KMU: Nasaan ang katarungang panlipunan sa pagbebenta ng Luisita?
Related posts
- Tatlong araw bago ang deadline sa magsasaka; Obrero, hinamon uli si Noynoy: Aksyon sa Luisita, ngayon na!
- KMU kay Noynoy: Nasaan na ang pangako mo?
- Ulit ng KMU: Noynoy, dinggin ang daing ng magsasaka ng Luisita
- Lupa ng Hacienda Luisita, ipamahagi sa magsasaka – ngayon na!
- Kontra-magsasaka ang desisyon ng Korte Suprema! Sumama sa protesta sa Hulyo 22!
Hindi matutugunan ng pagbebenta ng mga share sa Hacienda Luisita sa mga negosyante ang deka-dekada nang laban para ipamahagi ang lupa at para sa katarungang panlipunan, sabi ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno kaugnay ng huling desisyon ng pamilya Aquino sa gitna ng lumalakas na panawagan na tugunan ang sigalot sa lupa sa malawak na hacienda sa Tarlac.
Sa isang panayam sa telebisyon matapos ang isinapublikong pagpupulong ng pamilya nila, sinabi ni Ballsy Aquino-Cruz na ang mga kapatid niya “ay walang problema kung ibenta ang kanilang pag-aari sa malalaking negosyante na pwedeng magnegosyo doon na kaugnay ng agrikultura.” Pero sa tingin ng KMU, palpak na pagtatangka itong patahimikin ang mga pagtuligsa at iwasan ang madiing panawagan ng mga magsasaka at manggagawang bukid ng Luisita.
“Labis kaming nadidismaya sa desisyon ng pamilya Aquino na basta na lang ibenta ang shares nila. Paano sila magkakaroon ng karapatang ibenta ang shares nila kung hindi naman talaga sila ang may-ari ng lupa? Binili ang Luisita ng mga Cojuangco gamit ang pautang ng gobyerno. Nailayo ito sa pamamahagi ng lupa sa pamamagitan ng CARP at ngayon ay ipinagkakait muli sa mga marapat mag-ari nito sa pamamagitan ng pagbebenta,” sabi ni Joselito “Lito” Ustarez, executive vice president ng KMU.
“Nasaan ang katarungang panlipunan diyan? Nakakasuklam na ang tampok na suliranin sa reporma sa lupa sa nakaraang mga taon ay naging usapin na lang ng problema ng negosyo ng pamilya,” dagdag ni Ustarez.
Dalawang tagumpay
Sabi pa ni Ustarez, pwede ring gamitin ang kikitain sa pagbebenta ng shares ng magkakapatid na Aquino para palakihin ang pondong pangkampanya ni presidentiable Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III, kaya parang dalawang tagumpay ang makakamit nila agad.
“Dahil naganap ang desisyon habang nangangampanya para sa eleksyon si Sen. Aquino, hindi maalis sa isip namin ang posibilidad na ang kikitain sa transaksyon ay gagamiting dagdag-pondo para sa kandidatura ni Aquino. Masamang pangitain ito,” sabi niya.
Sabi ng KMU, “sa huling desisyon nito, pinagtibay ng pamilya Aquino ang kagustuhang hadlangan ang repormang agraryo sa Luisita. Sa kabila ito ng pagpapataw nito ng deadline para palayasin ang mga magbubukid at maglunsad ng enlistment, para umano malaman ang tunay na mga benepisyaryo ng reporma sa lupa sa hacienda.”
“Wala halos ipinagbago ang esensya ng mga pahayag ng pamilya Aquino sa nakaraang mga dekada. Simple lang ang gusto ng mga magsasaka at manggagawang bukid: ang ipamahagi ang lupa sa kanila. Pero iniikutan ng pamilya Aquino ang usapin,” sabi ni Ustarez.
Pagtatanggol sa kapwa-landlord
Tinuligsa rin ng KMU si Sen. Mar Roxas dahil sa pagtatanggol nito kay Sen. Aquino sa isyu ng Luisita sa halip na magtulak ng mga hakbangin na reresolba sa usapin.
“Hindi nakakagulat na si Sen. Roxas, na may-ari rin ng malawak na mga lupain, ay nagtatanggol sa kanyang running mate sa batayang pampulitika lang, sa halip na itaguyod ang karapatan ng mga magsasaka na magkaroon ng lupa.”
“Magiging isa bang Noli de Castro si Mar? Bise presidenteng tanggol nang tanggol sa presidente kahit ang dapat gawin ay hilingin sa presidente na umaksyon?” tanong ni Ustarez. #
Add comment
Recent comments
- The most Filipino workers,
2 days 12 hours ago - maam / sir
2 weeks 17 hours ago - Kumusta na po ba si Athea
2 weeks 3 days ago - Kayo pulo salita. Wala kawa.
2 weeks 3 days ago - By watched this article, I
3 weeks 17 hours ago - Revelation 13:16 to 18
16.
3 weeks 17 hours ago - The SC decision is final and
3 weeks 1 day ago - really?...but on the other
3 weeks 3 days ago - Solidarity from New Zealand
4 weeks 2 days ago - Tama ka dyan mga mandadamay
4 weeks 3 days ago
Most discussed