Skip to main content

Tigilan na ang pagsisi sa mga bagyo sa kakulangan sa bigas – KMU

Pambansang Lakbayan ng magbubukid nananawagan para sa tunay na solusyon sa krisis sa pagkain

Kinastigo ng Kilusang Mayo Uno ang patuloy na pagbubunton ng sisi ng gobyerno sa mga bagyo sa pagbaba ng produksyon ng bigas noong nakaraang taon, sapagkat nilalantad lang ng mga natural na kalamidad ang lala ng problema natin sa agrikultura.

Nagpahayag ang Kagawaran sa Agricultura nitong Miyerkules na ang lokal na produksyon ng bigas ay bumaba ng 3.31 porsyento noong 2009, at sina Ondoy at Pepeng umano ang dahilan. 

Pinaalala ng KMU na nananatiling isa sa numero unong tagapag-angkat ng bigas ang Pilipinas sa mundo sa mahigit isang dekada na. “Ang problema talaga ay wala sa mga bagyo, nasa oryentasyon ng pagpapatakbo sa ating agrikultura, and sa buong ekonomiya. Cash-crop demands ng dayuhang pamilihan ang tinutugunan nito, hindi ang pagpapakain sa mamamayang Pilipino,” ani Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

“Totoong malaking pinsala ang nagawa ng mga bagyo, pero ginagamit lang itong palusot ngayon ng gobyerno. Pinakita lang ng mga bagyo ang kalubhaan ng problema natin sa agrikultura na mga tao naman ang may gawa,” dagdag ni Labog.

Makikita ang pagbulusok ng produksyon natin sa bigas sa paglipas ng mga taon kasabay ng pagtodo ng pagsisilbi ng gobyerno sa dayuhang pamilihan, sa ngalan ng “economic globalization.” Noong 1989, may 9.5 bilyong toneladang bigas ang nalilikha ng bansa, samantalang pagdating ng 2009, umabot na lang ito sa 16.26 milyong tonelada.

“Pinakikita ng ganitong mga datos kung gaano ka anti-mamamayan ang oryentasyon ng produksyon ng bigas sa ating bansa. Bilang bansa na kanin ang pangunahing nasa hapag-kainan, pinaliit ng gobyerno ang produksyon ng palay sa gitna ng lumalaki nating populasyon, at mga natural na suliranin sa kapaligiran gaya ng climate change. Ang ibang bansa nga na nag-e-export ng bigas, nagbabawas na ng export ngayon para matugunan muna ang sarili nilang pangangailangan,” anang lider-manggagawa.

“Sa pagbaling ng sisi sa mga bagyo, kriminal na kapabayaan lang ang pinatutunayan ng gobyerno. Kung natural na kalamidad nga lang ang dahilan, ano’ng gusto nilang gawin natin? Magdasal at mag-alay sa mga santo para wala nang bagyong tumama sa bansa? Kahit mga relihiyoso ay hindi magugustuhan ito. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa, ika nga.”

Sinisi ng KMU ang mga lokal na panginoong maylupa at malalaking dayuhang agro-business sa pagdidireksyon sa ating agrikultura sa exports. Ang mga ito umano, kasabwat ang gobyerno. ang may monopolyong kontrol sa mga lupain ng bansa.

“Hinding-hindi talaga uunahin ng mga panginoong maylupa at dayuhang agro-business ang pangangailangan ng mamamayan, dahil sa pandaigdigang merkado sila nagkakamal ng malaking kita. Kaya dapat nang i-nasyonalisa ang kanilang mga lupain, o ipamahagi sa nagbubungkal dito,” ani Labog.

Sinabi ng KMU na ang nagaganap ngayong “Pambansang Lakbayan ng Anakpawis para sa Lupa at Katarungan” ay kampanya rin para wakasan na ang pag-asa ng bansa sa imprtasyon ng bigas at ipatupad ang tunay na repormang agraryo para tunay na umunlad ang ating agrikultura.

“Ang pagbuwag sa monopolyo sa lupa at paghawak sa leeg sa atin ng dayuhan ang tanging solusyon sa krisis sa bigas at kagutuman sa ating bansa, ito ang bitbit na paninindigan ng mga magsasakang kalahok sa Lakbayan na nagmartsa pa mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.” Ang pambansang lakbayan ay rururok sa Enero 22 sa Mendiola, anibersaryo ng Mendiola Massacre. #

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog, KMU Chairperson
Contact information: 
0929-629-3234

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments