Skip to main content

Sa paggamit sa laban ng manggagawa para magkapera: Lider-manggagawa sa North Harbor, tinuligsa ng KMU

Tinuligsa ngayong araw ng militanteng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno si Leandro “Andy” Mortel, kalihim ng Samahan ng Manggagawa sa Pantalan at pangkalahatang kalihim ng Alliance of Port/Transport Workers and Porters in North Harbor, sa paggamit sa laban ng mga manggagawa para kumolekta ng pera mula sa nanalong bidder sa pribatisasyon ng Manila North Harbor. 

Sa isang pahayag na inilabas ngayon para ipamahagi sa publiko, sinabi ng KMU na nalaman nito “sa isang hindi mapapasinungalingang tao” na humihingi si Mortel sa nanalong bidder na Manila North Harbor Port Incorporated ng kabuuang P1.3 Milyong salapi. Iginigiit ng lider-manggagawa na mabayaran siya ng P1,000 para sa bawat manggagawang mairerekomenda niya sa trabaho. Magkakaroon din siya ng karapatang maging supplier ng bigas kung gugustuhin ng bagong manedsment na magbigay sa mga manggagawa ng rice allowance. 

Napag-alaman din ng KMU na nagpapirma si Mortel sa mga manggagawa ng enlistment form na walang probisyong magbibigay ang bagong manedsment ng tulong pampinansya sa mga manggagawa. 

“Tinutuligsa namin ang ganitong mga hakbangin ng isang lider-unyon. Habang isinusugal ng mga manggagawa ng pier ang kanilang kaligtasan at buhay sa kanilang militanteng paglaban para sa kaseguruhan sa trabaho, mayroon palang lider-unyon na gumagamit sa paglaban para magpayaman. Nagdudulot ang mga lihim niyang hakbangin ng kaguluhan sa pagsisikap ng mga manggagawang ipagtanggol ang kanilang trabaho at ang unyon,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, chairperson ng KMU. 

Sabi ni Labog, hindi kukunsintihin ng KMU ang mga lider-unyon na nagtatangkang magkamal ng yaman sa paggamit sa pakikibaka ng mga manggagawa. 

“Nasa kasaysayan na, na hindi kinukunsinti ng KMU ang ganyang mga hakbangin ng mga lider-unyon. Pinapalaganap namin ang simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka. Pinapalaganap namin ang unyonismong tunay at tapat sa mga manggagawa,” sabi ni Labog. 

Nanawagan din ang KMU sa mga manggagawa sa pier na tuligsain si Mortel at ipagpatuloy ang laban para sa kaseguruhan sa trabaho nang wala siya. “Ang magigiting at nagpupunyaging mga manggagawa ng North Harbor ang mapagpasya sa kanilang paglaban, gayundin sa hinaharap ni Mortel.”

Nasa “indefinite suspension” ngayon ang pag-takeover sa Manila North Harbor ng bagong manedsment. Ayon sa Philippine Ports Authority, maraming isyu na kailangang maplantsa bago matuloy ang takeover. 

 

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog, KMU Chairperson
Contact information: 
0929-629-3234

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments