Skip to main content

$100 milyong pautang sa Haiti, ‘maglulubog lang ng bansa sa utang’; Utang ng Haiti sa IMF-WB, kanselahin – KMU, Anakpawis

Para magbigay ng kagyat at malaking ginhawa sa mga mamamayan ng Haiti na nagdurusa pa rin sa mga epekto ng malakas na lindol na tumama sa bansa, iginiit ngayon ng Kilusang Mayo Uno at Anakpawis Partylist na kanselahin ang lahat ng utang ng Haiti sa International Monetary Fund (IMF) at World Bank (WB). 

Inanunsyo ng IMF ang bagong pakete ng pautang na $100 milyon para sa Haiti noong Huwebes. Ayon dito, ito ang tulong nito sa bansa. Dahil sa bagong pautang, aabot na sa $265 milyon ang utang ng Haiti sa IMF. 

Lumago ang utang ng Haiti sa mga internasyunal na institusyong pampinansya at ibang bansa mula $302 milyon noong 1980 patungong $1.13 bilyon noong 2005. 

“Hindi nakinabang ang sambayanang Haitians sa mga dating utang panlabas ng bansa. Bakit pa nila patuloy na babayaran ang mga ito?” tanong ni Elmer “Bong” Labog, chairperson ng KMU. 

“Ayon sa isang pag-aaral, ibinulsa ng mga diktador na sina Papa at Baby Doc Duvalier ang 80% ng dayuhang ‘tulong’ sa kanilang 29-na-taong diktadura mula 1957 hanggang 1986 – katulad ng pagdambong ni Ferdinand Marcos sa ‘tulong’ na ibinigay sa Pilipinas sa panahon ng diktadura niya,” dagdag niya. 

“Porma ba talaga ng pagtulong ang pagbibigay ng bagong pautang? Ito ba ang kailangan ng isang bansang sinalanta ng lindol? Ibabaon lang ng ‘tulong’ na ito ang Haiti sa utang,” sabi niya.  

Tinuligsa rin ng lider-manggagawa ang mga kondisyong kasama ng mga utang na ibinigay sa Haiti. Aniya, ito ang dahilan ng paghihirap ng bansa. 

“Ang mga kondisyong ito ang dahilan kung bakit naging pinakamahirap na bansa ang Haiti sa Western Hemisphere. Ito ang dahilan ng pagkawasak ng agrikultura nito, ang paglaganap ng trabahong sweatshop, at ang pagkahatak ng halos 80% ng sambayanang Haitians sa Port-au-Prince, ang kapitolyo. Sa pagpatay sa maraming tao, ipinakita ng lindol kung gaano ka-mapaminsala ang mga kondisyong ito,” sabi ni Labog. 

Ayon pa kay Labog, pamilyar ang mga manggagawa at mamamayang Pilipino sa mga kondisyong ito dahil ipinataw rin ang mga ito sa Pilipinas ng IMF-WB.

“Sa Pilipinas at ibang bansa, may kabayaran ang mga pautang at ‘tulong’ ng IMF-WB na mas mahal kaysa sa pakinabang nila. Itinutulak nila tayong lalong magliberalisa ng ekonomiya, at payagan ang mga dayuhang monopolyo na lalong dominahin at pagsamantalahan ang ating mga ekonomiya.

“Kasama ang pagpigil sa pagtaas ng sahod sa kabila ng pagsirit ng mga presyo dulot ng monopolyong kontrol sa mga pamilihan at pagpapalaganap ng trabahong walang seguridad sa mga nangungunang rekisitong ipinataw sa atin ng mga pautang na ito,” dagdag ni Labog. #

 

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog, KMU Chairperson
Contact information: 
0929-629-3234

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments