Gonzales sa DND: mas matinding panunupil sa kritiko ng gobyerno
Sa pagtatalaga sa kinasusuklamang si National Security Adviser Norberto Gonzales, parang muling binuhay ni Gloria Arroyo si Adolf Hitler para mamuno sa Department of National Defense, na may tuluy-tuloy na rekord ng pagpapasidhi sa mga hidwaan sa bansa at pagpapatindi ng dahas laban sa mga kritiko ng gobyerno.
Matagal na naming kilala si Gonzales na isa sa mga utak at pangunahing tagapagpatupad ng Oplan Bantay Laya 1 at 2, ang programang kontra-insurhensya ng rehimeng US-Arroyo na siyang responsible sa ekstrahudisyal na pagpaslang at pagdukot sa mga aktibista, gayundin sa todo-todong militarisasyon sa kanayunan. Alam ng lahat ang galit niya sa mga maka-kaliwa at iba pang kritikal na boses sa lipunan, at madaling patunayan ng kanyang rekord ang kanyang brutalidad sa pagharap sa rebelyon sa kanayunan.
Dapat siyang makulong sa mga krimen niya sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino, hindi ang maitalaga sa kahit anong pwesto sa gobyerno. Siya ang isa sa pinakamasahol na tao para maitalagang Defense secretary. Nangangamba kaming hudyat ang pagkakatalaga sa kanya ng muling pagtindi ng ektrahudisyal na pagpaslang, pagdukot at militarisasyon sa bansa – lalo na sa Mindanao, sa harap ng huling mga pahayag ni US State Sec. Hillary Clinton tungkol sa rehiyon. Ano ang aasahan natin sa isang malupit na kontra-komunista?
Tila inilatag na ni Sec. Clinton ang propaganda para sa pagkakatalagang ito noong sinabi niyang “Ang natuklasan ko, mas madaling gawin ang mahihirap na desisyon kapag paalis ka na sa pwesto. Dahil… handa ka nang harapin ang pampulitikang gulo.” Parang ganito ang ginawa ni Gng. Arroyo sa pagkakatalaga kay Gonzales sa DND. Kailangang sabihin, gayunman, na hindi “mahirap na desisyon” ito para kay Gng. Arroyo, dahil tugma ito sa patakarang ipinatupad niya sa kanyang termino.
Ano ang pinaplano ni Gng. Arroyo? Ang kamtin ang matayog niyang pangarap na durugin ang rebelyon pagdating ng 2010? Ang magpataw ng batas militar kapag nagsara na ang iba niyang lusutan para makatakas sa pananagutan para sa mga krimen niya sa mga mamamayan? Ang lumikha ng pangalawang “sitwasyong MOA-AD” at lusubin ang Moro Islamic Liberation Front nang todo-todo? Ang gamitin ang militar at pulisya para mandaya pabor sa kanyang mga kandidato sa eleksyong 2010? Wala kahit isa man lang ang papakinabangan ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino.
Kung matatandaan, noong iniimbestigahan si Gonzales ng Senado para sa papel niya sa kontrobersyang Venable-LLP, itinakbo siya sa ospital at namalagi roon sa loob ng ilang araw dahil sa lagay ng kanyang kalusugan. Nababahala kami hindi ng kanyang pangkalahatang kalusugan, kundi sa kalusugan ng kanyang utak. Masyadong matindi ang mga krimen niya sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino at masyadong masidhi ang kanyang gigil para sa kanyang layuning marahas at kontra-mamamayan. Hindi namin mapigilang kwestyunin ang katinuan ng isip niya para humawak ng kahit anong pwesto sa gobyerno – ngayon man o sa hinaharap. ###
Add comment
Recent comments
- The most Filipino workers,
2 days 12 hours ago - maam / sir
2 weeks 17 hours ago - Kumusta na po ba si Athea
2 weeks 3 days ago - Kayo pulo salita. Wala kawa.
2 weeks 3 days ago - By watched this article, I
3 weeks 17 hours ago - Revelation 13:16 to 18
16.
3 weeks 17 hours ago - The SC decision is final and
3 weeks 1 day ago - really?...but on the other
3 weeks 3 days ago - Solidarity from New Zealand
4 weeks 2 days ago - Tama ka dyan mga mandadamay
4 weeks 3 days ago
Most discussed