Skip to main content

Mumong dagdag-sahod, major-major insulto sa obrero – KMU

Sa isang programa sa harap ng Department of Labor and Employment sa Maynila, kinondena ng Kilusang Mayo Uno ang pag-apruba sa mga “mumong dagdag-sahod" sa iba’t ibang rehiyon ni Presidente Noynoy Aquino. Ang mga naturang dagdag ay “major-major na insulto" sa mga manggagawa at mamamayan.

Simula nang maluklok noong Hunyo 30, nag-apruba ang gobyernong Aquino, sa pamamagitan ng regional wage boards, ng karampot na dagdag-sahod sa sumusunod na rehiyon: ARMM (P12 per day), Region XIII (P10 COLA integration, P10 per day), Region XI (P21 per day), Region X (P12 COLA integration, P13 per day), Region VI (P15 per day), NCR (P22 per day), at Region VII (P18 per day).

“Major-major na insulto sa mga manggagawa at mamamayan ang mumong dagdag-sahod. Nagpapakahirap kaming magtrabaho para magkaroon ng nakabubuhay na parte man lang sa yamang nalilikha namin. Pero laging kapiranggot at hinding-hindi nakabubuhay ang binibigay sa amin ng mga kapitalista at gobyernong Aquino,” ani Nenita “Nitz” Gonzaga, vice-president for women ng KMU.

“Habang masarap ang buhay ng mga kapitalista sa kabila ng krisis, kaming mga manggagawa ang pumapasan nito. Tumaas na nang todo ang presyo ng mga batayang bilihin at singil sa mga serbisyong panlipunan, pero nakapako pa rin ang sahod namin sa napakababang antas. Hindi makatarungan ang napakalayong agwat ng tubo sa sahod,” dagdag niya.

Binanggit ng KMU ang pag-amin ni Gob. Joey Salceda, economic adviser ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na ang kabuuang kinita ng pinakamalaking 1,000 korporasyon sa bansa ay umabot sa P3.1 Trilyon simula nang maging pangulo si Arroyo noong 2001. 

Ayon naman sa independyenteng research foundation na Ibon, batay sa mga presyo noong 2000, ang tunay na halaga lang ng P404 na kasalukuyang minimum na sahod sa NCR ay P242 na lang – mas mababa pa sa minimum na sahod noong taong 2000 na P250. 

“Hindi tumanggap ang mga manggagawa ng makabuluhang dagdag-sahod sa ilalim ni Gloria. Kailangan namin ng makabuluhang dagdag-sahod ngayon – across the board sa buong bansa. Nangangamba kami, gayunman, na ang napakaliit na mga dagdag-sahod ng regional wage boards ay gagamiting palusot ng gobyernong Aquino para sabihan ang mga manggagawa na huwag nang humingi pa uli ng dagdag-sahod,” ani Gonzaga. 

“Pero hindi nakukuntento ang mga manggagawa sa mumo. Patuloy kaming lalaban para sa patas na bahagi sa pinagpaguran namin. Patuloy kaming lalaban para isabatas na across the board na dagdag-sahod para sa lahat ng manggagawa sa bansa,” dagdag niya.

Sa dulo ng programa, pinunit ng mga manggagawa ang mga “kopya” ng mga wage order para sa huling mga dagdag-sahod bilang simbolo ng pagkasuklam sa mumong dagdag-sahod. #

Reference Person: 
Nenita “Nitz” Gonzaga, KMU vice-president for women
Contact information: 
0928-2794241

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments