Sa kabila ng pananabotahe at pagmamaliit, Pambansang transport strike ng tsuper at mamamayan, matagumpay - KMU

Submitted by KMU on Mon, 2008-05-12 23:21. ::

Sa kabila ng pananabotahe at pagmamaliit

Pambansang transport strike ng tsuper at mamamayan, matagumpay – KMU

Pinagpugayan ng Kilusang Mayo Uno ang idinaos na pambansang tigil-pasada ng mga tsuper at iba't ibang sektor ngayong araw.

Binabati namin ang matagumpay na paglahok ng mamamayan sa strike,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Di maikakailang tagumpay

Pilit na minaliit ang epektong nagawa, sinabotahe sa pamamagitan ng kung anu-anong paninira, at dinahas at sinusupil ang pambansang strike, pero hindi nagtagumpay ang gubyernong Arroyo.

Anuman ang gawin ni Arroyo, hindi niya maitatanggi ang lehitimong batayan ng pagsasagawa ng mamamayan ng strike. Hindi niya maitatago ang pagkakasala ng kanyang gubyerno sa pagdarahop ng taumbayan dahil sa pagtaas ng presyo ng langis.”

Binanggit ni Labog na ayon sa ulat ng PISTON (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide), umabot sa 70% o higit pa ang nag-strike na mga jeep sa Metro Manila. Sa mga probinsya gaya ng Cagayan De Oro, Gen. Santos, Bukidnon, Davao, Kidapawan, Iligan, Bacolod, Naga, Legaspi, at Sorsogon, alas-siyete pa lang ng umaga ay 95-100% na ang tagumpay ng strike.

Nangangandarapa ngayon ang gobyerno na madaliin ang pagpapatupad sa pakulo nilang P2 fuel subsidy sa mga tsuper, cash assistance program, at pagtataas ng sahod sa pamamagitan ng wage boards.

Hindi sila mapipilitang gawin ang mga mapagpapanggap na aksyong ito kung wala ang kolektibo at militanteng pagkilos ng mamamayan,” ani Labog.

Sanhi ng krisis

Ngunit ayon din kay Labog, hindi ang mga nabanggit ang solusyong nararapat para sa mamamayan.

Malawak na naiparating ng strike sa mamamayan na may konkretong kayang gawin ang pamahalaan, at hindi natin kailangang magdusa. Gaya ng pagtatanggal ng VAT sa produktong petrolyo, pagbabasura sa Oil Deregulation Law, at pagpapatupad ng price control sa langis.

Inihain na ng Anakpawis partylist at ilang kaalyadong mambabatas sa mababa at mataas na kapulungan ang mga kaukulang panukalang batas para sa pagtanggal ng VAT sa langis, at sa pag-repeal ng Oil Deregulation Law. Bakit hindi maitulak ni Arroyo bilang urgent bills ang mga ito?

Samantalang pagdating sa kapritso ng mga malalaking dayuhang kapitalista, laging mabilis umaksyon si Gloria. Nagsisilbi na siyang tagapagsalita ng mga malalaking kumpanya ng langis at ng kanilang mga palusot – na wala raw silang magagawa dahil nakatali lang sila sa pandaigdigang presyo ng langis at iniiwasan lang nila ang kanilang pagkalugi.”

Subalit kontrolado umano ng kartel ng langis ang kalahan sa suplay at distribusyon ng langis sa daigdig, kaya't nagagawa nitong itakda ang presyo ng langis sa mundo at sa maraming bansa, sa ngalan ng kanilang supertubo na taun-taong lumalaki nang ilang bilyong dolyar.

P125 dagdag sahod

Sa maya't mayang pagsirit ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin ngayon, lalo lamang binubusabos ang taumbayan.

Sa gitna ng krisis na ito, higit na kinakailangan ngayon ng manggagawa at mamamayan ang P125 across-the-board dagdag sahod.”###