Skip to main content

Pagtaas ng matrikula, dagdag pasanin sa harap ng nagtataasang presyo, napakong sahod – KMU

Ramdam na ng mga manggagawa ang dagdag-pasanin sa pagsustento sa pag-aaral ng kanilang mga anak ilang araw bago ang simula ng pasukan, lalo pa’t inanunsyo ng gobyerno ang pagtaas ng matrikula sa 339 kolehiyo, ayon sa Kilusang Mayo Uno.

“Ngayong panahon ng enrolment, kaming mga manggagawa ay nangangamba sa kinabukasan ng aming mga anak at laspag na rin sa paghagilap ng perang pangmatrikula, lalo na’t matagal nang nakapako ang aming sahod,” ani KMU chairperson Elmer “Bong” Labog.

“Gaano kadalas pa kami kailangang magtrabaho para matiyak na may edukasyon ang aming mga anak? Pasan-pasan na namin ang dobleng-pasakit ng walang-patid na pagtaas na presyo at nakapakong sahod na dulot ng rehimeng Arroyo, gusto pang dagdagan ng pagtataas ng matrikula,” dagdag ni Labog.

Ayon sa KMU, nakapako ang sahod sa lahat ng rehiyon mula pa 2008 kahit pa maraming beses nang nagtaas ang presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo.

“Pagmamalupit ang di-makatarungang dagdag-singil sa matrikula sa puntong ito na mababa ang sahod subalit napakataas ng presyo. Kaya kagyat na kailangang ipatupad ang tuition moratorium,” ani Labog.

Pumapatak sa mahigit P800 na dagdag-singil kada yunit ang pagtaas ng matrikula sa 339 kolehiyo. Ayon sa KMU, kulang na kulang ang minimum na sahod ng mga manggagawa para sa pagkain at batayang pangangailangan. “Papaano pa namin papasanin ang dagdag na gastos sa matrikula?” pahayag ni Labog.

“Itinutulak ng sitwasyong ito ang mas maraming kabataang Pilipino na tumigil sa pag-aaral at magtrabaho na lamang. O kung mamalasin, magiging bahagi sila ng lumolobong bilang ng walang-trabaho,” dagdag ni Labog.

Panawagan kay Noynoy

Hinamon ng KMU si president-apparent Noynoy Aquino na tutulan ang nakaambang pagtataas ng matrikula sa daan-daang kolehiyo, gayundin ang mga patakaran sa edukasyon ng kasalukuyang rehimen.

“Kinakailangang tupdin ni Noynoy ang kanyang pangako na doblehin o triplehin ang kasalukuyang pondo sa edukasyon. Hindi niya dapat paghintayin ang mga mamamayan para gawin ito.

“Subalit alam din namin na nakapaligid kay Noynoy ang mga malalaking negosyante, kung saan ilan sa kanila ay ginagawang gatasan ang mga paaralang hawak nila. Hamon sa kanya na itigil ang ganitong iskema ng pagkamal ng tubo mula sa edukasyon na itinulak ng rehimeng Arroyo.

“Bukod dito, kagyat ang pagpapataw ng kontrol sa presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo, at ang pagsasabatas ng panawagang P125-dagdag sahod ng mga manggagawa. Kinakailangan ito para magkaroon kami at aming mga anak ng mas mabuting hinaharap,” pagtatapos ni Labog.

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog, KMU chairperson
Contact information: 
0908-163-6597 / 0919-416-3451

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments