NANAWAGAN ang militanteng Kilusang Mayo Uno (KMU) ngayong umaga na maging mapagbantay ang mamamayang Pilipino sa anumang ‘diversionary tactic’ na gagawin ng gubyernong Macapagal-Arroyo upang malihis ang pansin sa ginagawang panlalantad ni Rodolfo Noel Lozada Jr. sa nalalalaman nitong mga anomalya sa NBN Broadband Deal.
Ayon kay KMU Spokesperson Prestoline Suyat, kung nagawa ng gubyernong Arroyo na magpaputok ng mga isyu at insidente sa nakaraan upang matakpan ang mga anomalya at eksplosibong mga rebelasyon ng mga whistleblowers magagawa nila uli ito. Binanggit ni Suyat ang pagpapasabog sa Glorietta Mall sa Makati na hinihinalang kagagawan ng mga militar sa panahong sumasabog sa mukha ng pamahalaan ang mga isyu ng NBN Broadband Deal at ang P500,000 na suhol sa mga congressmen sa Malakanyang o Pay-off in Malacanang controversy.
“ Sa nakakarinding pasabog na ginagawa ni Jun Lozada na ibayong naglalantad kung gaano kaganid si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at kanyang Unang Pamilya kasama na ang pinakamalalapit nitong kaibigan at tagasunod, dapat tayong maging mapagbantay na may mga magaganap na insidenteng muling maglilihis sa mga isyu at usaping pinag-uusapan ngayon ng publiko. Kung pagpapasabog man ito ng bomba na papatay o mananakit sa ating mga kababayan o anuman, hindi na natin matiyak dahil sa lalim ng utak-kriminal ng mga nasa awtoridad lalo na’t nagawa nilang mangidnap sa airport at palabasing ito’y sa proteksyon lamang ni Jun Lozada,” sabi ni Suyat.
Mafia at Malakanyang, wala nang pinagkaiba
Inirehistro rin ni Suyat na hindi dapat payagan ng taumbayan ang pag-aastang ‘mafia’ ng Malakanyang na gumagawa ng kidnapping, pagnanakaw, pamamaslang at pananakit upang protektahan at isulong ang mga pang-ekonomiyang interes nito.
” Sa ginawa ng Malakanyang kay Lozada, lalong nalantad kung paano pinapalakad ni Pangulong Arroyo ang kanyang gubyerno na parang mafia. Ni wala na itong pagtatago ng gawaing ilegal nito at pagmamalas ng magagawa pa ng utak-kriminal (criminal mind) nito. Ngunit naniniwala tayong mananaig pa rin ang katarungan at katwiran sa pagkilos ng mamamayang Pilipino na sawang-sawa na sa pandarambong, pagpaslang, garapalang panloloko at pandarahas na ginagawa ng pamahalaan,” diin ni Suyat.
Samantala, nagpaabot ng pasasalamat at paghanga ang lider-manggagawa kay Jun Lozada sa ipinamalas nitong tapang at katapatan kahit na nasasalang maging ang mga kasalanan nitong nagawa sa bayan sa nakaraan.
” Naniniwala tayong marami pang mailalantad si Lozada at ang kanyang desisyong maglinaw at magpapatotoo sa mga isyu at usaping matagal na nating sinasabi na nagaganap sa gubyernong Arroyo. Nagpapasalamat tayo sa kanya at humihiling din na huwag siyang tumigil sa pagsasabu ng totoo at tama. Sana’y may iba pang makabayang Pilipino may nalalaman sa mga anomalya’t krimen ng pamahalaang Arroyo ang lumabas at magsalita na rin,” pagwawakas ni Suyat.



