Skip to main content

KMU kay Noy: Palayain ang 43 health workers, detenidong pulitikal sa Day 1

Hindi dapat palampasin ni presumptive president-elect Noynoy Aquino ang Day 1, o unang araw niya sa pagkapangulo, nang hindi pinapalaya ang mga detenidong pulitikal, sabi ngayong araw ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno. Iginiit nitong kailangan ang kagyat na pagpapalaya sa mga manggagawang pangkalusugan at iba pang iligal na inaresto sa ilalim ng rehimeng Arroyo.

“Dapat tularan ni Noynoy si Cory sa paglusaw sa mga kaso laban sa 43 manggagawang pangkalusugan at iba pang detenidong pulitikal kapag naupo na siyang presidente sa Hunyo 30. Ito ang unang hamon sa commitment ng administrasyon niya sa demokrasya,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, chairperson ng KMU.

“Kung papayagan niyang mabulok pa sa kulungan ang mga iligal na idinetineng manggagawang pangkalusugan, lider-obrero at aktibista, para na rin niyang minana ang pag-atake ni Arroyo sa mga karapatang pantao at pangmanggagawa. Isang hakbang ang pagpapalaya sa kanila sa pagbaligtad sa inhustisyang ginawa sa mga kritiko ni Arroyo,” dagdag niya.

Ayon sa KMU, aalis sa pwesto si Arroyo nang may mahigit 200 detenidong pulitikal sa piitan, kasama na ang 43 health workers na nakakulong sa Camp Bagong Diwa sa Taguig at si Vincent “Ka Bebot” Borja, lider-manggagawa sa Eastern Visayas, sa Tacloban City Jail. Inaresto si Borja noong Mayo 7, 2007 ng mga sundalo ng 19th Infantry Battalion ng militar at kinasuhan ng pagpatay at rebelyon.

“Dapat kagyat nang palayain sina Borja, ang 43 manggagawang pangkalusugan at iba pang detenidong pulitikal sa panunumpa ni Aquino. Wala silang dahilang manatili pa sa kulungan sa ilalim ng bagong administrasyon. Malinaw na gawa-gawa lang ni Arroyo at ng AFP ang mga kaso laban sa kanila,” sabi ni Labog.

Sabi pa ni Labog, hamon kay Aquino na suportahan ang mga findings ng mga lokal at internasyunal na fact-finding missions sa kalunus-lunos na lagay ng karapatang pantao sa bansa, na nagpapanagot sa rehimeng Arroyo sa mga pagpatay, pagdukot at pagbuo ng gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista.

“Nagsalita nang lahat sina UN Special Rapporteur Philip Alston, ang International Labor Organization at ang Komisyong Melo. Dapat itaguyod ni Noynoy ang findings nila. Isang kagyat na paraan ang pagpapalaya sa mga detenidong pulitikal ni Arroyo,” sabi niya.

“Magbabantay ang mga manggagawa at mamamayan sa hakbangin niyang ito sa Day 1 kaugnay ng mga aktibistang iligal na idinetine. Sana, mag-ala-Cory siya,” dagdag ng lider-obrero.

Kung hindi susundin ni Aquino ang panawagan ng mga manggagawa at mamamayan na palayain ang mga detenidong pulitikal sa Day 1 pa lang, sinabi ng KMU na hindi ito magdadalawang-isip na patindihin ang mga protesta para sa pagpapalaya kina Borja at iba pa.

“Nanalo si Noynoy sa pangakong lilitisin niya si Gloria sa mga krimen nito. Pero dapat higitan niya iyun: dapat, baligtarin niya ang mga patakaran ni Gloria. Kung hindi, magbibigay siya ng hindi magandang mensahe sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino: na ang bagong rehimeng Aquino ay walang ipinagkaiba sa papalitan nitong rehimen,” pagtatapos ni Labog. 

 

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog, KMU chairperson
Contact information: 
0908-163-6597 / 0919-416-3451

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments