Skip to main content

Kalaboso, wish ng obrero para kay Arroyo

Kalaboso simula Hunyo 30 ang wish ng mga manggagawa para sa ika-63 kaarawan ni Gloria Arroyo ngayon, sabi ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno.

Hiling din ng KMU na ang Judicial and Bar Council, na nagpupulong ngayon, ay hindi magbigay ng magandang regalo kay Gng. Arroyo, sa porma ng pagpapabilis sa pagtalaga niya ng susunod na chief justice.

“Happy Ba-bye day, Ginang Pangulo. Sana, ito na ang huling kaarawan mo sa Palasyo, dahil ang wish namin para sa iyo ay kalaboso. Karapat-dapat kang makulong, dahil sa napakaraming krimen mo sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, chairperson ng KMU.

“Mula 2001, at lalo na pagkatapos ng 2004, ipinagdiwang naming mga aktibista, nang may luha sa mga mata, ang kaarawan ng mga kasama naming pinatay o dinukot ng rehimeng ito. Ngayon, sa pagdiriwang niya ng kaarawan, ipinapaalala namin kay Gng. Arroyo ang malulungkot na kaarawan na dulot ng mga pagpatay at pagdukot na iniutos niya,” dagdag ni Labog.

Nanawagan ang KMU, kasama ng Anakpawis Partylist, sa publiko na makiisa sa “Birthday ni Gloria, Ba-bye day ng masa,” at maglunsad ng pag-iingay mula 4:00 hanggang 5:00 ng hapon. Tinatayang 200 kasapi ng KMU at Anakpawis ang nagtipon sa Trabajo Market para sa pag-iingay. Pagkatapos, nagmartsa sila papuntang Mendiola para ihatid ang isang “regalo” kay Gng. Arroyo. 

“Kulungan ang regalo namin. Simbolo ito ng birthday wish ng manggagawa at mamamayan na ikulong si Gng. Arroyo dahil sa mga krimen niya – mula katiwalian hanggang paglabag sa karapatang pantao, mula pandaraya sa eleksyon hanggang nakakamatay na kapabayaan. Tinatanaw talaga namin ang Hunyo 30, dahil dito mawawalan na siya ng immunity sa mga kaso at kaparusahan,” sabi ni Labog.

“Kung tatanggihan ni Arroyo ang kagustuhan ng mga mamamayan na makulong siya at kung gagawa siya ng iba’t ibang hakbangin para umiwas, dapat maghanda siya sa citizen’s arrest. Pwede siyang tumakbo pero hindi siya makakatago sa galit ng mga Pinoy,” dagdag niya.

Pulong ng JBC

Sinabi rin ng lider-obrero na gusto ng publiko na huwag ibigay ng Judicial and Bar Council ang hiling ni Gng. Arroyo na magkaroon ng magandang regalo ngayon. Nagpupulong ang JBC para pumili ng nominadong susunod na chief justice ng Korte Suprema. 

“Sana, nauunawaan ng JBC hindi porke legal ay maganda na para sa bansa. Sana, huwag nitong ipagkaloob ang birthday wish ni Gng. Arroyo na makatanggap ng magandang regalo, sa porma ng listahan ng mga nominadong CJ na madali niyang maitalaga,” sabi ni Labog.

Nakatakdang magpulong ang JBC sa kaarawan ni Gng. Arroyo, para pumili ng mga nominado para sa maging CJ ng Korte Suprema. Itinutulak ng administrasyon na makapagtalaga si Gng. Arroyo ng susunod na CJ, na tinitingnan namang mga hakbangin para patuloy na makapagkapit-tuko sa kapangyarihan at makatakas sa kaparusahan si Gng. Arroyo.  

 

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog, KMU chairperson
Contact information: 
0908-1636-597

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments