US, panalo rin sa panalo ni Aquino – KMU
Malamang, masayang-masaya si Uncle Sam.
Ito ang reaksyon ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno sa mga ulat na sabay-sabay na pinuri ng US Embassy, Moody’s Investors Service ng New York, at mga dayuhang mamumuhunan ang resulta ng unang eleksyong automated ng bansa. Ayon dito, pilit pinapatatag ng mga pangyayari ang di-direktang paghahari ng US sa bansa.
“Hindi maitago ng US ang saya nito sa eleksyon. Nagsisilbi ang resulta, gayundin ang umano’y ‘mapayapang paglulunsad’ ng eleksyon, sa interes ng US sa Pilipinas,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, chairperson ng KMU.
“Una, mabibitawan na nito nang parang mainit na pandesal si Gloria Arroyo, na kinasusuklaman ng mga manggagawa at mamamayan. Ikalawa, popular na kandidato ang kapalit ni Gloria, si Noynoy Aquino, na sang-ayon din naman sa maka-US na mga patakarang pang-ekonomiya ni Gloria. Ikatlo, sa kanilang bandwagon sa pagdedeklara ng ‘mapayapa at malinis na halalan,’ hinaharangan ng mga propagandista ang mga protestang kaugnay ng eleksyon na pwedeng magkaroon ng negatibong epekto sa tiwala ng mga mamumuhunan,” dagdag ni Labog.
Sinabi rin ng KMU na nasa interes ng US at malalaking negosyo na mapalitan si Arroyo ng isang katulad ni Aquino, na umani ng tiwala at suporta ng mga grupo ng negosyante noon pang panahon ng kampanya.
“Dapat pansining mabilis na sinuportahan ng Moody’s at iba pang business chambers ang pagkapangulo ni Aquino bago pa man opisyal na maiproklama ang nagwagi sa halalan. Malinaw na gustung-gusto nilang palitan si Arroyo dahil makakasira sa negosyo at pautang sa bansa ang paglawak ng diskuntento kapag nanatili siya sa pwesto,” sabi ni Labog.
“Ang mga papet ng US na bumaho na sa mga mamamayan, dali-daling pinapalitan ng mga popular na papet na pabor din sa interes ng US. Iyan ang leksyon ng kasaysayan, hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa,” dagdag ni Labog.
Ayon pa sa lider-obrero, mahusay na hakbangin ng US ang pag-automate ng eleksyon sa paghadlang sa pagputok ng mga protesta kaugnay ng eleksyon.
“Nagiging malinaw na ngayon na inalis ng eleksyong automated ang iba’t ibang proseso ng pagberipika ng mga grupo habang ginagawang mas kapani-paniwala ang resulta ng eleksyon. Pinahihirapan nito ang iba’t ibang grupo na maberipika at mapatunayan ang kredibilidad ng bilangan,” pagtatapos ni Labog.
Add comment
Recent comments
- The most Filipino workers,
2 days 12 hours ago - maam / sir
2 weeks 18 hours ago - Kumusta na po ba si Athea
2 weeks 3 days ago - Kayo pulo salita. Wala kawa.
2 weeks 3 days ago - By watched this article, I
3 weeks 18 hours ago - Revelation 13:16 to 18
16.
3 weeks 18 hours ago - The SC decision is final and
3 weeks 1 day ago - really?...but on the other
3 weeks 3 days ago - Solidarity from New Zealand
4 weeks 2 days ago - Tama ka dyan mga mandadamay
4 weeks 3 days ago
Most discussed