Bonifacio, Bayani ng Obrero
Error
Sa ika-30 ng Nobyembre ang ika-148 kaarawan ng bayaning si Gat Andres Bonifacio. Tiyak, pupurihin siya ng gobyerno. Pero sigurado, hindi nito papalaganapin ang tunay na kabuluhan ng buhay at pakikibaka niya.
Pero para sa mga manggagawa at mamamayan, mahalagang gunitain ang kabayanihan at diwang makabayan ni Gat Andres Bonifacio. Hindi matatawaran ang napakalaking ambag niya at ng Katipunan na pinamunuan niya sa pakikibaka para sa kalayaan laban sa mahigit 300 taong pananakop at pyudal na paghahari ng Espanya.
Isang manggagawa si Bonifacio. Nagtrabaho siya bilang bodeguero o clerk sa isang dayuhang kumpanya. Dito, nakita niya ang pang-aapi at pambubusabos sa mga manggagawa. Lumaki siya sa hirap at nakita ang paghihirap ng mga kapwa-Pilipino. Sa katunayan, sa Tondo, komunidad ng mga manggagawa at anakpawis, itinatag ang Katipunan.
Pambansa ang paglaban na pinamunuan niya kontra sa kolonyalismong Espanyol. Bago siya, kalat-kalat sa bansa at hiwa-hiwalay ang paglaban sa mananakop. Halimbawa ang pag-aalsa nina Diego at Gabriela Silang sa Ilocos at ni Dagohoy sa Bohol. Pinamunuan ni Bonifacio ang Katipunan, isang kilusang pambansa ang latag at nagkakaisa sa isang pamumuno sa paglaban.
Lumang tipo ng rebolusyon para sa pambansang paglaya at demokrasya ang pinamunuan ni Bonifacio. Layunin nitong palayain ang sambayanan sa kolonyalismong Espanyol at bawiin at ipamahagi ang mga lupang kinamkam ng mga prayle at lokal na alipores ng mananakop. Layunin din nitong isulong ang mga karapatang sibil ng mga Pilipino at pawiin ang paghahari ng mga prayle.
Armado ang rebolusyong inilunsad ng Katipunan. Alam ni Bonifacio na hindi sapat ang pagsusumamo o paggigiit ng reporma sa isang lipunang likas na mapagsamantala, mapang-api at mapanupil. Hindi siya nagpasapat sa gusto ng mga nakapag-aral na Pilipino na maging probinsya ng Espanya ang Pilipinas. Pistola, hindi bolo, ang paborito niyang sandata.
Inagaw ng mga haciendero, sa katauhan ni Emilio Aguinaldo, ang pamunuan ng Katipunan. Nang hindi ito kinilala ni Bonifacio, ipinapatay siya. Pagkatapos, nakipagkompromiso si Aguinaldo sa mga mananakop. Patunay ang pagkamatay ni Bonifacio na hindi masasandigan ang mga naghaharing uri para isulong ang kapakanan ng mga manggagawa at sambayanan.
Halos 150 taon matapos ipanganak si Bonifacio, hindi pa rin natin natatamasa ang kanyang mga ipinaglaban. Ang mga mananakop, napalitan lang ng imperyalismong US. Ang mga karapatang sibil, patuloy na sinusupil. Ang mga lupain, nakakonsentra pa rin sa mga panginoong maylupa. Mga uring mapagsamantala, na panatiko sa kanilang mga prinsipyo at patakarang kontra-mamamayan, ang naghahari.
Nabuhay at nakibaka si Bonifacio sa panahong sumisibol pa lang ang imperyalismong US. Ngayon, isang taon bago ang ika-150 kaarawan niya, humaharap ang imperyalismo sa isa sa pinakamatinding krisis nito. Ang mga manggagawa at mamamayan ng mga bansang sakop nito, tulad ng Pilipinas, ay dumaranas ng papatinding gutom, kahirapan, pagsasamantala at panunupil.
Kaya naman hamon sa mga manggagawa at mamamayan na maging mga bagong Bonifacio at ipagpatuloy ang kanyang nasimulan! Bayani ng mga obrero si Bonifacio hindi lang dahil lumaban siya para sa kalayaan ng ating bayan. Bayani ng mga obrero si Bonifacio dahil ehemplo siya sa nagpapatuloy na pakikibaka para sa pambansang paglaya at demokrasya.
Add comment
Recent comments
- 17 May 2012
Hardware
4 days 12 hours ago - The most Filipino workers,
1 week 17 hours ago - maam / sir
2 weeks 5 days ago - Kumusta na po ba si Athea
3 weeks 1 day ago - Kayo pulo salita. Wala kawa.
3 weeks 1 day ago - Revelation 13:16 to 18
16.
3 weeks 5 days ago - The SC decision is final and
3 weeks 6 days ago - really?...but on the other
4 weeks 1 day ago - Solidarity from New Zealand
5 weeks 1 day ago - Tama ka dyan mga mandadamay
5 weeks 1 day ago
Most discussed