Skip to main content

KMU kay Gloria: Itigil ang paghugas-kamay sa San Roque

Tinuligsa ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno ang plano ng gobyernong Arroyo na isapribado ang San Roque dam matapos nitong magdulot ng pagkawasak ng buhay at kabuhayan sa Pangasinan at mga karatig-lugar. Ayon dito, magbibigay lang ang pagbebenta ng planta sa pribadong sektor ng “escape tunnel” para kay Gloria Arroyo, para makaiwas sa pananagutan sa pinsalang dulot ng bagyo.

Inanunsyo nitong huli ni Energy Sec. Angelo Reyes na itutuloy ng gobyerno ang pagsasapribado sa mga pag-aari at pasilidad ng gobyerno para sa power generation – kasama ang Angat hydropower plant, Navotas gas turbine power plant, at ang mga hydro electrcic dam na San Roque, Bakun at Benguet.

“Sa pagsasapribado sa San Roque, aalisin ng gobyerno ang kontrol sa dam at hahayaan ang mga pribadong kumpanya na magdulot ng mas matinding pinsala. Masamang pakana ito para umiwas sa pananagutan sa grabeng pagbaha. Patakaran din nitong pahintulutan ang mga dayuhang kumpanya na idomina sektor ng enerhiya – kasabay ng pagkuha ng kickback,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

“Kahit anong palusot ang gawin ng gobyerno, dapat itigil ang planong pribatisasyon. Hindi pwedeng basta na lang takasan ng rehimen ang pananagutan sa pagkamatay ng mga kababayan natin at pagkawasak ng mga pananim.

“Ang panawagan ng mga mamamayan: idekomisyon ang San Roque. Hindi dapat ipasa ang masamang proyekto ng gobyerno sa mga kumpanyang pribado, na lalong magpapasahol lang sa proyekto,” dagdag ni Labog.

Sabi ng DOE, nakatakda na ang second wave ng bidding para sa San Roque – na isa ngayong pag-aari ng National Power Corporation o Napocor.

“Hanggang huli, ipinapakita ng rehimen na wala itong malasakit at iresponsable ito sa pagdistansya sa kalamidad at sa pagpahintulot nito sa mga pribadong kumpanya na tumubo sa kabila ng malawak na pagkasira,” sabi ni Labog.

Mahal na kuryente, malaganap na pagkawasak

Babala ng KMU, magdudulot ng pagtaas ng singil sa kuryente ang pagsasapribado sa natitirang mga pag-aari at pasilidad ng gobyerno para sa electricity generation.

“Hindi pa ba tayo natuto sa karanasan natin sa pribatisasyon? Inilalagay nito ang kapakanan ng mga mamamayan sa kamay ng mga kapitalista na ang pangunahing interes ay tubo, hindi ang paglilingkod sa mga mamamayan. At nagbibigay ito ng napakaraming pagkakataon para sa katiwalian sa mga opisyal ng gobyerno,” sabi ni Labog.

“Patunay na naman ito ng kabulukan ng rehimeng Arroyo: sinasamantala nito ang pagkawasak na dulot ng San Roque para isulong ang makasariling interes – umiwas sa pananagutan sa hinaharap at humamig ng maraming pera sa napatunayan nang tiwaling proseso ng pribatisasyon.” ###

Reference Person: 
Elmer “Bong” Labog, KMU Chairperson
Contact information: 
0929-629-3234

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments