Kagyat na paglaya sa mga binilanggong doktor at manggagawang pangkalusugan, iginiiit

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog, KMU Chairperson
Contact information: 
0929-629-3234

Papabangis ang pasismo ni Arroyo hanggang sa dulo

Nakiisa ang Kilusang Mayo Uno sa paggigiit ng kagyat na pagpapalaya sa 43 health worker, kabilang ang mga doktor, na na-frameup at kinulong mula pa noong Sabado ng mga militar at pulis sa Rizal.

Nasa training para sa community health work ang mga doktor at manggagawang pangkalusugan sa compound ni Dr. Melecia Velmonte sa Morong, Rizal, nang i-raid ito ng mga militar at pulis, sa bintang na mga NPA umano sila at may kasong illegal possession of firearms. Sapilitan silang bin-lindfold, pinosasan, kinuhanan ng gamit, at saka pinakitaan ng isang warrant na halatang depektibo. Pagkatapos ng paghahalughog, sinabi ng militar na nakakita umano sila ng mga C4 explosive, baril, granada, at landmine sa lugar na pinagdarausan ng training. Dinala ang mga health worker sa Camp Capinpin sa Rizal at pinagbawalang magkaroon ng komunikasyon kaninoman hanggang sa kasalukuyan.

Malinaw na frame-up ang nangyari at walang batayan ang mga binibintang sa mga doktor at health worker, na kabilang sa mga kritiko ng gobyernong Arroyo. Iskema lamang ito ng panunupil – at ang biktima ay silang nagpupunta pa sa mga malalayong komunidad para makapaglingkod sa masang pinagkaitan ng gobyerno ng serbisyong panlipunan.

Ang frame-up at maramihang pag-aresto ay panibagong ebolusyon ng lumalalang pasismo ni Arroyo para supilin ang mga nagsusulong ng tunay na pagbabagong panlipunan. Mula sa mga pagpaslang, pagdukot, at black propaganda, nagkaroon ng bagong porma ang programang Oplan Bantay Laya ni Arroyo noong nakaraang dalawang taon – ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kasong kriminal sa mga progresibo, na kalakhan ng nabiktima ay mula rin sa Timog Katagalugan. Noong nakaraang taon naman, ilang militante ang biniktima ng malubhang harasment, iyong pang-ha-haras hanggang sa mamatay. Ngayon, tila ang frame-up naman ang panibagong iskema ng rehimen para kalabanin ang oposisyon at takutin ang publiko.

Wala pang kaparis sa kasaysayan ang naganap na insidente. Patunay na walang sinasanto ang pasismo ni Arroyo. Mula 2001, biniktima na ng rehimeng US-Arroyo ang mga mamamahayag, abugado, at doktor – mga propesyong pinangangalagaan sana sa isang demokrasya.  

Mula sa pagluluto ng mga kriminal na kaso hanggang sa pagluluto ng mga ebidensya para makapag-aresto at makapag-bilanggo, pursigido ang rehimeng US-Arroyo na kamtin ang ambisyon nitong wakasan ang rebelyon sa pagtatapos ng termino nito ilang buwan na lang.

Ngunit mas pursigido ang mamamayan. Dahil hangga’t may pang-aapi, kawalang-katarungan at kahirapan, at nakapamamayani ang mga uring mapagsamantala sa lipunang ito, lalo lamang lalakas ang paglaban ng mamamayan.

Pagkilos ang sagot sa pambibiktima ng militar sa mga doktor at manggagawang pangkalusugan. Inalay nila ang kanilang talino at kakayahan para sa masa. Kaya habang sila’y nakapiit at napipigilang ipagpatuloy ang dakila nilang gawain, kumilos tayo para sa kagyat nilang paglaya at sa tunay na paglaya ng masang kanilang pinaglingkuran. #

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>
  • Potentially problem-causing HTML tags are filtered.

More information about formatting options

AddThis

add this