Skip to main content

Ports Authority, Manny Pangilinan, sinabihan: ilabas ang plano sa North Harbor

Ilang araw bago ang pag-takeover sa Jan. 1 ng joint venture ng Metro Pacific Investments Corp (MPIC) at Harbour Centre Port Terminal Inc (HCPTI) sa Manila North Harbor, nanawagan ang Kilusang Mayo Uno sa Philippine Ports Authority (PPA) at kay Manny Pangilinan, chairman ng MPIC, na ilabas ang mga plano para sa North Harbor. 

Matapos mapanalunan ng dalawang kumpanya ang kontrata para sa pribatisasyon ng North Harbor noong Oktubre, nilagdaan ang joint venture sa pagitan ng MPIC at HCPTI noong Nob. 19, sa pamumuno ng MPIC. Hudyat ito sa pag-takeover sa pier ng joint venture, na pinangalanang Manila North Harbor Port Inc, na nakatakda sa Jan. 1, 2010.  

Sa kabila nito, hindi pa rin alam ng mga manggagawa at residente ng ng pier ang mga plano ng PPA at ng mga nanalong bidder para sa North Harbor, na humahawak sa mahigit kalahati ng kabuuang negosyo sa pier sa bansa. Mahigit 5,000 manggagawa sa pier at 30,000 residente ng mga komunidad ang nangangambang mawalan ng trabaho, tahanan at kabuhayan dahil sa takeover. 

“Panawagan namin sa PPA at kay Mr. Manny Pangilinan: ilabas na ninyo ang plano ninyo sa North Harbor. Nangangamba ang mga tao na mawalan ng trabaho, bahay at kabuhayan dahil sa takeover. Sana’y may malasakit kayo at pag-unawa sa katarungang panlipunan, lalo na ngayong ipagdiriwang natin ang Pasko at sasalubungin natin ang bagong taon,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, chairperson ng KMU. 

Sa isang pakikipag-diyalogo sa mga manggagawa ng pier, sinabi ng mga opisyal ng PPA na inaatasan ng batas ang ahensya na manahimik tungkol sa mga plano sa takeover. Ayaw naman ng MPIC, na pinapamunuan ni Pangilinan na ilahad ang mga plano para sa “modernisasyon” ng pier, sa kabila ng panawagan ng mga manggagawa para sa isang diyalogo. 

“Habang nagdiriwang ang PPA sa ginhawang nakuha nito sa pribatisasyon, at habang abala ang kumpanya ni Mr. Pangilinan sa pagkwenta ng tubo, balisa ang mga manggagawa at residente ng pier. Sana, magsalita na agad ang PPA at si Mr. Pangilinan para hindi mag-Pasko ang mga manggagawa at residente nang natatakot sa tanggalan at demolisyon,” sabi ni Labog. 

“Sana, unahin nila ang lehitimong interes ng mga manggagawa at residente para sa trabaho, tahanan at kabuhayan – hindi ang mga umano’y usaping ligal at planong pangnegosyo,” dagdag ni Labog. 

Sabi pa ng lider-manggagawa, makatwiran at makatarungan para sa mga manggagawa at residente ng pier na magsagawa ng mga sama-samang pagkilos dahil sa pananahimik ng PPA at ni Pangilinan. 

“Nasa mga manggagawa at residente ng North Harbor ang lahat ng dahilan para maglunsad ng iba’t ibang kolektibong pagkilos para ipresyur ang PPA at si Mr. Pangilinan na magsalita tungkol sa lagay nila, at ipagtanggol ang kanilang trabaho, tahanan at kabuhayan. Dapat silang suportahan ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino kung magpasya silang paigtingin ang pakikibaka nila,” sabi ni Labog. #

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog, KMU Chairperson
Contact information: 
0929-629-3234

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments