeng Aquino para i-impeach si CJ Corona ang pag-ani sa galit ng mga panginoong maylupa ng bansa sa isang desisyon na nagbabanta, kahit paano, sa inaangkin nilang karapatang magmay-ari ng malalaking kalupaan sa bansa.
(6) Kritikal kami sa Korte Suprema, lalo na sa pamumuno in CJ Corona. Sa maraming mahalagang kaso, bumangga ito sa interes ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino – sa partikular, sa mga kaso sa VAT sa toll, Fasap at coco levy. Naniniwala kami, gayunman, na sa esensya’y reaksyunaryong institusyon ito, at walang anumang pagpapalit ng tao rito ang magdudulot dito na maging panig sa mga manggagawa at mamamayan.
(7) Sa ganitong mga batayan, naniniwala kaming isang hakbangin sa tunggalian ng mga paksyon ng naghaharing uri ang kampanya ng gobyernong Aquino na i-impeach si CJ Corona. Hindi garantiya ang pagkaka-impeach ni CJ Corona na papanagutin ng gobyernong Aquino si Gng. Arroyo sa mga krimen ng huli. Posibleng walang mapala ang mga manggagawa at mamamayan – higit pa rito, posibleng marami ang mawala sa atin – kapag nagtagumpay ang iskema ng rehimeng Aquino na kontrolin o i-takeover ang Korte Suprema.
Add comment
Recent comments
- 17 May 2012
Hardware
4 days 12 hours ago - The most Filipino workers,
1 week 17 hours ago - maam / sir
2 weeks 5 days ago - Kumusta na po ba si Athea
3 weeks 1 day ago - Kayo pulo salita. Wala kawa.
3 weeks 1 day ago - Revelation 13:16 to 18
16.
3 weeks 5 days ago - The SC decision is final and
3 weeks 6 days ago - really?...but on the other
4 weeks 1 day ago - Solidarity from New Zealand
5 weeks 1 day ago - Tama ka dyan mga mandadamay
5 weeks 1 day ago
#1 IMPEACHMENT NI CORONA, WALANG
IMPEACHMENT NI CORONA, WALANG KATUTURANG INGAY PARA SA MASA NG SAMBAYANAN, TUSONG PAMPULITIKANG MANIOBRA NG REHIMENG US-AQUINO.
Inaasahang lilikha ng pinakamalaki at pinakamalakas na ingay ang Impeachment Trial laban sa Punong Mahistrado ng Korte Suprema na si Renato Corona ngayong darating na Ika-16 ng Enero 2012. Tiyak na sesentruhan ito ng mula sa pinakamalalaki hanggang sa pinakamaliliit na mga istasyon ng telebisyon, radyo at pahayagan o ng reaksyunaryong mass media. Ngayon pa lamang mula nang isampa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Senado ang nasabing Impeachment, napakalakas na ingay na ang nililikha nito.
Sino ang Makikinabang sa Impeachment Trial?
Mahalagang masagot natin ang katanungang itong upang sa ganoon ay matukoy at mabuo natin ang tamang pagtrato sa ingay na lilikhain ng Impeachment Trial na ito, at nang sa ganoon ay makabuo tayo ng tumpak na panawagan para sa malawak na masa ng sambayanan. Tiyak na aanurin tayo kung hindi tayo mag-iingat at magiging matalas sa epekto ng lilikhaing ingay nito at tuluyan tayong magpapatianod sa malakas na agos na kontrolado ng Rehimeng US-Aquino.
Para sa kasagutan, una, dapat maging malinaw at naninindigan tayo na isang ilusyon at isang panaginip kung di man bangungot ang paniniwalang magkakaroon ng isang “Korte Suprema ng Mamamayan” (People's Supreme Court) sa isang mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan Pilipino na pinaghaharian ng lokal na naghaharing uri sa ilalim ng pagkakandili ng Imperyalismong Estados Unidos.
Ikalawa, sa simula pa lamang ng pag-upo nito sa kapangyarihan, mainit na ang dugo ni P'Noy kay Chief Justice Renato Corona dahil ito daw ay “midnight appointtee” ni CGMA at mayorya ng mga Mahistrado ng Korte Suprema ay itinalaga ni CGMA bilang proteksyon sa kanyang sarili. Layunin ng Papet na Hacienderong Rehimen na palitan ng Aquino Supreme Court ang kasalukuyang binansagang GMA Supreme Court na karaniwang kalakalan na sa mga nakaraang papet na pamahalaan para lalong maging madulas ang papet na pamamahala. Lalong ginatungan pa ng kontrobersyal na desisyon ng Korte Suprema sa Hacienda Luisita ang kulo ng dugo ni P'Noy sa Punong Mahistrado kaya kinumpasan nito ang mayorya ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na isulong ang Impeachment. Ang hakbang na ito ang tuluyang naglantad at nagpasambulat ng bangayan ng mga kulumpon ng naghaharing uri na kinakatawan ng Ehekutibong Sangay ng Pamahalaan ni P”Noy at ng Hudikatura at kasalukuyang papasok na sa eksena ang dalawang kapulungan ng Kongreso na magsisilbing kapwa Prosekutor at Impeachment Court. Bira man o kontra-bira, ito ay kongkretong manipestasyon ng bangayan ng mga kulumpon ng naghaharing uri at posibleng di na mapigilan ang tuluyang pagsambulat nito.
Ikatlo, malinaw na sa atin nu'ng una pa, na ang ingay na nililikha nito ay bahagi ng isang tusong pampulitikang maniobra ng Papet na Hacienderong Rehimeng Aquino upang bigyang katuwiran ang di-seryoso, kainutilan at kabiguan nito sa pagsingil at pagpaparusa kay CGMA at pagsugpo sa korapsyon at gawing “shock absorber” ang Korte Suprema, at ang kawalan ng kongkretong programa nito para sa pagresolba ng talamak at kronikong krisis ng mala-kolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Bagkus, layunin pa nga ng maniobrang ito ang pahabain at desperadong patatagin muli ang kasalukuyang kaayusan. Sa halip na magpatupad ng mga reporma at makabayang programa, lalong ibinubuyangyang nito sa mga lokal at dayuhang dambuhalang korporasyon ang mga natitirang ari-arian ng estado mula sa mga industriya, agrikultura, minahan, hanggang sa pangkulusugan at edukasyon.
Ikaapat, tagumpay man o hindi ang Impeachment, walang pakikinabangan ang masa ng sambayanan. Hindi natin dapat bigyan ng ilusyon ang mamamayan na kapag napatalsik ang Punong Mahistrado, magkakaroon ng isang “Korte Suprema ng Mamamayan”, dahil ito ang gustong ipalaganap ng mga repormista. Sa kabilang panig, lalong maliligaw tayo kung susuporta o kakampihan natin ang kampanya laban sa Impeachment (anti-impeachment campaign) para makabuo ng Prenteng Anti-Aquino sa layuning makabig ang ilang kulumpon ng mga Burgesyang Anti-Aquino, dahil mistulang lalabas na kontra-bida tayo at kakampi natin ang CGMA Supreme Court, at tutol tayo sa paglaban sa korupsyon.
Ang buong proseso at kahihinatnan ng Impeachment Trial ay buong-buong pakikinabangan ng Rehimeng US-Aquino kung magiging padalos-dalos tayo ng pagtrato dito. Tatabunan o sasapawan nito ang mga batayang isyu ng sambayanan at magsisilbing malamig na tubig ito na ibubuhos sa kumukulong determinasyon sa paglawak, paglakas at pagtaas ng antas ng mga pakikibakang masa. Sa kabilang panig, kung mahusay at mabuo natin ang wastong pagtrato dito, buong-buong pakikinabangan ito ng sambayanan para sa paglawak, paglakas at pagtaas ng antas ng mga pakikibakang masa.
Sa Gitna ng Ingay ng Impeachment, Ibayong Palawakin, Palakasin at Itaas ang Antas ng mga Pakikibakang Masa para sa mga Batayang Isyu ng Sambayanan:
Hindi kailangang sumuporta o tumutol sa isyu ng Impeachment para makabuo ng taktikal na alyansa o ng malawak na pagkakaisa ng sambayanan, o makabig ang mga nakatataas na saray maging ang ilang paksyon ng Burgesya. Kung tinitingnan natin na isang tusong maniobrang pulitikal ng Rehimeng US-Aquino ang Impeachment upang tabunan ang tunay na isyu ng sambayanan, nangangahulugan na ang pagsuporta o pagtutol dito ay pagpapatianod sa malakas na agos na nililikha at kontrolado ng Rehimeng US-Aquino.
Sumisigaw na ngayon ng “ipagtanggol ang demokrasya” ang Punong Mahistrado ng Korte Suprema at kapit pa rin sa kanyang linya ang Papet na Hacienderong Rehimen na kailangang magkaroon ng Punong Mahistrado na kakampi n'ya sa pagsugpo at paglaban sa katiwalian. Desperadong pinag-aagawan nila ang suporta ng mamamayan batay sa kani-kanilang panawagan at talas ng slogan. Nguni't dapat nating panghawakan na ang isyu ng impeacment ay hindi ang tunay na isyu ng mga batayang kahilingan ng sambayanan. Bagkus ito ay kongkretong manipestasyon ng lantarang bangayan ng mga kulumpon ng naghaharing uri. Dapat din nating panghawakan na ang mga konsesyon o inisyal na tagumpay ng masa ng sambayanan tulad sa Hacienda Luisita ay kanilang nakamit hindi dahil may isang makabayang Hukuman o pinuno ng pamahalaan, kung di, dahil sa pursigido at militanteng mga pakikibakang masa.
Mas kailangan natin ngayon na isulong at todo-todong ilarga ang sariling inisyatiba ng mga pakikibakang masa para sa mga batayang isyu ng malawak na masa ng sambayanan. Kung gusto nating makabuo ng mga taktikal na alyansa o malawak na pagkakaisa ng sambayanan, mas kinakailangan natin ngayon na palawakin, palakasin at itaas ang antas ng mga pakikibakang masa na nagsusulong ng mga batayang kahilingan ng malawak na masa ng sambayanan tulad sa inilatag natin ngayong 2012.
Sa paglawak, paglakas at pagtaas ng antas ng mga pakikibakang masa, ibubunga nito ang sarili nating kakayahan at inisyatiba at ito ang hahatak sa mga nakakataas na saray maging sa ilang kulumpon ng naghaharing uri para pumanig sa mamamayan at mahihinang ang mga batayan sa pagbubuo ng mga taktikal na alyansa o ng malawak na pagkakaisa ng sambayanan.
Para sa mga Progresibong mga Mambabatas, mas makakabuti kung bawasan o tuluyang kumawala na sa aktibong paglahok sa proseso ng impeachment, bagkus, mas dapat itong maging aktibo sa pag-iingay sa loob mismo ng Kongreso para sa mga batayang kahilingan ng sambayanan, at kuhanin ang posibleng pinakamalawak na suporta sa loob mismo ng Kongreso at Senado maging hanggang sa Korte Suprema upang baligtarin ang mga desisyon nitong kontra-mamamayan, ibaba ang mga desisyong pabor sa mamamayan at desisyunan ang mga nakabinbin na kaso para sa mamamayan. Nguni't nakasalalay pa rin ang kanilang tagumpay at ang pagkiling ng Korte Suprema sa panig ng mamamayan sa paglawak, paglakas at pagtaas ng antas ng mga pakikibakang masa, lalo ngayong may mainam na pagkakataon na naghahanap sila ng kakampi.
Dapat lamang na pakinabangan natin ang buong proseso at kahihinatnan ng maingay na Impeachment Trial sa halip na ang Rehimeng US-Aquino ang makinabang dito. Masisiguro natin ito habang ang sentro de grabidad ng paglawak, paglakas at pagtaas ng antas ng mga pakikibakang masa ay nakatumbok sa Rehimeng US-Aquino. Kung haharapin man natin ang Korte Suprema, ito ay hindi para suportahan ang impeachment o kontrahin ito at ipagtanggol sila. Ito ay para itulak sila na pumanig sa mamamayan. Baligtarin ang mga desisyon nitong kontra-mamamaya, magbaba ng mga desisyong papabor sa panig ng mamamayan at desisyunan ang mga nakabinbin kaso para sa mamamayan.
Dapat lamang na ang buong proseso at kahihinatnan ng maingay na impeachment trial ay magbubunga ng ibayong paglawak, paglakas at pagtaas ng antas ng pagkakaisa at mga pakikibakang masa. Sa kabilang panig, dapat itong magsilbing gatong upang magbunga ng ibayong pagkakakahati at tuluyang pagsambulat ng mga bangayan sa pagitan ng mga kulumpon ng naghaharing uri, at tuluyang mahihiwalay ang mga tunay na kaaway ng bayan. At kung hindi naman tayo magiging maingat at padalos-dalos, hindi imposible na magamit din ito ng Rehimeng US-Aquino para sa rekonsolidasyon ng nagkakawatak-watak na hanay ng naghaharing uri.
SA GITNA NG MAINGAY NA IMPEACHMENT TRIAL, TODO-TODONG ILARGA ANG INISYATIBA NG MGA PAKIKIBAKANG MASA !!!
MAS PAG-IBAYUHIN ANG PAGLAWAK, PAGLAKAS, AT PAGTAAS NG ANTAS NG PAGKAKAISA AT PAKIKIBAKANG MASA SA GITNA NG INGAY NG IMPEACHMENT TRIAL!
MAGPURSIGE SA PAKIKIBAKA PARA SA MGA BATAYANG KAHILINGAN NG SAMBAYANAN, HUWAG MAGPATIANOD SA INGAY NG IMPEACHMENT TRIAL !!!
IMPEACHMENT, ISANG TUSONG MANIOBRANG PULITIKAL NG REHIMENG US-AQUINO!!
ISULONG ANG MALAWAK NA PAGKAKAISA NG SAMBAYANAN LABAN SA REHIMENG US-AQUINO !!!