Makabuluhang dagdag-sahod kailangan kontra epekto ng El Niño, taas-presyo
Related posts
- Galit sa P22 dagdag-sahod, tumitindi; Obrero, ‘ikinandado’ ang NCR wage board
- Petisyon ng TUCP para sa dagdag-sahod, tugma sa gobyerno at negosyo – KMU
- KMU sa P22 dagdag-sahod sa NCR: masyadong kaunti, huli
- Higit pa sa condoms, pambansang dagdag sahod, disenteng trabaho ang kailangan – KMU
- KMU sa Ecop: May tanggalan kahit walang dagdag-sahod
Anakpawis, KMU lumusob sa Mendiola para sa
pambansang dagdag-sahod
Kailangan ang makabuluhang dagdag-sahod sa buong bansa para kahit paano’y makontra ang epekto ng matinding tagtuyot at sunud-sunod na pagtaas ng mga presyo, giit ng Kilusang Mayo Uno at Anakpawis Partylist ngayong araw.
Sa isang rali sa Mendiola, tinuligsa ng KMU at Anakpawis ang patuloy na kawalang-aksyon ng rehimeng Arroyo sa matagal nang panawagan ng mga manggagawa para sa substansyal na dagdag-sahod. Ayon sa kanila, ang tuluy-tuloy na pagkakait ng P125 dagdag-sahod sa buong bansa ay “lalong naglulugmok ng mga Pinoy sa gutom at karalitaan.”
“Simula 2001, inupuan lang ni Gloria Arroyo ang tuluy-tuloy na panawagan ng mga manggagawa para sa P125 isinabatas na dagdag-sahod sa buong bansa – hanggang ngayong sinasalanta ang pamilyang Pinoy ng pinagsamang epekto ng El Niño at kaliwa’t kanang pagtaas ng mga presyo,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, chairperson ng KMU.
Nagpatupad ang Manila Electric Power Co. (Meralco) ng dagdag na P2.20 kada kilowatt-hour sa singil nito sa kuryente – P1.00 noong isang buwan, P1.20 ngayong buwan. Samantala, apat na beses nang nagtataas ang mga kumpanya ng langis ng presyo simula noong nakaraang buwan. Nagtaasan na rin ang presyo ng pagkain, lalo na ang mga produktong agrikultural, dahil sa mga suliranin sa suplay dulot ng matinding tagtuyot sa maraming rehiyon.
Nakapako ang minimum wage sa lahat ng rehiyon sa antas ng 2008 sa kabila ng dalawang taon nang pagbayo ng krisis pang-ekonomiya. Sa limang rehiyon, ang ibinibigay na sahod ay di hamak na mas mababa sa nakatakdang minimum wage.
“Napatunayan nang mas mabilis ang pagtaas ng presyo sa pagtaas ng sahod. Pero sa harap ng nakapakong sahod sa gitna ng pagsirit ng mga presyo sa bansa, nahaharap ang mga manggagawa sa mas masahol na lagay, halos agaw-buhay na,” sabi ni Labog.
Binanggit ng KMU ang ilang pag-aaral na nagpapakitang mas mataas ang kagutuman sa mga lugar na mas mababa ang sahod, kasama ang world hunger survey ng Gallup International noong nakaraang taon, kung saan panlima ang Pilipinas sa 55 bansa.
Katarungang panlipunan
Sinabi naman ni Anakpawis Partylist Rep. Joel Maglunsod, bukod sa pagpako sa sahod, binarahan din talaga ni Arroyo ang mga pagsisikap na ipasa ang House Bill 345, na magsasabatas sana ng P125 dagdag-sahod sa bansa, sa pamamagitan ng mga tauhan niya sa Kongreso.
“Bahagi ng kontra-manggagawang rekord ni Arroyo ang kanyang lantarang pagtutol sa pagpasa ng panukalang batas para sa P125 dagdag-sahod, na inaprubahan na sa ikatlong pagbasa pero pinaatrasa sa antas-komite. Kawalang-katarungan ito para sa mga manggagawang nangangailangan ng substansyal na dagdag-sahod at malinaw na patunay ng pagiging kontra-obrero ni Arroyo,” ani Maglunsod.
“Dapat idiing ang paglaban para sa P125 dagdag-sahod ay hindi lang para sa ginhawang pang-ekonomiya. Paglaban din ito para sa katarungang panlipunan sa isang bansa kung saan tagibang ang hatian ng yaman at kung saan humahamig ng supertubo ang malalaking negosyo,” dagdag niya.
Boto ng paggawa
Hinamon din ng mambabatas ang mga kandidato na ilahad ang kanilang posisyon sa isyu ng dagdag-sahod at iba pang usapin ng paggawa. “Mahalaga ang boto ng paggawa o ang suporta ng 35 milyong manggagawa ng bansa. Dapat magpakita ang mga kandidato ng kongkretong plataporma sa paglikha ng trabaho at matagalang pag-unlad.”
Ayon pa sa kanya, napakakaunti ng pumapasang batas sa Kongreso na tunay na maka-manggagawa. “Ngayong eleksyon, dapat maging mahusay ang mga manggagawa sa pagpili ng mga iboboto.”
Add comment
Recent comments
- The most Filipino workers,
2 days 12 hours ago - maam / sir
2 weeks 17 hours ago - Kumusta na po ba si Athea
2 weeks 3 days ago - Kayo pulo salita. Wala kawa.
2 weeks 3 days ago - By watched this article, I
3 weeks 17 hours ago - Revelation 13:16 to 18
16.
3 weeks 18 hours ago - The SC decision is final and
3 weeks 1 day ago - really?...but on the other
3 weeks 3 days ago - Solidarity from New Zealand
4 weeks 2 days ago - Tama ka dyan mga mandadamay
4 weeks 3 days ago
Most discussed