Skip to main content

Lupa ng Hacienda Luisita, ipamahagi sa magsasaka – ngayon na!

Error

The selected file /home/kmuorg/public_html/tmp/fileCT2X02 could not be copied.

Huwag magpalinlang sa pekeng kasunduan at nilutong halalan!
Lupa ng Hacienda Luisita, ipamahagi sa magsasaka– ngayon na!

Tapos na raw ang sigalot sa lupa sa Hacienda Luisita. Ito ang gustong palabasin ngayon ng mga pamilyang Cojuangco at Aquino na may-ari nito. Isa itong garapal na panloloko sa mga magsasaka, manggagawa at mamamayan ng Hacienda Luisita at bansa.

1. Ang sabi ng mga Cojuangco at Aquino: Nagkasundo na raw ang Hacienda Luisita Incorporated (HLI) at mga grupo ng magsasaka na hindi ang lupa ng hacienda ang ipapamahagi – na siyang dapat sang-ayon sa reporma sa lupa. Ang ipapamahagi ay mga stocks ng HLI sa ilalim ng iskemang Stock Distribution Option (SDO).

Ang totoo: Ang mga nagpapakilalang “lider” ng mga magsasaka na pumasok sa kasunduan sa mga Cojuangco at Aquino ay hindi talaga mga lider ng organisasyong kinakatawan umano nila. Mga bayaran sila ng mga pamilyang Cojuangco at Aquino, na namuno sa mga grupong itinayo ng mga may-ari ng Luisita. Matagal na silang itinakwil ng mga magsasaka dahil sa pakikipagsabwatan sa mga Cojuangco at Aquino. Peke samakatwid at hindi dapat kilalanin ang nasabing kasunduan.

2. Ang sabi ng mga Cojuangco at Aquino: Sa eleksyong inilunsad ng HLI, bumoto raw ang nakakaraming magsasaka pabor sa SDO. Mas gusto raw nilang magmay-ari ng mga stocks at hindi ng lupa sa Luisita.

Ang totoo: Hindi nagpalaganap ng sapat na impormasyon ang mga Cojuangco at Aquino tungkol sa pagbobotohan. May kumalat na bali-balitang nasa liblib na bahagi ng hacienda ang lupang sinabing ipapamigay sa mga gustong magmay-ari ng lupa. Mas masahol, pinangakuan ng pera ang mga boboto pabor sa SDO. Ngayon, nababalitang napakaliit na halaga ang ibinigay sa mga magsasaka. Mayroon ngang P1.00 lang ang natanggap. Dagdag pa rito, ikinalat ang mga pwersang militar sa Luisita para takutin ang mga tao.

3. Ang sabi ng mga Cojuangco at Aquino: maka-magsasaka ang eleksyon at umano’y “kasunduan” sa pagitan ng HLI at ng mga magsasaka pabor sa SDO.

Ang totoo: Pinapatibay ng pekeng kasunduan at nilutong eleksyon ang iskemang SDO na siyang ipinagwelga ng mga magsasaka at manggagawang bukid noong 2004. Ang SDO ang dahilan kung bakit P9.50 lang ang naiuuwi noon kada linggo ng bawat manggagawang bukid sa Luisita. Paglaban sa SDO ang siyang sinalubong ng masaker noong 2004 na pumatay sa pitong (7) katao. Inimbento ang iskemang SDO para ikutan ang pagpapatupad ng batas sa reporma sa lupa sa Hacienda Luisita. Pakana ang kasunduan at eleksyon ng mga Cojuangco at Aquino para patuloy na ipagkait ang mahigit 6,000 hektaryang lupang matagal nang dapat naipamahagi sa mga magsasaka.

4. Ang sabi ng mga Cojuangco at Aquino: naaayon sa batas ang eleksyon at umano’y “kasunduan” sa pagitan ng HLI at ng mga magsasaka pabor sa SDO.

Ang totoo: Gustong harangan ng mga Cojuangco at Aquino ang pagtalakay ng Korte Suprema sa isyu ng Hacienda Luisita. Tatalakayin na kasi nito ang temporary restraining order na ipinataw nito sa resolusyon ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC) noong 2005 na nagbabasura sa SDO at nag-uutos na ipamahagi ang lupa ng Luisita. Natatakot ang mga Cojuangco at Aquino dahil matibay ang mga argumento para sa pamamahagi ng lupa at kung magiging patas lang ang Korte Suprema ay magaganap na ang pamamahaging ito.

5. Ang sabi ng mga Cojuangco at Aquino: Dapat ibasura ng Korte Suprema ang utos ng PARC noong 2005 na nagpapawalang-bisa sa SDO at nag-uutos ng pamamahagi ng lupa ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka.

Ang totoo: Matibay ang kaso para ibasura ang SDO at ipamahagi ang lupa ng Hacienda Luisita. Una, hindi talaga bumuti, bagkus sumama, ang lagay ng mga magsasaka sa ilalim ng SDO. Ikalawa, kahit habang dinidinig pa ng Korte Suprema ang kaso, todo-larga na ang mga Cojuangco at Aquino sa palit-gamit sa lupa (land use conversion). Tuluy-tuloy nilang pinaparentahan ang lupa sa malalaking kumpanya para magkamal ng malaking kita. Ikatlo, hindi nagbigay ng dibidendo ang mga Cojuangco at Aquino sa mga magsasaka, sa kabila ng pagsasabing may-ari rin ng lupa ang huli.

6. Ang sabi ng mga Cojuangco at Aquino: Walang kinalaman si Pres. Benigno “Noynoy” Cojuangco-Aquino III sa mga nagaganap ngayon sa Hacienda Luisita.

Ang totoo: Dapat makialam si Noynoy sa isyu ng Hacienda Luisita lalo na’t pamilya niya ang sangkot. Pero dapat makialam siya bilang presidente ng Pilipinas, at hindi miyembro ng panginoong maylupang angkang Cojuangco at Aquino. Dapat maging lantad ang pakikialam niya at pabor sa mga magsasaka, hindi lihim at pabor sa kanyang pamilya. Hindi niya pwedeng sabihing hindi siya makikialam dahil mananaig lang ang kagustuhan ng kanyang pamilya. Tatak ni Gloria Macapagal-Arroyo ang itanggi ang papel sa mga hakbanging malinaw na naglilingkod sa kanyang sarili at pamilya.

7. Ang sabi ng mga Cojuangco at Aquino: Pribado ang usapin sa lupa sa Hacienda Luisita, kaya dapat resolbahin ng mga magsasaka at may-ari ng lupa lang, hindi ng mga “tagalabas.”

Ang totoo: Isyu ng mga magsasaka at mamamayan ng buong bansa ang reporma sa lupa sa Hacienda Luisita. Isa ito sa pinakamalaking pribadong lupain sa bansa, na mas malaki pa sa pinagsamang Makati at Pasig. Matagal na itong dapat naipamahagi sa mga magsasaka, pero nilabag ang batas at sinalaula ang programang reporma sa lupa ng gobyerno para hindi ito maipamahagi. Kapag nakalusot ang pakanang pekeng kasunduan at nilutong eleksyon ng mga Cojuangco at Aquino, tiyak na susunod ang marami pang hacienda sa bansa na nakapailalim sa SDO.

Matagal nang nakikibaka ang mga magsasaka at manggagawang bukid sa Hacienda Luisita para sa reporma sa lupa. Gusto nilang tapusin ang deka-dekada nang pagsasamantala at pambubusabos sa kanila ng pamilyang Cojuangco at Aquino. Tungkulin nating mga kapwa-Pilipino ang makiisa sa kanila at makibaka kasama nila.

Ibasura ang Stock Distribution Option!
Ibasura ang pekeng kasunduan sa Luisita!
Lupa ng Hacienda Luisita, ipamahagi sa magsasaka, ngayon na!
Noynoy, huwag maghugas-kamay! Pumanig sa magsasaka, isulong ang reporma sa lupa!
Katarungan para sa mga biktima ng masaker sa Hacienda Luisita!
Militarisasyon sa Hacienda Luisita, itigil!
Pyudalismo, ibagsak!
Tunay na reporma sa lupa, ipaglaban!

Kilusang Mayo Uno
Anakpawis Partylist

Reference Person: 
Bong Labog, KMU chairperson
Contact information: 
0908-1636597

Comments

#1 GUSOT SA HACIENDA LUISITA AT

GUSOT SA HACIENDA LUISITA AT PHILIPPINE AIRLINES, ISANG PAMBANSA AT PAMPULITIKANG ISYU NG URING ANAKPAWIS?

Kinakaharap ngayon ng mga manggagawa at magsasaka ang mga despotikong kinatawan ng Uring Burgesya Komprador at Panginoong Maylupa. Mga despotikong kinatawan at tagapagtanggol ng mala-kolonyal at mala-pyudal na ekonomya at lipunang Pilipino.

Sa pahayag ng Pangulo ng Philippine Airlines na si Mr. Jaime Bautista, parang nananakot at nanunuya pa n'yang ipinahayag na, duda siyang maisasagawa ng mga Flight Attendant at Ground Crew Workers ang kanilang napipintong pagwe-welga. At parang mayabang at inuutusan n'yang ipinahayag na magbababa ng kautusan ang DOLE ng Assumption of Jurisdiction, kaya masasayang lang ang pagtatangka ng mga ito na mag-welga. Dagdag pa n'ya, may nakaantabay na silang solusyon sakaling matuloy ang welga, tulad ng pagtanggap ng mga bagong Flight Attendant at Job-Outsourcing at Job-Contracting para sa mapaparalisang trabaho ng mga Ground Crew Workers. At kahapon lamang, ipinahayag ng PAL na kumuha na sila ng mga dayuhang Piloto, kapalit ng mga nagbitiw na Piloto.

Ibig sabihin, habang nanunuya at nananakot ang PAL para pigilan at biguin ang paggigiit at pakikibaka ng kanilang mga empleyado at manggagawa para sa lehitimong kahilingan at karapatan, mas handa rin itong gumastos ng tulad o mas higit pa sa hinihingi ng kanilang mga empleyado at manggagawa, para lamang mabigo ang sama-samang pagkilos at tuluyang wasakin ang pagkakaisa at unyon ng mga Piloto, Flight Attendant at Ground Crew Workers. Bukod pa dito ang kahandaan nilang magpakawala ng karahasan.

Tulad sa Philippine Airlines, hindi sapat ang Mendiola Massacre at Hacienda Luisita Massacre para pakinggan at ibigay ang kahilingan ng mga magsasaka para sa Tunay na Reporma sa Lupa. Handa rin ang mga Cojuangco-Aquino na linlangin hindi lang ang masang magsasaka kung di pati na ang Korte Suprema sa pagsusumite nito ng Huwad na referendum para sa pagkatig sa Stock Distribution Option(SDO)ng mga magsasaka. Mas lalo itong nakahanda na magpakawala ng panibagong karahasan at massacre para lamang maipagpatuloy nito ang pagka-ganid na pagmamay-ari nila sa lupa, dahil ngayon pa lamang mistulang garison na naman ang Hacienda Luisita.

Sa pahayag nga ni Christian Monsod, dapat isipin ngayon ni P'Noy, na siya ay Pangulo ngayon ng Pilipinas at hindi isang Cojuangco-Aquino. At dapat n'yang ipatupad ang katarungang panlipunan(Social Justice) para sa mga magsasaka, at ito ang tunay na reporma sa lupa.

Tulad sa dapat maging posisyon n'ya sa Hacienda Luisita, bilang Pangulo ng Pilipinas, dapat ipatupad ni P'Noy ang katarungan para sa mga Piloto, Flight Attendant at Ground Crew Workers ng Philippine Airlines, at hindi sa isang ganid sa tubo na Lucio Tan, na kasalukuyang nagpapakawala ng atake at karahasan para tuluyang pahinain at wasakin ang mga Unyon sa Philippine Airlines, para lamang mapangalagaan at ibayo pang palakihin ang dambuhalang tubo.

Ang pakikibakang ito ng mga manggagawa at magsasaka sa Hacienda Luisita at Philippine Airlines ay nararapat lamang na itrato nating isang pambansa at pampulitikang usapin. Dahil itatakda at iimpluwensyahan nito ang ang hinaharap at kahihinatnan ng pakikibaka ng mga magsasaka para sa Tunay na Reporma sa Lupa, at ang pakikibaka ng mga manggagawa para sa Karapatang Mag-Unyon at Mag-Welga sa ilalim ng anim na taong panunungkulan ng Rehimeng US-Aquino2.

Isang pampulitikang usapin ito dahil, hinaharap at katunggali ng uring anakpawis dito hindi lang ang mga despotikong kinatawan ng malalaking Burges-Komprador at Panginoong Maylupa, kung di ang pangunahing tagapangalaga at tagapagtanggol ng mala-kolonyal at mala-pyudal na ekonomya at lipunang Pilipino na Rehimeng US-Aquino2.

At dahil isa itong pambansa at pampulitikang isyu ng sambayanan, nararapat ding tapatan natin ito ng isang pambansang kampanya at mga pagkilos. Kaya dapat ding mobilisahin at pakilusin hindi lang ang pinakamaraming bilang ng mga manggagawa at magsasaka maging ang iba pang makakayanang abutin na sektor. Mula sa mga pang-rehiyong kampanya at pagkilos tungo sa koordinadong pambansang kampanya at pagkilos.

Isang malaking gawain ang nakaatang ngayon sa Kilusang Manggagawa at sa ating Sentrong Unyon para mamuno at pamunuan ang isang pambansa at pampulitikang usapin ng sambayanan. Sa lubusang pagtitiwala sa kakayahan ng mga manggagawa at sambayanan, walang imposible na tumanaw ng makatotohanang tagumpay para sa pambansa at pampulitikang usaping ito.

MANGAHAS, MAKIBAKA AT MAGTAGUMPAY !!!

MABUHAY ANG URING MANGGAGAWA !!!

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

Type the characters you see in this picture. (verify using audio)
Type the characters you see in the picture above; if you can't read them, submit the form and a new image will be generated. Not case sensitive.

Recent comments