Skip to main content

P100-M SSS typhoon aid: miyembro wala, Gloria tiba-tiba

KMU, Anakpawis nagpiket sa SSS para sa direktang tulong sa mga nasalanta

Tinuligsa ng mga manggagawa sa pamumuno ng Kilusang Mayo Uno at Anakpawis Partylist ang kaduda-dudang pagbibigay ng donasyong P100 milyon ng Social Security System sa Office of the President. Pwede raw maghudyat ng panibagong kontrobersya sa rehimeng Arroyo ang P30 milyong napunta kay Gloria.

Sa piket sa harap ng SSS Office, iginiit ng mga manggagawa at biktima ng bagyo kay Romulo Neri, pangulo at CEO ng SSS, na ipaliwanag ang madyik na ginawa sa pondo ng SSS – na agad na nagbigay ng milyun-milyon kay Arroyo habang ang nagkakagulo ang mga miyembro nito, na ang mayorya’y manggagawa, sa usad-pagong na mga pautang.

Ayon sa SSS website, naglabas ito ng P60 milyon para sa Department of Social Welfare and Development, P30 milyon para sa Office of the President at P5 milyon para sa grupo ng mga manggagawa at employer.

“Duda kami kung bakit ang administrasyon ng SSS, sa pamumuno ni Sec. Neri – malapit na alyado ni Gng. Arroyo – ay naglaan ng pondo ng mga miyembro nito para sa Office of the President sa halip na maglabas ng direktang tulong sa mga miyembro,” sabi ni Roger Soluta Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.

“Habang nagbibigay ang SSS administration sa mahihirap pero masisipag nitong miyembro ng pautang lang at moratorium sa pagbabayad-utang, hindi ito nagdalawang-isip na magbigay sa mga pulitiko ng oportunidad na magnakaw ng milyun-milyon galing sa mga manggagawa – at matapos pa man din ng isang pambansang kalamidad,” sabi ni Soluta.

Sinabi naman ni Rep. Joel Maglunsod ng Anakpawis Partylist na ang paglalaan ng tulong “ay nagluluwal ng mga hinala tungkol sa tunay nitong intensyon.”

“Gusto ba talaga ng SSS na maglingkod sa mga miyembrong apektado ng bagyo? O masyadong matindi ang presyur at pang-akit ng mga tiwaling pulitiko kaya walang magawa si G. Neri kundi ‘i-moderate’ ang ‘greed’ ng mga pulitiko?,” sabi niya.

Sabi ni Rep. Maglunsod, dapat maglabas ang SSS ng P20,000 direktang tulong sa mga miyembrong apektado ng bagyo kung gusto talaga nitong tumulong, sa halip na maglabas ng mga pondo para sa mga tiwaling ahensya.

Kinwestyon din ng KMU ang paglalabas ng P5 milyon patungo sa mga grupo ng manggagawa, at sinabing “hindi ito naramdaman naming mga obrero.”

“Panawagan namin sa gobyerno: lagyan ng pondo ang SSS para mabigyan ang mga miyembro ng P20,000 direktang tulong. Giit namin: imbestigahan ang paglalaan ng pondo ng SSS sa ibang ahensya ng gobyerno. Mensahe namin kay Gng. Arroyo: Huwag galawin ang SSS! Direktang tulong pampinansya sa mga manggagawa, ibigay, ngayon na!” sabi ni Soluta.

Reference Person: 
Roger Soluta, KMU Sec. General
Contact information: 
0928-721-5313

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments