Skip to main content

Kailangan: P20,000 calamity assistance – KMU

Iginiit ng militanteng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno na magbigay ang gobyerno ng P20,000 direktang calamity assistance sa pamilya ng mga miyembro ng SSS na apektado ng bagyong “Ondoy.” Hindi raw sapat na tulong ang moratorium sa pagbabayad-utang sa SSS. 

Sinabi ng grupo na batay ang halaga sa kalkulasyon ng pangangailangan ng pamilyang sinalanta. “Sigurado, kulang pa ang P20,000. Pero makakatulong na ito sa mga pamilya ng manggagawa na makapagsimulang muli. Madaling maibigay ito ng gobyerno basta unahin nito ang interes ng mga mamamayan,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU. 

“Ano ang kailangan ng pamilyang nasalanta ng bagyo? Pagkain, pagpapagawa ng bahay, bagong gamit sa eskwelahan ng mga bata, bagong damit, gamit sa kusina, kumot. Para masapatan ang mga ito, kailangan ang direktang tulong,” sabi ni Labog.

Tinatawagan ng KMU ang gobyerno na maglagak ng pondo sa SSS para maibigay ng nasabing ahensya ang tulong sa mga manggagawa. “Maraming posibleng pagkunan,” sabi ni Labog. “Isa na ang diyan ang bilyun-bilyon sa Presidential Social Fund, na galing sa kita ng Pagcor at hindi ino-audit tulad ng ibang pondo.”

Pwede rin daw magpataw ng moratorium sa pagbabayad sa utang panlabas. “Malayo ang mararating ng P746.18 bilyong pambayad-utang na panukala ng Kongreso hindi lang sa pagtulong sa mga nasalanta, kundi sa pagbibigay sa mga Pinoy ng mga serbisyong panlipunan sa hinaharap,” sabi ni Labog.
 
Hindi sapat na tulong

Sinabi rin ni Labog na hindi sapat na tulong sa mga pamilyang apektado ng bagyo ang isang-taong suspensyon ng pagbabayad sa housing at salary loans sa SSS na ipinataw ni Pang. Arroyo. “Pwedeng palakihin nito ang take-home pay sa darating na mga buwan, pero kailangan ng mga manggagawa ng kagyat na tulong ngayon,” sabi niya. 

Kasunod ito ng pagtuligsa ng KMU sa mga calamity loan na alok ng gobyerno. “Baon na ang mga manggagawa sa utang, bago pa man ang kalamidad,” sabi ni Labog. Ayaw na namin ng babayarang dagdag na utang. Hindi ito ang tulong na kailangan namin sa panahong ito. Kailangan namin ng direktang tulong,” sabi ni Labog.

Sabi pa ng KMU, ipinapakita ng mga aksyong ito na hindi talaga gusto ng gobyerno na tumulong sa mga sinalanta ng bagyo. “Mas pinipili na naman ng rehimeng US-Arroyo ang porma kaysa esensya – o tikas kaysa tulong. Gustong magmukhang tumutulong sa maralita kahit hindi naman talaga,” sabi ni Labog.

Ihinambing ng grupo ang pagbuhos ng suporta ng mga mamamayan sa mga biktima ng bagyo at sa tila pagdadalawang-isip ng gobyerno na tumulong. “Bakit ang karaniwang tao, ibinibigay ang kayang ibigay, samantalang ang rehimen, sa kabila ng napakaraming pondo, ay utang lang ang ipinapamigay?” sabi ni Labog. #

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog, KMU Chairperson
Contact information: 
0929-629-3234

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments