Skip to main content

Pahabol na pagluklok ng gobernador na maka-Gloria: May maitim na balak pa rin si Gloria -- KMU

Wala nang 100 araw bago ang eleksyon sa Mayo 10, pero may maitim na balak pa rin si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo para patagalin ang sarili sa kapangyarihan, sabi ng Kilusang Mayo Uno ngayong araw. Ayon sa sentrong unyon, ipinapakita ito ng huling mga pasya ng Commission on elections na nagluluklok ng mga gobernador na maka-Gloria sa tatlong probinsya. 
Nitong Huwebes, nagpasya ang Comelec Second Division na si Lilia Pineda, malapit na alyado ni Presidente Arroyo at asawa ng nababalitang jueteng lord sa Pampanga, ang halal na gobernador ng nasabing probinsya -- at hindi ang kasalukuyang gobernador na si Eddie "Among Ed" Panlilio. Kasunod ito ng mga pasya ng Comelec na nagpupwesto ng malalapit na alyado ni Arroyo bilang mga gobernador ng Bulacan at Isabela. 
"Sigurado tayong may iniluluto. Bakit naman gugustuhin ng mga taong ito na maging gobernador sa loob lang ng tatlong buwan? Para mapatunayang tama sila? Para namang walang dangal o prinsipyo itong mga Pineda. Malamang na ang pagkaluklok nila sa pwesto ay bahagi ng masamang plano para sa darating na halalan," sabi ni Elmer "Bong" Labog, chairperson ng KMU. 
"Batay sa pagkakakilala natin  kay Gng. Arroyo, posibleng inilalagay sa pwesto ang mga taong ito para magpatupad ng malawakang pandaraya pabor sa mga kandidato ng administrasyon, lalo na si Gibo Teodoro. O pwedeng mahalaga sila sa 'no-election' o 'no-proclamation' plus martial law scenario na sinasabi ng mga manunuring pampulitika, tulad ni dating Chief Justice Artemio Panganiban," dagdag ni Labog. 
Tinutukoy ng lider-manggagawa ang pagsusuring tinalakay ni dating CJ Panganiban sa kanyang kolum sa isang pahayagan. Sinabi ni Panganiban na ang malawakan o maliitang pagkabigo ng automated election system o AES ay pwedeng gamitin ng kasalukuyang administrasyon para magkapit-tuko sa poder. 
"Hindi nakakapanatag ang mga senyales. Bakit gugustuhin ni Gloria na malagay sa pwesto ang malalapit niyang alyado ilang buwan bago ang eleksyon? Baka pinupunuan niya ang pagkawala ng malapit niyang alyadong si Gob. Andal Ampatuan, Sr. ng Maguindanao. Inaasahang pagtatakwil ang magiging resulta ng eleksyon sa kanyang kontra-mamamayan, kontra-manggagawa at mapanupil na administrasyon," sabi ni Labog. 
Sinabi rin ng KMU na nasa interes ni Gng. Arroyo na manatili sa kapangyarihan nang lampas sa itinatakda ng Konstitusyon na pagtatapos ng termino niya sa 30 Hunyo 2010. 
"Alam ng lahat ang gusto ni Gloria sa puntong ito: ang makaiwas sa pagpapanagot sa kanyang marami at nakamamatay na krimen sa sambayanan at manggagawang Pilipino. Malamang, gusto rin niyang protektahan ang yaman at pag-aaring iligal na nahamig ng kanyang pamilya sa kanilang mala-bangungot na siyam-na-taong paghahari sa bansa," pagwawakas ni Labog.  #
Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog, KMU Chairperson
Contact information: 
0929-629-3234

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments