Skip to main content

Anakpawis, nangakong igiit ang katarungan sa Luisita, ibasura ang Assumption of Jurisdiction

Nangako ang Anakpawis, pinakamalaking partylist ng mga manggagawa at magsasaka, na igiit ang lupa at katarungan para sa mga magbubukid ng Hacienda Luisita sa pagdedeklara nito ngayong araw ng pagtakbo sa Kongreso sa halalang 2010.

Sa historikong kumbensyon ng mga lider ng maralitang lungsod, magsasaka at manggagawa, tinawag ng partylist ang isyu ng pamamahagi ng lupa at pagmasaker sa mga nagwelgang magbubukid sa Luisita na “tampok na suliranin ng katarungang panlipunan” sa bansa, na dapat tugunan ng mga presidentiable kahit ngayon pa lang.
“Kasabay ng pangako naming bigyang-tinig ang masang anakpawis sa gitna ng mga tradisyunal na pulitiko, pinagtitibay rin namin ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at katarungan para sa mga magsasaka at manggagawang bukid – sa partikular, sa aming pakikibaka sa ‘lupang pangako’ ng Luisita,” sabi ni Rep. Rafael “Paeng” Mariano, kinatawan ng Anakpawis sa ika-13 at ika-14 na Kongreso.

“Inuulit namin: suliranin ng katarungang panlipunan ang mga isyu sa Luisita na dapat tutukan ng buong bansa, taliwas sa sinasabi ng mga Cojuangco na black propaganda lamang ang mga ito. Tungkol ito sa kawalang-lupa ng mga nagsasaka, inhustisya sa mga nagbubungkal, at pagmasaker sa mga lumaban para sa batayang karapatan,” dagdag ni Mariano.

Sinabi ni Mariano sa pambansang kumbensyon ng partylist sa Quezon City na itutulak ng Anakpawis ang pamamahagi ng lupa ng Luisita sa pagpanawagang itaguyod ang pagbasura ng gobyerno sa Stock Distribution Option (SDO) sa Luisita, na siyang nagpahintulot sa mga Cojuangco na ikutan ang pamamahagi ng lupa.

Samantala, sinabi ni Joselito Ustarez, executive vice president ng Kilusang Mayo Uno, na ipepresyur ng Anakpawis at iba pang progresibong grupo ang mga korte na kasuhan at pabilisin ang paghatol sa mga yunit ng militar, lalo na sa kanilang mga lider, na nasa likod ng brutal na pagpatay sa mga nagwelgang manggagawa noong 2004.

Ayon sa kanya, ipagpapatuloy rin ng partylist ang pagpapatampok sa papatinding militarisasyon sa 6,453-ektaryang lupain, lalo na ngayong papalapit ang ikalimang anibersaryo ng masaker sa Lunes.

“Noong brutal na dinurog ang welga sa Luisita gamit ang Assumption of Jurisdiction ng DOLE bilang ligal na palusot, naging militarisado na rin ang iba pang pagawaan at lupaing agro-industriyal sa Gitnang Luzon. Lahat ng ito, gamit ang kapangyarihan ng sekretarya ng DOLE,” sabi ni Ustarez.

“Dahil dito, napakahalaga ng Luisita sa aming pakikibaka para ibasura ang Assumption of Jurisdiction, na siyang nagsilbing ‘shoot-to-kill order’ laban sa mga manggagawa sa buong bansa nitong nakaraang mga taon,” dagdag ni Ustarez. ###

Reference Person: 
Wendell Gumban, KMU Media Liaison Officer
Contact information: 
0916-607-5574

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments