Skip to main content

Comelec, dapat umaksyon para maraming manggagawa ang makararehistro

Malapit na ang October 31, ang deadline ng rehistrasyon para sa eleksyong 2010 at nababahala kaming marami sa mga kamanggagawa at kababayan namin ang hindi pa nakakapagparehistro.

Panawagan namin sa Comelec: magpatupad ng mga hakbangin para makapagparehistro ang mga manggagawa nang hindi nababawasan ang aming sahod o bahagi nito. Pwedeng gawin nito ang isa sa mga sumusunod: magdeklara ng isang araw para sa espesyal na rehistrasyon at utusan ang mga employer na magbigay sa mga manggagawa ng leave with pay, magdeklara ng espesyal na rehistrasyon sa Sabado, o gamitin ang mahabang weekend bago ang Undas para rito.

Laging nasa trabaho kaming manggagawa sa buong araw na nag-aalok ang Comelec ng rehistrasyon. Dahil sa tumataas na mga presyo ng bilihin, marami sa aming mga manggagawa ang hindi kayang isakripisyo ang sahod o ang bahagi nito para makapagparehistro. Lalong naging mahirap para sa amin ang magparehistro dahil sa pinsalang dulot ng mga bagyong “Ondoy” at “Pepeng.” Hindi talaga kaya ng marami sa amin na unahin ang pagpaparehistro sa pag-aayos ng aming buhay. Dapat tumugon sa ganitong sitwasyon ang Comelec para maraming manggagawa ang makapagparehistro.

Napakahalaga pa naman ng eleksyon sa 2010 para sa bansa. Sa wakas, makakapili na tayo ng ipapalit sa pinaka-kinamumuhiang presidente pagkatapos ni Ferdinand Marcos. Makakapili na rin tayo ng mga taong pupuno sa kalahati ng Senado na nagsilbing fiscalizer sa ilalim ng kasalukuyang rehimen. Boboto rin tayo para sa progresibong mga party-list na tuluy-tuloy na nakipaglaban para sa ating mga interes. Dapat bigyan kaming manggagawa ng pagkakataong isabuhay ang aming karapatan bilang mga mamamayan, at magkaroon ng tinig sa pagpili ng mga magiging lider ng bansa.

Dapat umaksyon na ngayon ang Comelec. Nakakalungkot na hindi nito nagawa ang alinman sa mga panukalang ihinahapag namin. Dapat, matagal na itong nagpatupad ng mga patakarang magpapalawak ng partisipasyon ng mga manggagawa sa darating na halalan. ###

Reference Person: 
Elmer “Bong” Labog, KMU Chairperson
Contact information: 
0929-629-3234

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments