Skip to main content

Sahod, trabaho at karapatan – ipaglaban! Iboto ang tunay na unyon ng mga manggagawa!

 

Sahod, trabaho at karapatan – ipaglaban!
Iboto ang tunay na unyon ng mga manggagawa! Itakwil ang unyon ng militar at kapitalista!
Iboto ang Amado Kadena–NAFLU-KMU!

 

Ang buong pamunuan at kasapian ng Kilusang Mayo Uno sa buong bansa ay lubos na sumusuporta sa Amado Kadena-NAFLU-KMU sa certification elections sa Dole Philippines sa darating na Pebrero 22.

Simula 2001, ipinakita na ng Amado Kadena-NAFLU-KMU na ito ang tunay na sandigan ng mga manggagawa ng Dolefil sa pagsusulong ng dagdag-sahod, seguridad sa trabaho at karapatang pang-manggagawa. Sa pamumuno nito, naipagwagi ng mga manggagawa ang rice subsidy, dagdag sa sahod at benepisyo, at pagreregularisa sa 1,500 manggagawang kontraktwal. Malalaking tagumpay ang mga ito, kahit sa pamantayan ng buong bansa. Kaya naman sa local elections noong 2006, nakamit ng Amado Kadena-NAFLU-KMU ang todong pagsuporta ng mga manggagawa. 

Dahil tunay na maka-manggagawa, palaban at makabayan ang Amado Kadena, ginawa ng Dolefil Management at militar ang lahat ng maruruming taktika para durugin ito. Tulad sa iba pang kumpanya sa bansa, pinaratangang “prente ng komunista” ang maka-manggagawang unyon para pagmukhaing makatwiran ang pagdurog dito. Pero alam ng mga manggagawa, ng Dolefil at ng buong bansa, ang layunin ng pagdurog na ito: ang protektahan at isulong ang interes ng kapitalista. 

Para madurog ang Amado Kadena-NAFLU-KMU, at para matiyak na maka-kapitalista ang mahahalal na unyon, nilikha at ginamit ng Dolefil Management ang UR Dole at nitong huli’y ang LEAD-PH – na parehong pinapamunuan ni Francis Gales. Talagang tuso, mapanlinlang at mapanghati ang Dolefil sa mga manggagawa, katulad din ng maraming korporasyong transnasyunal sa mundo. Hindi ikinakaila ng LEAD-PH na kontra ito sa Amado Kadena-NAFLU-KMU at tuta ito ng Dolefil Management. Lahat ng hakbangin ng militar ngayon ay naglilingkod sa layuning ipanalo ang LEAD-PH sa paparating na eleksyon. 

Sa kabila ng lahat ng panunupil, panggigipit at pagtatangkang durugin ito, nananatiling matatag at lumalaban ang Amado Kadena-NAFLU-KMU. Hindi ito tumitigil sa pagkilos para isulong ang kalagayan ng sahod, trabaho at karapatan ng mga manggagawa ng Dolefil. Patuloy ito sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga manggagawa ng Dolefil para isulong ang kagyat at matagalang interes ng mga manggagawa. Ngayong CE, isinusulong nito ang tunay, palaban at makabayang pamumuno para sa mga manggagawa at bayan. 

Sa darating na mga taon, lalong kailangan ng mga manggagawa sa buong bansa ang unyong magsusulong ng kapakanan ng mga manggagawa at bayan. Sa kabila ng pangakong “pagbabago,” pinapatunayan lang ng rehimen ni Noynoy Aquino na wala itong batayang pagkakaiba sa rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo pagdating sa kapakanan ng mga manggagawa at mamamayan. Pinapanatili nitong mura at siil ang lakas-paggawa ng mga manggagawa habang tinitiyak na dambuhala ang kita ng malalaking kapitalistang lokal at dayuhan. Ipinagpapatuloy nito ang mapanupil na pag-atake ng rehimeng Arroyo sa mga manggagawa at mamamayan.

Sa buong mundo, nagpapatuloy at tumitindi pa ang pang-ekonomiyang krisis na pumutok noong Setyembre 2008. Nadaragdagan pa ang marami nang walang trabaho, habang tumataas nang todo ang tubo ng mga kapitalista. Nagaganap ito dahil sa pagpapatindi ng pagsasamantala sa mga manggagawa: pinabibigat ang trabaho, kinakaltasan ang sahod at benepisyo, at pinapalaganap ang kontraktwalisasyon. Binibigyan ng mga gobyerno ng limpak-limpak na salapi ang malalaking kapitalista habang kinakaltasan ang pondo para sa mga serbisyong panlipunan para sa mga mamamayan tulad ng edukasyon, kalusugan, pabahay at iba pa.

Sa ganitong kalagayan, hindi kailangan ng mga manggagawa ang unyong maka-kapitalista at pinoprotektahan ng militar. Maaaring suhulan ng mga kapitalista ang mga manggagawa ng samu’t saring benepisyo o pakain sa simula para pumabor sa ganitong klaseng unyon. Pero sa matagalan, talo ang mga manggagawa kung mahahalal ang unyong ito, dahil tiyak na maipapatupad ng kapitalista ang grabeng pagbawas sa sahod at benepisyo, ang pagpapalaganap ng kontraktwalisasyon, at pagsupil sa mga karapatan ng mga manggagawa.

Kaya nananawagan kami sa mga manggagawa ng Dolefil: huwag tayong magpadala sa pananakot at panunuhol ng Dolefil Management. Itakwil natin ang LEAD-PH, na nagpapakilalang unyon natin pero ginamit ng kapitalista para durugin ang ating unyon at gagamitin para isalaksak sa atin ang mga kontra-manggagawang patakaran. Papangakuan tayo nito ng langit ngayong eleksyon, pero dadalhin tayo nito sa impyerno ng pagsasamantala, pambubusabos, panunupil at kahirapan kapag nanalo.

Iboto natin ang Amado Kadena-NAFLU-KMU, ang tanging unyong matapat sa mga manggagawa ng Dolefil. Nangangako ito ng tagumpay sa mga manggagawa sa batayan ng tuluy-tuloy at nagkakaisang pagkilos ng lahat, hindi ng pakikipagsabwatan sa kapitalista. At iyun ang tatak ng mga unyong tunay na maka-manggagawa, hindi maka-kapitalista. Hindi ito umaasa sa pananakot ng militar, bagkus ay sumasandig sa sama-samang kagitingan at pagkilos ng mga manggagawa. Nagpupunyagi ito sa prinsipyo ng paglilingkod sa mga manggagawa at sambayanan, hindi ng personal na pakinabang at pagyaman. 

Mabuhay at iboto ang Amado Kadena-NAFLU-KMU!
Ibasura ang pamumunong nangwawasak sa ating unyon at naglilingkod sa kapitalista!
Sahod, trabaho at karapatan, tuluy-tuloy na ipaglaban!

 

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments