Skip to main content

Bagong taong walang trabaho,’ ipinrotesta ng obrero ng North Harbor

Sa harap ng isang “bagong taong walang trabaho,” nagmartsa ngayon ang mga manggagawa at tindera sa pier ng North Harbor sa Maynila patungong Mendiola para igiit ang kagyat na aksyon ng gobyerno sa nagbabantang malawakang tanggalan kaakibat ng pagpasok ng pribadong mga kumpanya sa pier. 

Sa isa na namang malaking mobilisasyon ngayong araw, naggiit ang ang mga obrero sa pamumuno ng Alliance of Port/Transport Workers and Porters in North Harbor (APTWP-NH) ng malinaw na Terms of Reference na magtitiyak na walang tatanggaling manggagawa at kikilalanin ang mga unyon sa pagpasok ng Metro Pacific Investment Corp. at Harbor Centre Inc. simula Enero 1, 2010.

“Panawagan namin sa rehimeng Arroyo: kagyat na aksyon sa nagbabantang pagmasaker sa mga trabaho sa pier! Pinakamagandang magagawa na nito ang iadya ang mga obrero sa ‘bagong taong walang trabaho’ at isulong ang seguridad sa trabaho,” sabi ni Jake Azores, presidente ng APTWP-NH.

Mahigit 7,000 manggagawa sa pier at manininda ang posibleng mawalan ng kabuhayan, habang daan-daang pamilyang nakatira doon ang nangangamba sa demolisyon, dahil sa pribatisasyon. 

Sabi ni Azores, malabo pa rin kung sino ang magbabayad ng back wages ng mga obrero kung sakaling magkaroon ng tanggalan, gayung isang buwan na lang bago ang takeover. Nagdudulot daw ito ng pagkabalisa sa hanay nila sa panahon ng Kapaskuhan. 

“Kung hindi susundin ng mga nanalong bidder ang panawagan para sa malinaw na Terms of Reference, haharap kami sa pinakamalungkot na Bagong Taon sa nakaraang mga taon. Hindi makatarungan kung paanong gusto ng mga kapitalistang magsimula ang taon para sa amin. Ilang taon na nga kaming tumanggap ng mababang sahod,” sabi ni Azores.

“Pero tulad sa nakaraang mga pagkilos, papatunayan naming mahalaga ang sama-sama naming pagpapakita ng lakas sa kung anong mangyayari sa pribatisasyon. Kahit ngayong Kapaskuhan, hindi magbabakasyon ang panawagan namin para sa seguridad sa trabaho at pagkilala sa unyon.

“Maraming taon na kaming nagtrabaho rito. Kaya hindi kami basta susuko, kahit magtagal pa ang laban,” dagdag niya.

Nagpahayag naman ng lubos na pagsuporta ang tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno na si Elmer “Bong” Labog sa lehitimong laban ng mga manggagawa sa pier. Aniya, “may karapatan silang maggiit ng proteksyon sa harap ng nagbabantang tanggalan.”

“Kung talagang sinsero ang gobyernong Arroyo na itaguyod ang mga karapatan at kagalingan ng mga obrero, hindi ito dapat manahimik lang sa harap ng pagtanggal sa trabaho sa libu-libong manggagawa ng North Harbor. Pero malinaw sa rekord nito ang lantarang pakikipagsabwatan sa malalaking kapitalistang nagpapatupad ng malawakang tanggalan,” ani Labog. 

“Pero dapat magdalawang-isip ang gobyerno at mga pribadong kumpanya: kayang ipasara ng mga manggagawa ang pier kapag hindi tinugunan ang mga panawagan nila,” dagdag ni Labog. #

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog, KMU Chairperson
Contact information: 
0929-629-3234

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments