Skip to main content

Tatlong araw bago ang deadline sa magsasaka; Obrero, hinamon uli si Noynoy: Aksyon sa Luisita, ngayon na!

Inulit ngayon ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno ang panawagan kay presidentiable Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III na labanan ang nagbabantang pagpapalayas sa mga magsasaka sa Hacienda Luisita, ang malawak na 6,000-hektaryang lupaing pag-aari ng pamilya niya.

Nitong Disyembre 2008, inutusan ng Hacienda Luisita Incorporated (HLI) ang mga magsasakang nagbubukal sa 2,000-hektaryang bahagi ng hacienda na lisanin na ang lupa pagdating ng Oktubre 30 ngayong taon. Matapos kanselahin ng gobyerno ang Stock Distribution Option (SDO) ng HLI noong 2005, iginigiit ng mga magsasaka at manggagawang bukid na pag-aari na nila ang lupa.

“Tatlong araw na lang pero wala pa ring pahayag si Noynoy. Gayung kung saan-saan naman siya nakikita, aktibong nangangampanya,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

Binalikan ni Labog ang pahayag ni Sen. Aquino na ibebenta niya at ng mga kapatid niya ang hati sa hacienda matapos siyang hamunin ng KMU at iba pang organisasyong progresibo na umaksyon sa isyu. “Sabi namin, hindi kami masaya sa pangako, dahil malabo at parang hakbangin pang-negosyo, hindi para sa katarungang panlipunan. Wala na kaming narinig sa kanya tungkol sa isyu pagkatapos,” sabi ni Labog. 

“Nakataya ang buhay at kabuhayan ng mahigit sa 500 pamilya, at may magagawa siya,” dagdag niya. “Panawagan namin hindi lang ibasura ang deadline, kundi itigil na ng pamilya Cojuangco at Aquino ang pagsisikap na mapag-arian ang lupa. Hayaan nilang mapag-arian ng mga nagbubungkal ang lupa.”

Hinamon din ni Labog si Sen. Aquino na gawing totoo ang mga pangako niya ng pagbabago kaugnay ng isyu. “Tunay na reporma sa lupa ang pagbabagong kailangan ng mga Pinoy. Nangangako si Noynoy, tulad ng ibang presidentiable, ng pagbabago. Heto ang maliit na pagbabagong sa tingin namin ay kaya niyang gawin,” sabi niya.

Inilinaw ni Labog ang mga batayan ng panawagan ng KMU. “Matagal nang nagtrabaho ang mga magbubukid sa lupa. Nakuha na nila ang karapatang pag-arian ito. Nabigo ang pekeng repormang agraryo ng rehimeng Aquino na ibigay ang lupa sa kanila, dahil na rin sa iskemang SDO. Matagal na nilang dapat napag-arian ang lupa,” sabi niya.

Binalikan din ni Labog ang pagmasaker noong 2004 sa mga nagwewelgang magbubukid sa hacienda, na pumatay sa 14 na tao. Nagpahayag siya ng pangamba sa mga pwedeng gawin ng HLI para ipatupad ang deadline. “Alam natin kung gaano katinding karahasan ang pwedeng pawalan ng HLI sa mga magbubukid. Ano ang mangyayari kung ayaw nilang umalis, kung maglunsad sila ng militanteng paglaban?” sabi ni Labog.

“Ngayon na ang panahon para umaksyon si Noynoy,” sabi ni Labog. “Hindi niya gugustuhing multuhin siya ng isyung ito sa buong panahon ng pagkakampanya.” #

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog, KMU Chairperson
Contact information: 
0929-629-3234

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments