Petisyon ng TUCP para sa dagdag-sahod, tugma sa gobyerno at negosyo – KMU

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog. KMU Chairperson
Contact information: 
0929-629-3234

“Bagamat hinihikayat namin ang pinakamaraming manggagawa sa pakikibaka para sa makabuluhang dagdag-sahod, tinitiyak namin na ang laban natin ay nasa wastong direksyon.”

Muling iginiit ni Elmer “Bong” Labog, chairperson ng Kilusang Mayo Uno, ang panawagan para sa pambansa, across-the-board, at isinabatas na P125 dagdag-sahod sa harap ng pagsasampa ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ng petisyon para sa P75 dagdag-sahod sa Metro Manila Regional Wage Board. 

Instrumento ng gobyerno

Ayon kay Labog, matagal nang instrumento ng gobyerno ang regional wage board para harangan ang mga panawagan para sa signipikanteng dagdag-sahod. Simula noong itayo ang mga ito sa ilalim ng administrasyong Aquino noong 1989, kakarampot na P26 pa lang ang pinakamalaking halagang inaprubahan ng wage board ng Metro Manila, halimbawa, at tinaasan lang ang sahod nang 16 na beses sa parehong rehiyon.

“Laging dinadala ng TUCP ang laban para sa dagdag-sahod sa mga wage board. Pagsunod iyan sa taktika ng gobyerno na barahan ang makabuluhang dagdag-sahod sa buong bansa. Para mong inilalagay ang kuting sa ring para makipaglaban sa mga tigre,” sabi ni Labog.

“Layunin talaga ng mga regional wage board na hatiin ang pagkakaisa ng mga manggagawa sa buong bansa sa paglaban para sa dagdag-sahod. Masayang-masaya ang TUCP na ihatid ang ating laban sa pagkakawatak-watak.”

Palusot ng malaking negosyo

Ang huling dagdag-sahod na inaprubahan ng wage board ng Metro Manila ay kakarampot na P20 lang noong Hunyo 2008. Mula noon, sumirit na ang mga presyo at sinalanta na ng pandaigdigang krisis pang-ekonomiya ang kabuhayan ng maraming Pilipino.

“Kaya nga ipinagpatuloy ng KMU ang ating kampanya para sa makabuluhang P125 dagdag-sahod, dahil pinakatinatamaan ng krisis ang mga manggagawa at maralita,” ani Labog.

“Samantala, sinusunod ng TUCP ang palusot ng malalaking negosyo para umiwas sa dagdag-sahod – na pwedeng magdulot ito ng pagkalugi at pagsasara. Samantalang binabayo na ang mga manggagawa ng sumisirit na presyo at lumiliit na halaga ng sahod. Ang dalawang ito ang kagyat na mga dahilan kung bakit dapat magtaas ng sahod ngayon.”

Sabwatan

“Hindi kailanman nanawagan ang TUCP ng pagbibitiw ni Gloria o pagpapatalsik sa kanya – ni hindi rin ito dumistansya sa kanya. Hinala namin, bahagi ang huling petisyon ng TUCP ng mga sarswela ni Gloria na mga pahabol na pagtatangkang pabanguhin ang kanyang nangangalingasaw na imahe,” dagdag ni Labog.

“Malinaw kung gayon na ang mga hakbangin ng TUCP para sa dagdag-sahod ay tugma sa mga taktika ng gobyerno at malalaking negosyo na harangan ang makabuluhang dagdag-sahod sa bansa – habang pinapaganda pa ang imahe ni Gloria. Dapat tayong maging mapagbantay para hindi mahulog sa ganitong patibong,” sabi ni Labog. 

 

Comments

dapat dagdagan ang sweldo ng

dapat dagdagan ang sweldo ng mga manggagawa dahil d na sapat ang kita ng mga manggagawa lalo na d2 sa cavite sa sobrang mahal ng mga bilihin....

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>
  • Potentially problem-causing HTML tags are filtered.

More information about formatting options

AddThis

add this