Skip to main content

Dubai crisis, magpapalobo sa impormal na sektor – KMU

Gobyerno, kailangang lumikha ng disenteng trabaho sa harap ng krisis

Pwedeng humantong ang libu-libong migranteng manggagawang Pinoy sa Dubai na nanganganib matanggal sa trabaho sa mga trabahong pansamantala at mababa ang sahod, babala ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno sa harap ng pangit na rekord ng gobyernong Arroyo sa paglikha ng mga trabaho sa bansa. 

Halos 250,000 OFW sa Dubai ang nanganganib maapektuhan ng krisis sa pautang sa nasabing lungsod sa Gitnang Silangan. Tumatama ngayon ang krisis sa mga migrante doon sa porma ng kaltas sa sweldo at tanggalan. May mga OFW ngayon sa Dubai na huli kung tumanggap ng sahod. 

Sabi ng KMU, dahil sa paglikha ng gobyerno ng mga trabahong impormal bilang tugon sa malawakang tanggalan sa loob at labas ng bansa, kalungkutan ang sasalubong sa mga OFW galing Dubai, sa pagiging bahagi ng lumalaking impormal na sektor. Nasa 14.7 milyon o kalahati ng pwersa ng paggawa sa bansa ang mga impormal ngayon. 

“Ano pa ang maiaalok ng gobyernong ito sa mga manggagawang natanggal sa trabaho bukod sa pagwawalis ng kalsada at iba pang trabahong impormal? Sa kasamaang palad, walang pagpipilian ang mga natanggal kundi ang pumasok sa impormal na sektor, na hindi saklaw ng mga proteksyon sa mga manggagawa at regulasyon sa sahod,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU. 

Kabilang sa mga manggagawang impormal ang mga drayber ng dyip at traysikel, manininda, mga self-employed, at manggagawang sa bahay nagtatrabaho, at iba pa. 

“Ang nakakalungkot, ang kawalang-trabaho sa bansa, na siyang nagtulak sa mga Pinoy na maghanap ng disenteng kabuhayan sa ibang bansa, ang siya pa rin palang pinal na hantungan ng mga kababayan nating matatanggal sa trabaho sa Dubai,” dagdag ni Labog.

Sabi ni Labog, patunay ang paglaki ng impormal na sektor ng tumitinding kahirapan, dahil nangangahulugan ang pagdami ng mga impormal na mababa ang sahod at kakayahang bumili ng mga Pinoy. Ibig sabihin, mas maraming nagugutom at naghihirap. Magdudulot ito ng mas mababang pagkonsumo at produktibidad. 

“Dapat magising ang gobyernong Arroyo sa signipikanteng bilang ng mga manggagawang Pinoy na apektado sa Dubai, na dapat itong gumawa ng mga disenteng trabaho at itulak ang pagtaas ng sahod, sa halip na magbigay lang ng mga gasgas nang papuri tulad ng ‘mga bagong bayani’ para sa ating mga OFW,” sabi ni Labog. 

“Sinasabi rin sa gobyerno ng krisis sa Dubai na kailangan na nitong bitawan ang patakaran nito ng pag-eeksport ng lakas-paggawa. Pagsusubo ito sa mga Pinoy sa bunganga ng tigre, sa pagdami ng mga bansang nagdurusa sa krisis sa ekonomiya ng daigdig,” dagdag niya. 

Ayon sa KMU, ang pagbibigay pa rin ng disente at istableng kabuhayan sa mga Pilipino ang pinakamahusay na paraan para ipagtanggol ang kabuhayan sa harap ng sitwasyon ng ekonomiya ng daigdig na hindig nagpapakita ng agarang pagbangon. #

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog, KMU Chairperson
Contact information: 
0929-629-3234

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments