Skip to main content

Showdown laban kay Gloria, paghandaan – KMU; Desisyon sa CJ, di pagdalo sa PNPA – patunay ng paghahanda sa no-proc

Sa harap ng iba’t ibang indikasyong sinisikap ni Gng. Arroyo na palawigin ang hawak sa poder, nanawagan ngayon ang sentrong unyong Kilusang Mayo Uno sa mga manggagawa at mamamayan na maghanda para sa isang “kumprontasyon” sa administrasyon. Ayon dito, magpapatuloy lang ang mga krimen ni Arroyo kapag nanatili siya sa pwesto.  

No-el, no-proc, iniluluto

“Kitang-kita na ang mga indikasyon. May iniluluto si Gng. Arroyo na nakakalason sa mga manggagawa at mamamayan. Habang abala ang mga grupong pampulitika sa pagkakampanya para sa eleksyon, dapat tayong gumawa ng init na magtataboy kay Gng. Arroyo palabas sa kusina niya,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, chairperson ng KMU. 

“Sa harap ng matitinding krimen niya sa mga manggagawa at mamamayan, nasa interes ni Gng. Arroyo na manatili sa kapangyarihan. Natatakot siyang harapin ang mga epekto ng mga aksyon niya, ang mga kaso at kaparusahan. Dapat lang,” dagdag ni Labog. 

Ayon sa lider-manggagawa, ang pagpapatupad sa palpak na automated election system (AES) at ang paghawak ng mga opisyales na maka-Arroyo sa mahahalagang pwesto sa gobyerno ay “paghahanda” para sa “mahalagang yugto” na magpapahintulot kay Arroyo na manatili sa pwesto at gumawa ng mga hakbangin – gaya ng pag-amyenda sa Konstitusyon at pagdeklara ng batas militar – para panatilihin ang sarili sa pwesto. 

“Bagamat posible pa rin ang no-el (no elections), tila mas malamang na itulak ng rehimen ang no-proc (no proclamation). Malamang na magkaroon ng full opartial failure ng eleksyon at titiyakin ng mga opisyal na maka-Arroyo na masunod ang gusto ni Gng. Arroyo,” sabi ni Labog.  

“Malamang na maganap ang mahalagang yugto pagkatapos ng Mayo 10. Panawagan namin sa mga manggagawa at mamamayan: huwag lang bantayan ang ating boto. Bantayan natin ang mga pihit ng sitwasyon sa eleksyon at ang mga hakbangin ni Gng. Arroyo,” ani Labog. 

Pagtalaga ng CJ, di pagdalo sa PNPA

Ani Labog, ipinapakita ng huling desisyon ng Korte Suprema na nagtataguyod sa karapatan ni Gng. Arroyo para magtalaga ng bagong CJ at ng hindi niya pagdalo sa graduation sa Philippine National Police Academy na hindi sasantuhin ni Gng. Arroyo ang pagtutol sa kanyang plano. 

“Gagamitin niya ang kontrol niya sa mga appointees niya at iba pang opisyal para baluktutin ang batas ayon sa gusto niya. Hindi siya magpapakita man lang ng sibilidad sa mga opisyal na nagpapahayag ng pagtutol. Sa mga ginagawa niya, malinaw na hindi siya mapagkakatiwalaang isalin nang payapa ang kapangyarihan sa bagong presidente,” sabi ni Labog.  

“Kaya nga dapat siyang pwersahin ng mga tao. Dapat palaganapin natin ang kaalaman sa mga hakbangin ni Gng. Arroyo at sumama sa mga protesta laban dito. Kumprontasyon ang kailangan para matanggal siya sa pwesto. Tinatawagan tayong maghanda para rito, sa isang posibleng pag-aalsang bayan,” pagtatapos ni Labog. #

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog, KMU chairperson
Contact information: 
0908-1636-597

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments