Mga manggagawa, nag-alsa laban sa mumo at nakapang-hahamak na umento sa sahod
Nagsagawa ng kilos-protesta ang Kilusang Mayo Uno ngayong hapon para kundenahin ang inaasahang pag-anunsyo ng mga umento sa sahod ng regional wage boards.
Sa pagtitipon sa Welcome Rotonda, Manila, bukod sa karaniwang mga placard at streamer ay may bitbit ding mga pinaliit na 20-peso play money bill ang mga manggagawa. Sa likod nito ay nakasulat: Ganito lang kaliit ang P20.00 mo, Gloria! Traydor sa manggagawa! Patalsikin!
“Saan kami madadala ng bente pesos na iyan? Mula noong mga unang buwan ng taong ito, tumaas na ngayon ang presyo ng bigas mula P25 tungong P35, ang baboy mula P130 tungong P190, ang manok mula P100 tungong 190, at ang kada litro ng diesel mula P36 tungong P42,” pahayag ni Elmer Labog, Tagapangulo ng KMU.
Sinabi ni Labog na malamang ay P20 na nga ang ipatupad na wage adjustment ng NCR wage board batay sa anunsyo ni Gloria Arroyo kahapon.
“Si Arroyo pa nga ang nagtakda ng 20-peso limit sa dagdag-sahod nang ianunsyo niya ito sa pulong niya sa mga grupo ng employer kahapon. Ipapako niya ang halaga ng sahod ayon sa kagustuhan ng mga kapitalistang employer, hinding hindi ayon sa hinaing ng mga manggagawa.
“Sa ika-20 taon na ngayon, pinagngalit ng mga wage board ang mga manggagawa sa pagbibigay ng mumong mga umento. Pero lubhang walang kapatawaran ang gawin ito ngayon sa panahon ng matinding crisis.
“Kapag humahagupit ang krisis, nananatiling kumportable ang mga kapitalista dahil sa pagsasakripisyo ng kanilang mga manggagawa. Sa hatian ng kita, laging kanila ang ginto, at sa manggagawa ang bubog,” dagdag ni Labog.
Tinuligsa naman ni KMU Spokesperson Prestoline Suyat si Arroyo sa panlilinlang nito sa publiko gamit ang wage boards.
“Pinasakay nang pinasakay ni Arroyo ang mamamayan sa labis nitong pagbibida sa wage boards, gaya ng mga gimik niyang surprise visits. Pinaasa niya ang publiko, pero lubos lang tayong natraydor at nadismaya sa bandang huli.”
Pinangambahan din ni Suyat ang maaaring mas maliit pang umentong matatanggap sa ibang rehiyon.
“Ang kamakailang pahayag ng Iloilo Business Club na papayag lang umano sila sa kakarampot na limang pisong COLA adjustment ay lubhang hindi makatarungan. At sinabi pa ng regional wage board ng parehong probinsiya noong nakaraang buwan na may 80 porsyento ang pwedeng maging exempted kung magtataas man sila ng sahod sa rehiyon.”
Pinanindigan ng KMU na dapat nang buwagin ang mga wage board.
Samantala, tinuligsa rin ni Suyat ang mga kamakailang pahayag ni Congress Labor Committe Head Magtanggol Guinigundo at Majority Floor Leader Mat Defensor na hindi na kumikilala sa posibilidad ng isang legislated na pagtaas ng sahod.
“Sa pahayag ng House Speaker noong isang buwan, kikilos lamang umano ang Kongreso kung mabibigong magbigay ng makabuluhang dagdag sahod ang wage boards. Taliwas dito ang mga sinasabi ngayon nina Defensor at Guinigundo. Pinili nilang magpatali sa dikta ng big boss nilang si Arroyo.”
Iginiit ni Suyat na higit ngayong kinakailangang ipasa ang P125 across-the-board wage hike bill sa Kongreso. Sinabi niyang kaya namang-icertify ito bilang urgent bill ng Malakanyang at gawin ng Kongreso ang kinakailangan para sa pagpasa nito.
“Yuyugyugin namin ng mas malalaking protesta ang Kongreso at Malakanyang kung hindi nila didinggin ang panawagan para sa makabuluhang dagdag sahod,” ani Suyat.###
