Ka Bel: Mandirigma para sa Tunay na Pagbabago
Ngayong araw, habang ipinagdiriwang natin ang ika-77 kaarawan ni Crispin “Ka Bel” Beltran – iginagalang na lider ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino sa ating pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya – nagpupugay tayo sa kanyang buong-buhay, maalab at walang pag-iimbot na paglilingkod sa pakikibaka para sa tunay na pagbabago sa bansa.
Pumapatak ang ika-77 kaarawan ni Ka Bel sa taon ng isang eleksyon, sa isang panahong nananawagan ang iba’t ibang grupo ng pagbabago sa bansa.
Ang ibig sabihin ng marami sa mga nagsasabi ng “pagbabago” ngayon: gusto na naming matanggal si Gloria. Ang totoo, kagustuhan ng manggagawa at sambayanang Pilipino na matanggal sa pwesto ang kasalukuyang presidente at maparusahan siya sa kanyang mga krimen sa mga mamamayan. Pagkakataon ang darating na halalan para sa pagbabagong ito.
Nilabanan ni Ka Bel ang masamang rehimeng ito hanggang sa kanyang kamatayan. Hindi lang siya tumulong sa paglalantad at paglaban sa mabahong rekord ng rehimeng ito pagdating sa pagsisinungaling, pagnanakaw at pandaraya, tumulong din siya sa paglalantad at paglaban sa mga patakaran nitong kontra-mamamayan at pasista.
Pero nakipaglaban din si Ka Bel para sa mga bagay na higit pa rito. Tiningnan niya ang pakikibaka sa rehimeng US-Arroyo bilang batayan para itaas ang kamulatan at diwang palaban ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino laban sa mas malalalim na suliranin ng lipunang Pilipino – ang imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Tiningnan niya ang pagtanggal sa rehimeng US-Arroyo bilang isang hakbang patungo at paghahanda sa pagtanggal sa buong istrukturang panlipunan na nagpiit ng mayorya sa sambayanang Pilipino na pinagsasamantalahan, inaapi, nagdaralita at nagugutom. Ipinaglaban niya ang pagpapatalsik kay Gloria dahil nakipaglaban siya para sa sosyalismo.
At lumaban siya nang walang pag-iimbot at nang magiting, humarap sa mga paninira, panghaharas, pagpiit at kahit sa banta ng kamatayan. Namuhay siya nang simple, tinanggihan ang mas maalwang buhay sa pagtalikod sa pakikibaka ng mga manggagawa at mamamayan o pagtanggap ng mga suhol mula sa mayayaman at makapangyarihan. Maalab niyang niyakap ang pakikibaka, walang-pagod na nagsalita sa mga manggagawa, kapwa-Pilipino at maging mga dayuhan para imulat sila tungkol sa pakikibakang nagaganap sa bansa at daigdig. Gayunman, lagi siyang mapagkumbaba, hindi hinahayaang mapunta sa ulo niya ang kanyang mga tagumpay.
Sa ganitong diwa, nananawagan kami sa mga kapwa-manggagawa at kababayan na tularan si Ka Bel at lumaban para sa uring manggagawa at sambayanang Pilipino sa paglaban para sa tunay na pagbabagong panlipunan – paglaya mula sa pagdominang neokolonyal at elitista sa bansa. #
Add comment
Recent comments
- The most Filipino workers,
2 days 12 hours ago - maam / sir
2 weeks 17 hours ago - Kumusta na po ba si Athea
2 weeks 3 days ago - Kayo pulo salita. Wala kawa.
2 weeks 3 days ago - By watched this article, I
3 weeks 17 hours ago - Revelation 13:16 to 18
16.
3 weeks 17 hours ago - The SC decision is final and
3 weeks 1 day ago - really?...but on the other
3 weeks 3 days ago - Solidarity from New Zealand
4 weeks 2 days ago - Tama ka dyan mga mandadamay
4 weeks 3 days ago
Most discussed