Skip to main content

Sa pag-alingawngaw ng protesta sa Mayo Uno: Aksyunan ang panawagan ng obrero sa Day 1, hamon ng KMU sa susunod na pangulo

Sampu-sampung libong manggagawa sa pamumuno ng Kilusang Mayo Uno ang lumahok ngayon sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa para maghatid ng malakas na mensahe sa sinumang manalong pangulo: aksyunan ang mga panawagan ng manggagawa sa trabaho, sahod, karapatan, at pagtaas ng presyo sa Day 1. 

“Iiwanan ni Gloria Arroyo ang pinakamasahol na lagay ng paggawa – dalawang taong walang dagdag-sahod, pinakamalawak na kawalang-trabaho, di-mabilang na paglabag sa karapatang pangmanggagawa. Kung papalampasin ng susunod na administrasyon ang Day 1 nang hindi tinutugunan ang kagustuhan namin, parang sinabi na nitong haharap uli kami sa gobyernong kontra-manggagawa,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU. 

Ayon sa KMU, dapat aksyunan ng susunod na pangulo ang panawagan ng mga manggagawa para sa pagsasabatas ng makabuluhang dagdag-sahod, pagbasura sa mga patakaran sa kontraktwalisasyon, pagtanggal sa kapangyarihang Assumption of Jurisdiction ng sekretaryo ng paggawa, at pagrebyu sa presyo ng langis at singil sa kuryente. 

Ayon pa sa grupo, ihinahapag nila ang mga kahilingan sa gitna ng nagpapatuloy na pagkabalisa ng mga manggagawa, na produkto ng pag-atake ni Arroyo sa kanila sa loob ng siyam na taon. 

“Sa napakahalagang araw na ito para sa mga manggagawa sa bansa at mundo, iginigiit namin ang mga panawagang napakahalaga para sa aming lahat. Ipinapakita namin ang aming political will para ilaban ang mga ito lampas Hunyo 30. Sinuman ang maging pangulo, dapat magpakita rin ng political will para sa mga ito” sabi ni Labog. 

Ayon sa lider-manggagawa, tanging makabuluhang dagdag-sahod ang pwedeng magbigay ng kagyat na ginhawa sa mga manggagawa at mamamayang nagdurusa sa gutom at kahirapan at baon na sa utang. 

“Dapat ibasura ng gobyernong susunod ang mga patakarang nagliligalisa ng kontraktwalisasyon. Dapat may seguridad sa trabaho ang mga manggagawa. Dapat may pantay na bayad sa pantay na trabaho,” ani Labog. 

“Dapat ibasura ang Assumption of Jurisdiction. Nakita na natin ang matinding epekto nito – ang masaker sa Hacienda Luisita, na pinakamalupit na pagbuwag sa welga ng mga manggagawa sa kasaysayan ng bansa,” dagdag ni Labog. 

Samantala, ayon naman kay Anakpawis Rep. Joel Maglunsod, dapat suriin ng susunod na pangulo ang mga patakaran sa singil sa kuryente at presyo ng langis at itulak ang pagbasura sa mga patakarang nagdudulot ng walang humpay na taas-presyo, partikular ang Oil Deregulation Law at Electric Power Industry Reform Act o Epira.  

“Hindi man lang kumibo ang rehimeng Arroyo para buksan ang mga papeles ng malalaking korporasyong naniningil ng higit sa dapat. Dapat pigilan ng susunod na presidente ang pagkamal ng tubo ng mga ganid na kumpanyang ito,” pagtatapos ni Maglunsod. #

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog, KMU Chairperson
Contact information: 
0908-163-6597 / 0919-416-3451

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments