Noynoy, hinamon: Patunayan mong di ka Gloria, itigil ang Cha-cha
“Patunayan mo’ng hindi ka katulad ni Gloria. Tigilan na ang Cha-cha.”
Ito ang maagang hamon ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno kay Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III sa gitna ng balitang magbubuo siya ng espesyal na komisyon para pag-aralan ang Charter change o Cha-cha.
“Nakakabahala ang maagang pagbanggit ni Sen. Aquino ng Cha-cha, lalo na dahil pinaniwala niya ang mga mamamayan na kontra-Gloria siya noong nangangampanya. Ngayon, gusto niyang tularan si Gloria,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, chairperson ng KMU.
“Tuluy-tuloy na tinutulan ng nanay niya ang pagbago sa Konstitusyong 1987. Ngayon, sabi niya, gusto niyang alamin kung ano ang saloobin ng mga tao sa isyu. Tuluy-tuloy ring nilabanan ng sambayanang Pilipino ang Cha-cha, dahil lalo lang nitong gagawing maka-dayuhan at kontra-Pinoy ang Konstitusyon,” dagdag ni Labog.
Sabi pa ng lider-manggagawa, tugma ang pagbanggit ni Aquino sa pag-amyenda sa Konstitusyon isang araw pagkatapos ng eleksyon sa sinabing layunin ni Joey Salceda, kapartido niya at dating miyembro ng gabinete ni Arroyo, na lalong ibukas ang ekonomiya para mang-akit ng dayuhang mamumuhunan.
“Sabi ni Salceda, magdudulot ang tagumpay ni Noynoy ng pagpasok ng mas maraming dayuhang mamumuhunan. Isang araw pagkatapos ng eleksyon, Cha-cha na ang laman ng bibig ni Noynoy at mga kasama niya. Ipinapakita nito ang pundamental na pagpapatuloy ng mga patakarang pang-ekonomiya ni Gloria,” sabi niya.
Tutol ang KMU sa mga hakbanging lalong isandig ang ekonomiya sa mga dayuhang mamumuhunan, dahil ilalantad nito ang mga Pinoy sa kaguluhan ng ekonomiya ng mundo, bukod pa sa isasadlak nito ang mga manggagawa sa barat na sahod at siil na kalagayan sa paggawa.
“Dapat umabante na si Noynoy mula sa islogang ‘Kung walang corrupt, walang mahirap’ dahil hindi sapat ang paglaban sa katiwalian. Kailangan niyang lumayo sa mga patakarang pang-ekonomiya ni Gloria kung gusto talaga niyang bawasan ang bilang ng mahirap,” sabi ni Labog.
“Hindi rin maganda para sa sambayanang Pilipino ang pagsasabi niyang bukas siyang italaga si Gilbert Teodoro, defense secretary ni Gloria, sa isang posisyon sa Gabinete. Ipinapakita nito na handa siyang ituloy ang mga patakarang militaristiko ni Gloria. Hindi rin ito magandang senyales,” dagdag ni Labog.
Add comment
Recent comments
- The most Filipino workers,
2 days 12 hours ago - maam / sir
2 weeks 17 hours ago - Kumusta na po ba si Athea
2 weeks 3 days ago - Kayo pulo salita. Wala kawa.
2 weeks 3 days ago - By watched this article, I
3 weeks 18 hours ago - Revelation 13:16 to 18
16.
3 weeks 18 hours ago - The SC decision is final and
3 weeks 1 day ago - really?...but on the other
3 weeks 3 days ago - Solidarity from New Zealand
4 weeks 2 days ago - Tama ka dyan mga mandadamay
4 weeks 3 days ago
Most discussed