Skip to main content

Patrabahong emergency, bitag sa kahirapan – KMU

Obrero nagpiket sa DOLE dahil inutil sa kalamidad

Nagpiket ngayon ang mga manggagawa sa pamumuno ng Kilusang Mayo Uno at Anakpawis Partylist sa DOLE para kondenahin ang mga tangka nitong ipakita sa publiko na tumutulong ito sa mga manggagawang tinamaan ng kalamidad. Ayon sa mga grupo, hindi wastong tugon sa kalamidad ang magbigay ng patrabahong emergency sa halos 1,450 apektadong manggagawa sa Luzon.

Sabi ng KMU, bitag ng kahirapan ang programang patrabahong emergency ng gobyerno para sa mga biktima ng bagyong “Ondoy” at “Pepeng.” Gagawin kasi nito ang mga manggagawang natanggal – pansamantala o pangmatagalan – na mga manggagawang panandalian.

“Tugma sa pagpapalaganap nito ng delikado at walang kaseguruhang trabaho sa harap ng matinding krisis, ginamit pa nga ng rehimeng Arroyo ang pinsalang dulot ng bagyo para gawing manggagawang kontraktwal na mababa ang sahod ang mga regular na manggagawa. Malinaw na lalong ginagawa kaming bulnerable n ito sa mga epekto ng mga kalamidad at sa lumalalang pang-ekonomiyang krisis,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

Pagkatapos ng trabahong emergency, ano ang gagawin ng mga walang trabaho at bahay na muling iayos ang buhay gamit ang P5,730 matapos ang 15 araw na operasyon ng paglilinis at declogging? Paano sila makakahanap ng disenteng trabaho kung ang gobyerno mismo ang tuluy-tuloy na nagpapalaganap ng mga trabahong mababa ang kalidad at sahod. Talagang pinapanatili tayong mahirap, sa halip na tulungan tayong makabangon,” dagdag niya.

Iba pang pagsisikap

Tinuligsa rin ng KMU ang iba pang pagsisikap ng DOLE bilang tugon sa kakatapos na kalamidad – sa partikular, ang request nito sa mga employer na tulungan ang kani-kanilang manggagawa.

“Malinaw na pakitang-tao lang ito. Ang maliliit at panggitnang-laking negosyanteng Pinoy na handang sumunod sa panawagang ito, tila walang kakayahang magbigay ng direktang tulong dahil sila man ay tinamaan ng kalamidad. Sa kabilang banda, habang kaya ng malalaking negosyante ang tumulong, bihira silang umaksyon nang walang tulak galing gobyerno at mga manggagawa,” sabi ni Labog.

Sabi ni Rep. Joel Maglunsod ng Anakpawis Partylist, dapat bigyan ng disente at istableng trabaho – hindi panandalian lang – ang mga manggagawang natanggal matapos nina “Ondoy” at “Pepeng”

“Bago magyabang na tumulong na ito sa mga manggagawa para makaalpas sa trahedya, dapat tiyakin ng rehimeng Arroyo na ang mga manggagawang tinanggal ay makahanap ng permanenteng papasukan. Ito ang pinakamainam nilang katiyakan para makasulong. Ito rin ang pinakamagandang proteksyon sa masasamang epekto ng mga darating pang kalamidad,” sabi ni Maglunsod.

Ayon kay Maglunsod, dapat bigyan ang mga manggagawa ng direktang tulong pampinansya ng gobyerno, sa halip na hikayatin ang mga employer na tulungan ang mga manggagawang sinalanta.

“Ang kailangan talaga ng mga manggagawa ngayon ay ang direkta at mabilis na tulong na makakatulong sa kanilang sapatan ang batayang mga pangangailangan sa harap ng matinding pinsalang dulot ng bagyo,” sabi ni Maglunsod.

Isinalarawan din ng KMU ang pagde-deploy ng 40 nars lang sa mga barangay ng Metro Manila na tinamaan ng bagyo bilang “isang krudong tugon na ang kakatwa’y nagpapakita sa labor export policy na humigop ng mga manggagawang pangkalusugan at propesyunal palabas ng bansa.” ###

Reference Person: 
Elmer “Bong” Labog, KMU Chairperson
Contact information: 
0929-629-3234

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments